‘Ang Salita ng Diyos ay May Lakas’
‘Ang Salita ng Diyos ay May Lakas’
SA MAARAW na isla ng Jamaica sa Caribbean, karamihan ng mga tao ay pamilyar sa Bibliya. Sa katunayan, masusumpungan sa halos lahat ng tahanan ang King James Version, at naranasan ng ilang tao na “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Maaaring baguhin ng lakas na ito ang mga buhay, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan.
Isang lalaking nagngangalang Cleveland ang kauuwi pa lamang mula sa trabaho, nang isang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa kaniya. Pagkatapos ibahagi ang ilang punto mula sa Kasulatan, ang Saksi ay nag-iwan sa kaniya ng pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Walang kamalay-malay si Cleveland kung gaano kalakas makaaapekto sa kaniyang buhay ang Salita ng Diyos.
Si Cleveland ay dati nang nananalangin nang tatlong beses sa isang araw, humihingi ng tulong sa Diyos na masumpungan niya ang tamang paraan upang sambahin Siya. Kumbinsido si Cleveland na ang kaniyang mga magulang ay hindi sumasamba sa tamang paraan, subalit pagkatapos suriin ang iba pang mga relihiyon, nasiraan siya ng loob. Bagaman narinig na niya ang hinggil sa mga Saksi ni Jehova, pinagdudahan niya kung taglay nga nila ang katotohanan. Sa kabila ng kaniyang pag-aatubili, sumang-ayon si Cleveland na makipag-aral ng Bibliya sa Saksi na dumalaw sa kaniyang tahanan. Bakit? Sapagkat nais niyang patunayang mali ang mga Saksi!
Di-nagtagal ay natutuhan ni Cleveland na ang imoral na pakikisama niya sa dalawang babae ay hindi kalugud-lugod sa Diyos. (1 Corinto 6:9, 10) Pagkaraan lamang ng dalawang pag-aaral, nagkaroon na siya ng lakas ng loob upang putulin ang kaniyang kaugnayan sa kinakasama niyang mga babae. Nagsimula na rin siyang dumalo sa Kristiyanong mga pagpupulong sa Kingdom Hall. Subalit ito ay naging isa na namang pagsubok.
Napakaaktibo ni Cleveland sa koponan ng soccer sa kaniyang komunidad, at ang mga laro nito ay humahadlang sa kaniyang pagdalo sa mga pagpupulong. Ano ang gagawin niya? Sa kabila ng matinding panggigipit mula sa mga kasama niya sa koponan, coach, at mga kaibigan, nagpasiya si Cleveland na iwan ang koponan ng soccer. Oo, kumikilos na ang lakas ng Salita ng Diyos, naiimpluwensiyahan siya sa kaniyang kapakinabangan!
Ang lakas ng Salita ng Diyos ay muling nahayag nang magsimula si Cleveland na ibahagi sa iba ang kaniyang kaalaman sa Bibliya. (Gawa 1:8) Bunga nito, dalawa sa kaniyang dating mga kasamahan sa koponan ang nagsimulang dumalo sa mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos na si Cleveland ay maging kuwalipikado bilang isang mamamahayag ng mabuting balita, nakasumpong siya ng malaking kagalakan sa ministeryo, na ginagamit ang Salita ng Diyos upang tulungan ang iba.
Dahil sa patuloy na pinakikilos ng lakas ng Salita ng Diyos, sa dakong huli ay sinagisagan ni Cleveland ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig at nagkapribilehiyo siyang maglingkod bilang isang buong-panahong ministro at bilang isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon.
Sa Jamaica at sa buong daigdig, libu-libong tao ang natuto na, tunay, ang Salita ng Diyos “ay buháy at may lakas.”
[Mapa/Larawan sa pahina 8]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
JAMAICA
[Credit Line]
Mapa at globo: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.