Matapat na Magpasakop sa Makadiyos na Awtoridad
Matapat na Magpasakop sa Makadiyos na Awtoridad
“Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-batas, si Jehova ang ating Hari.”—Isaias 33:22.
1. Anong mga salik ang nagpangyaring maging namumukod-tangi ang sinaunang Israel sa gitna ng mga bansa?
NOONG 1513 B.C.E., itinatag ang bansang Israel. Nang panahong iyon, wala itong kabiserang lunsod, walang tinubuang-lupain, at walang nakikitang hari. Ang mga mamamayan nito ay dating mga alipin. Gayunman, ang bagong bansang iyon ay namumukod-tangi sa isa pang paraan. Ang Diyos na Jehova ang di-nakikitang Hukom, Tagapagbigay-batas, at Hari nito. (Exodo 19:5, 6; Isaias 33:22) Walang ibang bansa ang makapag-aangkin ng gayon!
2. Anong tanong ang bumabangon hinggil sa paraan ng pagkakaorganisa ng Israel, at bakit ang sagot ay mahalaga sa atin?
2 Yamang si Jehova ay Diyos ng kaayusan, at Diyos ng kapayapaan, maaasahan natin na alinmang bansa na pamahalaan niya ay magiging lubhang organisado. (1 Corinto 14:33) Ganiyan mismo ang Israel. Subalit paano mapangangasiwaan ng di-nakikitang Diyos ang isang makalupa at nakikitang organisasyon? Makabubuting isaalang-alang natin kung paano pinamahalaan ni Jehova ang sinaunang bansang iyon, anupat partikular na binibigyang-pansin kung paano itinatampok ng kaniyang pakikitungo sa Israel ang kahalagahan ng matapat na pagpapasakop sa makadiyos na awtoridad.
Kung Paano Pinamahalaan ang Sinaunang Israel
3. Anong praktikal na mga kaayusan ang ginawa ni Jehova para patnubayan ang kaniyang bayan?
3 Bagaman si Jehova ang di-nakikitang Hari ng Israel, humirang siya ng tapat na mga lalaki bilang kaniyang mga nakikitang kinatawan. May mga pinuno, ulo ng sambahayan sa panig ng ama, at matatandang lalaki na maglilingkod sa mga tao bilang mga tagapayo at hukom. (Exodo 18:25, 26; Deuteronomio 1:15) Gayunman, hindi tayo dapat mag-isip na kahit walang patnubay ang Diyos ay mapagpapasiyahan sa paanuman ng mga responsableng lalaking iyon ang mga bagay-bagay nang hindi nagkakamali sa pagkaunawa. Sila ay hindi sakdal, at hindi nila mababasa ang puso ng kanilang mga kapuwa mananamba. Gayunman, ang mga hukom na may takot sa Diyos ay makapagbibigay ng nakatutulong na payo sa kanilang mga kapananampalataya dahil nakasalig ito sa Kautusan ni Jehova.—Deuteronomio 19:15; Awit 119:97-100.
4. Anong mga hilig ang pinagsisikapang iwasan ng tapat na mga hukom ng Israel, at bakit?
4 Gayunman, hindi lamang kaalaman sa Kautusan ang kailangan sa pagiging isang hukom. Palibhasa’y di-sakdal, kinailangang maging alisto Deuteronomio 1:16, 17.
ang matatandang lalaki sa pagsugpo sa anumang maling hilig nila—tulad ng pagkamakasarili, pagtatangi, at kasakiman—na maaaring pumilipit sa kanilang paghatol. Sinabi ni Moises sa kanila: “Huwag kayong magtatangi sa paghatol. Pakikinggan ninyo ang maliit na gaya ng malaki. Huwag kayong matatakot dahil sa tao, sapagkat ang kahatulan ay nauukol sa Diyos.” Oo, ang mga hukom ng Israel ay humahatol para sa Diyos. Tunay nga itong isang kahanga-hangang pribilehiyo!—5. Bukod sa pagtatalaga ng mga hukom, ano pang ibang mga kaayusan ang ginawa ni Jehova upang pangalagaan ang kaniyang bayan?
