Magpakita ng Maibiging-Kabaitan sa mga Nangangailangan
Magpakita ng Maibiging-Kabaitan sa mga Nangangailangan
“Magpakita kayo sa isa’t isa ng maibiging-kabaitan.”—ZACARIAS 7:9.
1, 2. (a) Bakit dapat tayong magpamalas ng maibiging-kabaitan? (b) Anong mga tanong ang ating isasaalang-alang?
PINAPAYUHAN tayo ng Salita ng Diyos na Jehova na ibigin ang “maibiging-kabaitan.” (Mikas 6:8, talababa sa Ingles) Nagbibigay rin ito sa atin ng dahilan kung bakit dapat nating gawin ito. Una sa lahat, “ang taong may maibiging-kabaitan ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa.” (Kawikaan 11:17) Totoong-totoo iyan! Ang pagpapakita ng maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, ay lumilikha ng mainit at namamalaging kaugnayan sa iba. Bunga nito, magkakaroon tayo ng matatapat na kaibigan—isa ngang natatanging gantimpala!—Kawikaan 18:24.
2 Bukod diyan, sinasabi sa atin ng Kasulatan: “Siyang nagtataguyod ng katuwiran at maibiging-kabaitan ay makasusumpong ng buhay.” (Kawikaan 21:21) Oo, ang ating pagtataguyod sa maibiging-kabaitan ay magiging dahilan upang mapamahal tayo sa Diyos at mapahanay sa mga pagpapalain sa hinaharap, lakip na ang pagkakaroon ng buhay na walang hanggan. Subalit paano tayo makapagpapakita ng maibiging-kabaitan? Kanino natin ito dapat ipakita? At naiiba ba ang maibiging-kabaitan sa makataong kabaitan o sa pangkaraniwang kabaitan?
Makataong Kabaitan at Maibiging-Kabaitan
3. Paano naiiba ang maibiging-kabaitan sa makataong kabaitan?
3 Ang makataong kabaitan at ang maibiging-kabaitan Genesis 20:13; 2 Samuel 3:8; 16:17) O maaaring ang mga ito ay dahil sa mga ugnayang bunga ng mga naunang gawa ng maibiging-kabaitan. (Josue 2:1, 12-14; 1 Samuel 15:6; 2 Samuel 10:1, 2) Bilang paglalarawan sa pagkakaibang ito, ihambing natin ang dalawang halimbawa sa Bibliya, tungkol sa makataong kabaitan at sa maibiging-kabaitang ipinakikita sa pagitan ng mga tao.
ay nagkakaiba sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, yaong mga nagpapakita ng makataong kabaitan ay madalas na nagsasagawa nito hindi dahil sa mayroon silang malapit at personal na kaugnayan, o relasyon sa mga indibiduwal na pinakikitunguhan nila nang may kabaitan. Subalit, kung tayo ay nagpapakita ng maibiging-kabaitan sa sinuman, maibigin nating iniuugnay ang ating sarili sa taong iyon. Sa Bibliya, ang mga kapahayagan ng maibiging-kabaitan sa isa’t isa ay maaaring dahil sa dati nang umiiral na mga ugnayan. (4, 5. Paanong ang dalawang halimbawa sa Bibliya na binanggit dito ay naglalarawan sa pagkakaiba ng makataong kabaitan at ng maibiging-kabaitan?
4 Ang isang halimbawa ng makataong kabaitan ay may kinalaman sa isang grupo ng mga taong dumanas ng pagkawasak ng barko, kabilang na si apostol Pablo. Sila ay inanod sa pampang sa pulo ng Malta. (Gawa 27:37–28:1) Bagaman ang mga taga-Malta ay walang patiunang obligasyon sa mga napapasadsad doon na mga manlalakbay-dagat ni wala rin silang umiiral na kaugnayan sa kanila, magiliw pa ring tinanggap ng mga tagapulo ang mga estranghero, anupat nagpakita sa kanila ng “pambihirang makataong kabaitan.” (Gawa 28:2, 7) Isang kabaitan ang kanilang pagpapatuloy, subalit iyon ay nagkataon lamang at ipinakita sa mga taong hindi nila kilala. Samakatuwid, iyon ay makataong kabaitan.
5 Bilang paghahambing, isaalang-alang naman ang pagkamapagpatuloy na ipinakita ni Haring David kay Mepiboset, ang anak ng kaniyang kaibigang si Jonatan. Sinabi ni David kay Mepiboset: “Ikaw mismo ay palagiang kakain ng tinapay sa aking mesa.” Bilang paliwanag kung bakit niya ginawa ang probisyong iyon, sinabi ni David sa kaniya: “Walang pagsalang magpapakita ako sa iyo ng maibiging-kabaitan alang-alang kay Jonatan na iyong ama.” (2 Samuel 9:6, 7, 13) Ang namamalaging pagkamapagpatuloy ni David ay tumpak na masasabing isang kapahayagan ng maibiging-kabaitan, hindi lamang basta kabaitan, sapagkat iyon ay isang katibayan ng kaniyang pagkamatapat sa isang dati nang ugnayan. (1 Samuel 18:3; 20:15, 42) Gayundin naman sa ngayon, ang mga lingkod ng Diyos ay nagpapakita ng makataong kabaitan sa sangkatauhan sa pangkalahatan. Gayunman, sila ay nagpapakita ng namamalaging maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, doon sa mga katulad nilang may pagsang-ayon ng Diyos.—Mateo 5:45; Galacia 6:10.
