Ang Makabagong Interes sa mga “Santo”
Ang Makabagong Interes sa mga “Santo”
“Natatandaan mo ba ang panahon nang tayo ay tila bagót na bagót kapag binabanggit ang mga bayani? Waring hindi iyan nakaapekto sa 4.2 milyong Amerikano na nanood sa libing ni Mother Teresa noong Set. 13. Mula nang mamatay siya noong Set. 5, pinaulanan na ng mga tao ang Batikano ng mga kahilingan na pormal siyang ideklara bilang isang santa. Iilang tao lamang ang nag-aalinlangan na mangyayari ito.”—Sun-sentinel, Estados Unidos, Oktubre 3, 1997.
ANG pagkakawanggawa at kabaitan ng Katolikong misyonera na si Mother Teresa ay minalas ng marami bilang ang pinakadiwa ng pagiging tunay na santa. Mayroon ding mga kinikilalang bayani sa ibang mga relihiyon. Gayunman, marahil ay wala nang iba pang kinikilala bilang mga opisyal na santo o santa kundi yaong mga nakanonisa ng Simbahang Romano Katoliko.
Si Pope John Paul II ay nagkanonisa ng mahigit na 450 katao sa panahon ng kaniyang pamamahala bilang papa, mas marami kaysa sa pinagsamang bilang ng mga nakanonisa ng lahat ng iba pang papa noong ika-20 siglo. * Bakit ba may gayong namamalaging debosyon sa mga “santo,” na marami sa mga ito ay halos hindi kilala ng mga Katoliko sa pangkalahatan?
Ganito ang paliwanag ng teologo sa Notre Dame University na si Lawrence Cunningham: “Ang mga tao ay interesado sa ideya ng pag-iral ng kabanalan sa daigdig. Ipinakikita ng mga santo na posibleng mabuhay na tulad ng isang bayani, maging sa ngayon.” Karagdagan pa, ipinapalagay na ang mga “santo” ay may pantanging pribilehiyo na lumapit sa Diyos, anupat sila’y nagiging mabibisang tagapamagitan para sa mga buháy. Kapag nasumpungan ang mga relikya o labí ng isang “santo,” ang mga ito ay pinagpipitaganan sa paniniwalang may lumalabas na kapangyarihan mula sa mga ito.
Ang Katesismo ng Konseho ng Trent, na inilathala noong ika-16 na siglo upang muling pagtibayin ang mga turo ng Katoliko, ay nagpahayag: “Makatuwiran ang ating pasiya, na ang pagpaparangal sa mga santo na ‘natutulog kaisa ng Panginoon,’ ang pamamanhik upang sila’y mamagitan, at ang pagpipitagan sa kanilang sagradong mga relikya at abo, ay hindi nakababawas, kundi nakadaragdag pa nga sa kaluwalhatian ng Diyos, depende sa kung gaano napasigla at napatibay ang pag-asa ng Kristiyano, at sa kung gaano ang Kristiyano mismo ay nahihimok na tularan ang kanilang mabubuting katangian.” (The Catechism of the Council of Trent, 1905) Tiyak na nais ng mga tunay na Kristiyano na mamuhay nang may kagalingan, makalapit sa Diyos sa wastong paraan, at tumanggap ng tulong mula sa Diyos. (Santiago 4:7, 8) Kung gayon, sino ang karapat-dapat ituring na tunay na mga santo batay sa Salita ng Diyos? At anong papel ang ginagampanan nila?
[Talababa]
^ par. 4 Ang kanonisasyon ay ang opisyal na pagkilala sa isang namatay na Romano Katoliko bilang isa na karapat-dapat sa pandaigdig at obligadong pagpipitagan.