Dapat Ka Bang Maging Mahinahon o Mapagwalang-Bahala?
Dapat Ka Bang Maging Mahinahon o Mapagwalang-Bahala?
MALAMANG na nadarama ng karamihan sa mga tao na isang papuri na ituring na mahinahon, tahimik, at mapagparaya ang isang indibiduwal. Gayunman, ang gayong mga katangian ay maaari ring humantong sa pagwawalang-bahala. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pagwawalang-bahala ng mga hangal ang sisira sa kanila.” (Kawikaan 1:32) Ano ba ang ibig sabihin nito?
Upang isalin ang orihinal na salitang Hebreo para sa pagwawalang-bahala, ginagamit ng ibang bersiyon ng Bibliya ang mga pananalitang tulad ng “sobrang pagkakontento” (The New American Bible), at “pagiging kampante.” (The New English Bible) Kaya, ang pagwawalang-bahala ay iniuugnay sa katamaran at di-pag-iintindi at kung gayon ay sa kahangalan at kamangmangan.
Noong unang siglo, ang mga Kristiyano sa kongregasyon sa Laodicea ay wala man lamang kamalay-malay at nagwawalang-bahala o kampante lamang tungkol sa kanilang espirituwal na mga pagkukulang. Kontentung-kontento sila sa kanilang kalagayan anupat naghahambog na “hindi na [sila] nangangailangan ng anuman.” Itinuwid sila ni Jesu-Kristo, na nanawagan na muli nilang paningasin ang kanilang Kristiyanong sigasig.—Apocalipsis 3:14-19.
Ang pagiging kampante ay isa ring ugali ng mga tao noong panahon ni Noe. Sila ay abalang-abala sa makalupang mga bagay sa buhay, “kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa . . . , at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.” Pagkatapos ay sinabi pa ni Jesus: “Magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”—Mateo 24:37-39.
Ipinakikita ng natupad na mga hula sa Bibliya na nabubuhay tayo sa panahon ng “pagkanaririto ng Anak ng tao,” si Jesu-Kristo. Huwag nawa tayong maging kampante, di-nag-iintindi, sobrang kontento—mapagwalang-bahala.—Lucas 21:29-36.