5 Gumawa pa ng ibang mga kaayusan si Jehova upang pangalagaan ang espirituwal na mga pangangailangan ng kaniyang bayan. Kahit noong bago sila dumating sa Lupang Pangako, iniutos niya sa kanila na magtayo ng tabernakulo, ang sentro ng tunay na pagsamba. Nagsaayos din siya ng pagkasaserdote upang magturo ng Kautusan, maghandog ng mga haing hayop, at magsunog ng insenso sa umaga at gabi. Itinalaga ng Diyos ang nakatatandang kapatid ni Moises, si Aaron, bilang ang kauna-unahang mataas na saserdote ng Israel at hinirang ang mga anak na lalaki ni Aaron upang tumulong sa kanilang ama sa kaniyang mga tungkulin.—Exodo 28:1; Bilang 3:10; 2 Cronica 13:10, 11.
6, 7. (a) Ano ang kaugnayan ng mga saserdote at ng di-saserdoteng mga Levita? (b) Anong aral ang matututuhan natin sa bagay na sari-saring atas ang ginampanan ng mga Levita? (Colosas 3:23)
6 Ang pangangalaga sa espirituwal na mga pangangailangan ng milyun-milyong tao ay isang napakalaking gawain, at medyo kakaunti ang bilang ng mga saserdote. Kaya gumawa ng kaayusan upang matulungan sila ng ibang mga miyembro ng tribo ni Levi. Sinabi ni Jehova kay Moises: “Ibibigay mo ang mga Levita kay Aaron at sa kaniyang mga anak. Sila ay mga ibinigay, na ibinigay sa kaniya mula sa mga anak ni Israel.”—Bilang 3:9, 39.
7 Ang mga Levita ay lubhang organisado. Sila ay pinagpangkat-pangkat alinsunod sa tatlong pamilya—ang mga Gersonita, Kohatita, at mga Merarita—bawat isa ay may atas na gawain. (Bilang 3:14-17, 23-37) Maaaring ang ilang atas ay waring mas mahalaga kaysa sa iba, subalit ang lahat ay kailangan. Ang gawain ng mga Kohatitang Levita ay naging dahilan upang mapalapit sila sa sagradong kaban ng tipan at sa mga kagamitan ng tabernakulo. Gayunman, bawat Levita, Kohatita man siya o hindi, ay nagtamasa ng mga kamangha-manghang pribilehiyo. (Bilang 1:51, 53) Nakalulungkot, hindi pinahalagahan ng ilan ang kanilang mga pribilehiyo. Sa halip na matapat na magpasakop sa makadiyos na awtoridad, sila’y di-nasiyahan at nagpadaig sa pagmamapuri, ambisyon, at paninibugho. Kabilang sa kanila ang isang Levitang nagngangalang Kora.
“Tatangkain Din ba Ninyong Kunin ang Pagkasaserdote?”
8. (a) Sino si Kora? (b) Ano ang maaaring naging dahilan kung bakit sinimulang malasin ni Kora ang mga saserdote ayon lamang sa pangmalas ng tao?
8 Hindi si Kora ang ulo ng sambahayan ni Levi sa panig ng ama, ni siya man ang ulo ng mga pamilya ng mga Kohatita. (Bilang 3:30, 32) Gayunman, siya ay isang iginagalang na pinuno sa Israel. Maaaring dahil sa mga tungkulin ni Kora kung kaya naging malapit ang kaniyang pakikisama kina Aaron at sa mga anak nito. (Bilang 4:18, 19) Palibhasa’y nakita mismo ang mga di-kasakdalan ng mga lalaking ito, maaaring nangatuwiran si Kora: ‘Ang mga saserdoteng ito ay talagang di-sakdal, gayunma’y inaasahan na magpapasakop ako sa kanila! Hindi pa natatagalan nang gumawa ng ginintuang guya si Aaron. Ang pagsamba sa guyang iyon ang dahilan ng pagkahulog ng aming bayan sa idolatriya. Ngayon si Aaron, ang kapatid ni Moises, ay naglilingkod bilang mataas na saserdote! Talagang may paboritismo! At kumusta naman ang mga anak na lalaki ni Aaron, sina Nadab at Abihu? Aba, tahasan nilang nilapastangan ang kanilang mga pribilehiyo sa paglilingkod anupat kinailangang patayin sila ni Jehova!’ * (Exodo 32:1-5; Levitico 10:1, 2) Anuman ang naging pangangatuwiran ni Kora, maliwanag na sinimulan niyang malasin ang pagkasaserdote ayon sa pangmalas ng tao. Humantong iyon sa kaniyang paghihimagsik laban kina Moises at Aaron at, nang dakong huli, kay Jehova.—1 Samuel 15:23; Santiago 1:14, 15.
