Kaaliwan sa Panahon ng Krisis
Kaaliwan sa Panahon ng Krisis
TALAGANG hindi nakaaaliw ang mga balita sa ngayon. Isang tao ang sumulat: “Labis na nakapanlulumo ang mga balita sa ngayon anupat madalas ay hindi tayo makapagpasiya kung panonoorin pa natin ang balita tuwing alas-seis.” Ang daigdig ay punô ng digmaan, terorismo, pagdurusa, krimen, at sakit—mga kasamaan na di-magtatagal ay maaaring tuwirang makaapekto sa atin sakali mang hindi pa tayo naapektuhan nito.
May-katumpakang inihula ng Bibliya ang kalagayang ito. Sa paglalarawan sa ating panahon, sinabi ni Jesus na magkakaroon ng malalaking digmaan, salot, kakapusan sa pagkain, at mga lindol. (Lucas 21:10, 11) Gayundin naman, sumulat si apostol Pablo hinggil sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” kapag ang mga tao ay magiging mabangis, maibigin sa salapi, at walang pag-ibig sa kabutihan. Tinawag niya ang yugtong iyon na “mga huling araw.”—2 Timoteo 3:1-5.
Samakatuwid, sa paglalarawan sa mga kalagayan sa daigdig, ang mga balita ay may pagkakahawig sa inihula ng Bibliya. Subalit hanggang doon lamang ang pagkakahawig ng mga ito. Nagbibigay ang Bibliya ng isang pangmalas na hindi naibibigay ng balita. Sa pamamagitan ng kinasihang Salita ng Diyos, mauunawaan natin hindi lamang kung bakit napakaraming kasamaan kundi kung ano rin naman ang kinabukasan natin.
Kung Paano Minamalas ng Diyos ang Kabalakyutan
Ipinaliliwanag ng Bibliya kung paano minamalas ng Diyos ang nakapipighating mga kalagayan sa ating panahon. Bagaman patiuna na niyang nakita ang kasalukuyang mga kaligaligan, hindi niya sinasang-ayunan ang mga ito ni balak man niya na pahintulutan ang mga ito nang walang takda. “Ang Diyos ay pag-ibig,” ang isinulat ni apostol Juan. (1 Juan 4:8) Si Jehova ay lubhang nagmamalasakit sa mga tao at kinamumuhian niya ang lahat ng kasamaan. Angkop na angkop na makababaling tayo sa Diyos ukol sa kaaliwan, yamang siya ay mabuti at mahabagin at may kapangyarihan at determinasyong pawiin ang kasamaan sa lupa. Sumulat ang salmista: “Ililigtas [ng makalangit na Hari na hinirang ng Diyos] ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.”—Awit 72:12-14.
Naaawa ka ba sa mga nagdurusa? Malamang na oo. Ang empatiya ay isang katangian na inilagay sa atin ni Jehova, yamang nilalang tayo ayon sa kaniyang larawan. (Genesis 1:26, 27) Samakatuwid, makapagtitiwala tayo na si Jehova ay may empatiya sa pagdurusa ng tao. Itinuro ni Jesus, na higit na nakakakilala kay Jehova kaysa kanino pa man, na si Jehova ay lubhang interesado sa atin at puspos siya ng magiliw na pagkamahabagin.—Mateo 10:29, 31.
Ang sangnilalang mismo ay nagpapatotoo na nagmamalasakit ang Diyos sa sangkatauhan. Sinabi ni Jesus na “pinasisikat [ng Diyos] ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mateo 5:45) Sa mga tao sa lunsod ng Listra, sinabi ni apostol Pablo: ‘Hindi pinabayaan ng Diyos na wala siyang patotoo sapagkat gumawa siya ng mabuti, na binibigyan kayo ng mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at pagkagalak.’—Gawa 14:17.
Sino ang May Pananagutan sa Kabalakyutan?
Kapansin-pansin na sinabi rin ni Pablo sa mga tao sa Listra: “Noong mga nakalipas na salinlahi ay pinahintulutan [ng Diyos] ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga daan.” Samakatuwid, ang mga bansa—o ang mga tao mismo—ang pangunahin nang may pananagutan sa karamihan ng mahihirap na kalagayang kinasasadlakan nila. Hindi dapat sisihin ang Diyos.—Gawa 14:16.
Bakit pinahihintulutan ni Jehova na mangyari ang masasamang bagay? May gagawin ba siya hinggil dito? Ang sagot sa mga tanong na ito ay masusumpungan lamang sa Salita ng Diyos. Sapagkat ang sagot ay may malapit na kaugnayan sa isa pang espiritung persona at sa usapin na ibinangon niya sa di-nakikitang dako ng mga espiritu.
[Mga larawan sa pahina 4]
Ang mga tao ay may empatiya. Ang Diyos pa kaya ang walang empatiya sa pagdurusa ng tao?
[Picture Credit Lines sa pahina 2]
COVER: Tank: UN PHOTO 158181/J. Isaac; earthquake: San Hong R-C Picture Company
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Kaliwa sa itaas, Croatia: UN PHOTO 159208/S. Whitehouse; nagugutom na bata: UN PHOTO 146150 BY O. MONSEN