9, 10. Ano ang ipinaratang ni Kora at ng kaniyang mga kapuwa mapaghimagsik laban kay Moises, at bakit dapat sana’y alam nilang mali iyon?
9 Palibhasa’y maimpluwensiyang tao, hindi naging mahirap para kay Kora na tipunin sa panig niya ang mga katulad niyang may gayong kaisipan. Siya, kasama sina Datan at Abiram, ay nakasumpong ng 250 kapanalig—pawang mga pinuno ng kapulungan. Magkakasama silang lumapit kina Moises at Aaron at nagsabi: “Ang buong kapulungan ay banal na lahat at si Jehova ay nasa gitna nila. Bakit nga kayo magmamataas sa kongregasyon ni Jehova?”—Bilang 16:1-3.
10 Dapat sana’y alam ng mga mapaghimagsik na maling hamunin ang awtoridad ni Moises. Hindi pa natatagalan noon, gayon mismo ang ginawa nina Aaron at Miriam. Sa katunayan, ang kanilang pangangatuwiran ay katulad pa nga ng kay Kora! Ayon sa Bilang 12:1, 2, nagtanong sila: “Sa pamamagitan lamang ba ni Moises nagsasalita si Jehova? Hindi ba sa pamamagitan din natin ay nagsasalita siya?” Nakikinig noon si Jehova. Inutusan niya sina Moises, Aaron, at Miriam na magtipon sa pasukán ng tolda ng kapisanan upang maipabatid Niya kung sino ang kaniyang piniling lider. Pagkatapos, sa maliwanag na pananalita ay sinabi ni Jehova: “Kung may propeta sa inyo para kay Jehova, sa pangitain ako magpapakilala sa kaniya. Sa panaginip ako magsasalita sa kaniya. Hindi gayon sa aking lingkod na si Moises! Sa kaniya ipinagkakatiwala ang aking buong sambahayan.” Pagkatapos noon, pansamantalang pinasapitan ni Jehova ng ketong si Miriam.—Bilang 12:4-7, 10.
11. Paano hinarap ni Moises ang situwasyon na kinasasangkutan ni Kora?
11 Malamang na alam ni Kora at ng mga pumanig sa kaniya ang tungkol sa pangyayaring iyon. Walang katuwiran ang kanilang paghihimagsik. Magkagayunman, matiyaga pa ring nagsumikap si Moises na makipagkatuwiranan sa kanila. Hinimok niya sila na maging higit na mapagpahalaga sa kanilang mga pribilehiyo, sa pagsasabing: “Napakaliit na bagay ba para sa inyo na ibinukod kayo ng Diyos ng Israel mula sa kapulungan ng Israel upang iharap niya kayo sa kaniyang sarili?” Hindi, iyon ay hindi isang “napakaliit na bagay”! Napakarami nang taglay ang mga Levita. Ano pa ba ang hahangarin nila? Ang sumunod na sinabi ni Moises ang naglantad sa mga pangangatuwiran ng kanilang puso: “Tatangkain din ba ninyong kunin ang pagkasaserdote?” * (Bilang 12:3; 16:9, 10) Subalit paano tumugon si Jehova sa ganitong paghihimagsik sa makadiyos na awtoridad?
Namagitan ang Hukom ng Israel
12. Sa ano nakasalalay ang patuloy na mabuting kaugnayan ng Israel sa Diyos?
12 Nang ibigay ni Jehova ang Kautusan sa Israel, sinabi niya sa bayan na kung sila’y magiging masunurin, sila ay magiging “isang banal na bansa” at mananatiling banal ang bansa hangga’t tinatanggap nila ang kaayusan ni Jehova. (Exodo 19:5, 6) Ngayon, sa kasagsagan ng lantarang paghihimagsik, panahon na para mamagitan ang Hukom at Tagapagbigay-batas ng Israel! Sinabi ni Moises kay Kora: “Ikaw at ang iyong buong kapulungan, pumaroon kayo sa harap ni Jehova, ikaw at sila at si Aaron, bukas. At kunin ng bawat isa ang kaniyang lalagyan ng apoy, at lagyan ninyo ng insenso ang mga iyon at dalhin ng bawat isa ang kaniyang lalagyan ng apoy sa harap ni Jehova, dalawang daan at limampung lalagyan ng apoy, at ikaw at si Aaron ay may kani-kaniyang lalagyan ng apoy.”—Bilang 16:16, 17.
13. (a) Bakit isang kapangahasan sa panig ng mga mapaghimagsik na maghandog ng insenso kay Jehova? (b) Paano pinakitunguhan ni Jehova ang mga mapaghimagsik?
13 Ayon sa Kautusan ng Diyos, ang mga saserdote lamang ang makapaghahandog ng insenso. Kahit ang mismong ideya na maghahandog ng insenso kay Jehova ang isang di-saserdoteng Levita ay dapat sanang nagtulak sa mga mapaghimagsik na iyon na mag-isip. (Exodo 30:7; Bilang 4:16) Ngunit hindi man lamang natigatig si Kora at ang kaniyang mga tagapagtaguyod! Kinabukasan ay ‘tinipon niya ang buong kapulungan laban kina Moises at Aaron sa pasukan ng tolda ng kapisanan.’ Sinasabi sa atin ng ulat: “Nagsalita ngayon si Jehova kay Moises at kay Aaron, na sinasabi: ‘Humiwalay kayo mula sa gitna ng kapulungang ito, upang malipol ko sila sa isang iglap.’ ” Subalit nagsumamo sina Moises at Aaron para maligtas ang buhay ng mga taong iyon. Sumang-ayon si Jehova sa kanilang pagsusumamo. Kung tungkol kay Kora at sa kaniyang pulutong, “lumabas ang apoy mula kay Jehova at tinupok ang dalawang daan at limampung lalaking naghahandog ng insenso.”—Bilang 16:19-22, 35. *
14. Bakit matatag ang naging pagkilos ni Jehova laban sa kapulungan ng Israel?
14 Ang nakapagtataka, hindi pa rin natuto ang mga Israelitang nakasaksi kung paano pinakitunguhan ni Jehova ang mga mapaghimagsik. “Nang sumunod na araw ay agad na nagsimulang magbulung-bulungan ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel laban kay Moises at kay Aaron, na sinasabi: ‘Kayo, pinatay ninyo ang bayan ni Jehova.’ ” Ang mga Israelita ay pumanig sa mga nagsabuwatan! Sa wakas, umabot sa sukdulan ang pagtitiis ni Jehova. Wala isa man—maging sina Moises at Aaron—ang maaaring mamagitan ngayon alang-alang sa bayan. Nagpasapit ng salot si Jehova upang saktan ang mga masuwayin, “at yaong mga namatay sa salot ay umabot ng labing-apat na libo pitong daan, bukod pa roon sa mga namatay dahil kay Kora.”—Bilang 16:41-49.
15. (a) Anong mga dahilan ang dapat sanang nagtulak sa mga Israelita na tanggapin nang walang-pag-aatubili ang pangunguna nina Moises at Aaron? (b) Ano ang itinuturo sa iyo ng ulat na ito tungkol kay Jehova?
15 Napakadali sanang naiwasang mamatay ang lahat ng mga taong iyon. Kung ginamit lamang sana nila ang kanilang kakayahang mangatuwiran. Maaari sana nilang itinanong sa kanilang sarili ang ganito: ‘Sinu-sino ang humarap kay Paraon kahit na nanganib ang kanilang buhay? Sinu-sino ang humiling na palayain ang mga Israelita? Sino lamang ang inanyayahang umakyat sa Bundok Horeb matapos palayain ang Israel upang harapang makipag-usap sa anghel ng Diyos?’ Tiyak na ang natatanging ulat tungkol kina Moises at Aaron ay nagbigay-patotoo sa kanilang pagkamatapat kay Jehova at sa kanilang pag-ibig sa bayan. (Exodo 10:28; 19:24; 24:12-15) Hindi nalulugod si Jehova sa pagpatay sa mga mapaghimagsik. Gayunman, nang maging maliwanag na magpapatuloy ang bayan sa kanilang paghihimagsik, matatag ang naging pagkilos niya. (Ezekiel 33:11) Ang lahat ng ito ay may malaking kahulugan para sa atin ngayon. Bakit?
Pagkilala sa Alulod sa Ngayon
16. (a) Anong katibayan ang dapat sana’y kumumbinsi sa unang-siglong mga Judio na si Jesus ay kinatawan ni Jehova? (b) Bakit pinalitan ni Jehova ang Levitikong pagkasaserdote, at ano ang ipinalit dito?
16 Sa ngayon, may isang bagong “bansa,” at si Jehova ang di-nakikitang Hukom, Tagapagbigay-batas, at Hari nito. (Mateo 21:43) Ang ‘bansang’ iyon ay umiral noong unang siglo C.E. Nang panahong iyon, ang tabernakulo noong kaarawan ni Moises ay hinalinhan na ng isang magandang templo sa Jerusalem, at doo’y naglilingkod pa rin ang mga Levita. (Lucas 1:5, 8, 9) Subalit noong taóng 29 C.E., isa pang templo, isang espirituwal na templo, ang umiral, na doo’y si Jesu-Kristo ang Mataas na Saserdote. (Hebreo 9:9, 11) Minsan pang bumangon ang usapin hinggil sa makadiyos na awtoridad. Sino noon ang gagamitin ni Jehova upang manguna sa bagong ‘bansang’ ito? Pinatunayan ni Jesus na siya ay lubusang matapat sa Diyos. Inibig niya ang mga tao. Gumawa rin siya ng maraming kamangha-manghang tanda. Gayunman, tulad ng kanilang mga ninuno na matitigas ang ulo, ang karamihan sa mga Levita ay tumangging tanggapin si Jesus. (Mateo 26:63-68; Gawa 4:5, 6, 18; 5:17) Sa wakas, pinalitan ni Jehova ang Levitikong pagkasaserdote ng isa na lubhang naiiba—isang maharlikang pagkasaserdote. Ang maharlikang pagkasaserdoteng iyan ay nagpapatuloy hanggang sa ngayon.
17. (a) Anong grupo ang bumubuo sa maharlikang pagkasaserdote sa ngayon? (b) Paano ginagamit ni Jehova ang maharlikang pagkasaserdote?
17 Sino ang bumubuo sa maharlikang pagkasaserdoteng ito sa ngayon? Sinasagot ni apostol Pedro ang tanong na iyan sa kaniyang unang kinasihang liham. Sa mga pinahirang miyembro ng katawan ni Kristo, sumulat si Pedro: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag ninyo nang malawakan ang mga kagalingan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.” (1 Pedro 2:9) Maliwanag mula sa mga salitang ito na, bilang isang grupo, ang mga pinahirang tagasunod-yapak ni Jesus ang bumubuo sa ‘maharlikang pagkasaserdoteng’ ito, na tinawag din ni Pedro na “isang banal na bansa.” Sila ang bumubuo sa alulod na ginagamit ni Jehova upang maglaan ng tagubilin at espirituwal na patnubay sa kaniyang bayan.—Mateo 24:45-47.
18. Ano ang kaugnayan ng hinirang na matatanda at ng maharlikang pagkasaserdote?
18 Ang maharlikang pagkasaserdote ay kinakatawan ng hinirang na matatanda, na naglilingkod nang may mabibigat na tungkulin sa mga kongregasyon ng bayan ni Jehova sa buong lupa. Karapat-dapat ang mga lalaking ito sa ating paggalang at buong-pusong pagsuporta, sila man ay kabilang sa mga pinahiran o hindi. Bakit? Sapagkat, sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, hinirang ni Jehova ang matatandang lalaki sa kanilang mga tungkulin. (Hebreo 13:7, 17) Paano nangyari iyon?
19. Sa anong paraan hinirang ng banal na espiritu ang matatanda?
19 Naaabot ng matatandang lalaking ito ang mga kahilingan na nakasaad sa Salita ng Diyos, na isang gawa ng espiritu ng Diyos. (1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9) Samakatuwid, masasabi na ang paghirang sa kanila ay sa pamamagitan ng banal na espiritu. (Gawa 20:28) Ang matatandang lalaki ay kailangang lubusang pamilyar sa Salita ng Diyos. Tulad ng Kataas-taasang Hukom na humirang sa kanila, kailangan ding kamuhian ng matatanda ang anumang bagay na kahawig ng pagtatangi sa paghatol.—Deuteronomio 10:17, 18.
20. Ano ang iyong pinahahalagahan sa masisipag na matatanda?
20 Sa halip na hamunin ang kanilang awtoridad, tunay na pinahahalagahan natin ang ating masisipag na matatanda! Ang kanilang rekord ng tapat na paglilingkod, na kalimita’y sa loob ng maraming dekada, ay pumupukaw ng ating pagtitiwala. Buong-katapatan silang naghahanda at nangangasiwa sa mga pulong ng kongregasyon, Mateo 24:14; Hebreo 10:23, 25; 1 Pedro 5:2) Dinadalaw nila tayo kapag tayo’y may sakit at inaaliw tayo kapag tayo’y nagdadalamhati. Matapat at walang-pag-iimbot nilang sinusuportahan ang mga kapakanan ng Kaharian. Ang espiritu ni Jehova ay nasa kanila; sila ay kaniyang sinasang-ayunan.—Galacia 5:22, 23.
gumagawang kasama natin sa pangangaral ng “mabuting balita ng Kaharian,” at nagbibigay ng maka-Kasulatang payo kapag kailangan natin ito. (21. Sa ano kailangang maging palaisip ang matatanda, at bakit?
21 Sabihin pa, hindi sakdal ang matatandang lalaki. Palibhasa’y batid ang kanilang mga limitasyon, hindi nila sinisikap na maging panginoon sa kawan, na “mga mana ng Diyos.” Sa halip, itinuturing nila ang kanilang sarili na ‘mga kamanggagawa ukol sa kagalakan ng kanilang mga kapatid.’ (1 Pedro 5:3; 2 Corinto 1:24) Ang mapagpakumbaba at masisipag na matatanda ay umiibig kay Jehova, at alam nila na habang lalo nilang tinutularan siya, lalo namang dumarami ang mabubuting bagay na magagawa nila sa kongregasyon. Taglay ito sa isipan, patuloy nilang sinisikap na linangin ang makadiyos na mga katangian na gaya ng pag-ibig, pagkamahabagin, at pagtitiis.
22. Paanong ang pagrerepaso sa ulat tungkol kay Kora ay nagpapatibay sa iyong pananampalataya sa nakikitang organisasyon ni Jehova?
22 Kayligaya natin na si Jehova ang ating di-nakikitang Tagapamahala, si Jesu-Kristo ang ating Mataas na Saserdote, ang mga miyembro ng pinahirang maharlikang pagkasaserdote ang ating mga guro, at ang tapat na Kristiyanong matatandang lalaki ang ating mga tagapayo! Bagaman walang organisasyon na pinangangasiwaan ng mga tao ang maaaring maging sakdal, nalulugod tayong makapaglingkod sa Diyos kasama ng tapat na mga kapananampalataya, na malugod na nagpapasakop sa makadiyos na awtoridad!
[Mga talababa]
^ par. 8 Ang dalawa pang anak na lalaki ni Aaron, sina Eleazar at Itamar, ay huwaran sa kanilang paglilingkod kay Jehova.—Levitico 10:6.
^ par. 11 Ang mga kasabuwat ni Kora, sina Datan at Abiram, ay mga Rubenita. Bilang mga Rubenita, maliwanag na hindi nila inimbot ang pagkasaserdote. Kung tungkol sa kanila, galít sila sa pangunguna ni Moises at sa bagay na hanggang sa panahong iyon, ang kanilang pag-asang makarating sa Lupang Pangako ay hindi pa natutupad.—Bilang 16:12-14.
^ par. 13 Noong panahon ng mga patriyarka, bawat ulo ng pamilya ay kumakatawan sa kaniyang asawa at mga anak sa harap ng Diyos, anupat naghahandog pa nga ng mga hain alang-alang sa kanila. (Genesis 8:20; 46:1; Job 1:5) Gayunman, nang maitatag ang Kautusan, hinirang ni Jehova ang mga lalaking miyembro ng pamilya ni Aaron bilang mga saserdote na sa pamamagitan nila ay dapat ihandog ang mga hain. Maliwanag na ang 250 mapaghimagsik ay ayaw makipagtulungan sa pagbabagong ito ng pamamaraan.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Anong maibiging mga kaayusan ang ginawa ni Jehova upang mapangalagaan ang mga Israelita?
• Bakit walang katuwiran ang paghihimagsik ni Kora kina Moises at Aaron?
• Anong aral ang matututuhan natin sa paraan ng pakikitungo ni Jehova sa mga mapaghimagsik?
• Paano natin maipakikita na pinahahalagahan natin ang mga kaayusan ni Jehova sa ngayon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 9]
Itinuturing mo bang isang pribilehiyo ang anumang atas sa paglilingkod kay Jehova?
[Larawan sa pahina 10]
“Bakit nga kayo magmamataas sa kongregasyon ni Jehova?”
[Larawan sa pahina 13]
Kinakatawan ng hinirang na matatanda ang maharlikang pagkasaserdote