6. Anu-anong katangian ng maibiging-kabaitan na ipinakikita sa isa’t isa ang itinatampok sa Salita ng Diyos?
6 Upang matukoy ang ilang karagdagang katangian ng maibiging-kabaitan, pahapyaw nating isasaalang-alang ang tatlong ulat sa Bibliya na nagtatampok ng katangiang ito. Mula sa mga ito ay mapapansin natin na ang maibiging-kabaitang ipinamamalas ng mga tao ay (1) ipinakikita sa pamamagitan ng espesipikong mga gawa, (2) ipinamamalas nang maluwag sa kalooban, at (3) ipinakikita lalo na sa mga nangangailangan. Bukod diyan, inilalarawan ng mga ulat na ito kung paano natin maipakikita ang maibiging-kabaitan sa ngayon.
Isang Ama ang Nagpakita ng Maibiging-Kabaitan
7. Ano ang sinabi ng lingkod ni Abraham kina Betuel at Laban, at anong isyu ang ibinangon ng lingkod?
7 Isinasaysay sa Genesis 24:28-67 ang natitirang bahagi ng kuwento tungkol sa lingkod ni Abraham, na binanggit sa naunang artikulo. Matapos makilala si Rebeka, siya ay inanyayahan sa tahanan ng ama nito, si Betuel. (Talatang 28-32) Detalyadong ikinuwento roon ng lingkod ang tungkol sa kaniyang paghahanap ng magiging asawa ng anak ni Abraham. (Talatang 33-47) Idiniin niya na ang tagumpay na nakamit niya ay itinuring niyang isang tanda mula kay Jehova, “na siyang umakay sa akin sa tunay na daan upang kunin ang anak na babae ng kapatid ng aking panginoon para sa kaniyang anak.” (Talatang 48) Walang-alinlangang umasa ang lingkod na ang kaniyang taos-pusong pagkukuwento sa pangyayari ay makakakumbinsi kay Betuel at sa kaniyang anak na si Laban na si Jehova ang nasa likod ng misyong ito. Sa katapusan, sinabi ng lingkod: “Kung talagang nagpapakita kayo ng maibiging-kabaitan at ng pagiging mapagkakatiwalaan sa aking panginoon, sabihin ninyo sa akin; ngunit kung hindi, sabihin ninyo sa akin, upang makaliko ako sa kanan o sa kaliwa.”—Talatang 49.
8. Ano ang naging reaksiyon ni Betuel hinggil sa mga bagay na may kinalaman kay Rebeka?
8 Si Jehova ay nagpakita na ng maibiging-kabaitan kay Abraham. (Genesis 24:12, 14, 27) Magiging maluwag kaya sa kalooban ni Betuel na gawin din ang gayon sa pamamagitan ng pagpapahintulot kay Rebeka na sumama sa lingkod ni Abraham? Maging karagdagan kaya sa maibiging-kabaitan ng Diyos ang maibiging-kabaitan ng tao upang ganap na maisakatuparan ang layunin nito? O mawawalan ba ng saysay ang mahabang paglalakbay ng lingkod? Tiyak na nakahinga nang maluwag ang lingkod ni Abraham nang marinig ang sinabi nina Laban at Betuel: “Kay Jehova nagmula ang bagay na ito.” (Talatang 50) Kinilala nila na si Jehova ang nagpangyari sa mga bagay na ito at agad na tinanggap ang kaniyang pasiya. Sumunod, nagpahayag si Betuel ng kaniyang maibiging-kabaitan nang idagdag niya: “Narito si Rebeka sa harap mo. Kunin mo siya at yumaon ka, at maging asawa siya ng anak ng iyong panginoon, gaya ng sinalita ni Jehova.” (Talatang 51) Maluwag-sa-kaloobang sumama si Rebeka sa lingkod ni Abraham, at di-nagtagal siya ay naging minamahal na asawa ni Isaac.—Talatang 49, 52-58, 67.
Maibiging-Kabaitan na Ipinakita ng Isang Anak
9, 10. (a) Hiniling ni Jacob sa kaniyang anak na si Jose na gawin ang ano? (b) Paano nagpakita si Jose ng maibiging-kabaitan sa kaniyang ama?
9 Ang apo ni Abraham na si Jacob ay tumanggap din ng maibiging-kabaitan. Gaya ng isinasaysay sa kabanata 47 ng Genesis, si Jacob noon ay nakatira sa Ehipto, at “sumapit ang mga araw upang [siya] ay mamatay.” (Talatang 27-29) Siya ay nababahala sapagkat siya ay mamamatay sa labas ng lupaing ipinangako ng Diyos kay Abraham. (Genesis 15:18; 35:10, 12; 49:29-32) Gayunman, ayaw ni Jacob na siya ay ilibing sa Ehipto, kaya isinaayos niya na dalhin sa lupain ng Canaan ang kaniyang mga labí. Sino pa nga ba ang nasa mas mabuting kalagayan upang matiyak ang katuparan ng kaniyang kahilingan kundi ang kaniyang maimpluwensiyang anak na si Jose?
10 Ganito ang sabi ng ulat: “Kaya tinawag [ni Jacob] ang kaniyang anak na si Jose at sinabi sa kaniya: ‘Kung ako ngayon ay nakasumpong ng lingap sa iyong paningin, . . . magpakita ka ng maibiging-kabaitan at ng pagiging mapagkakatiwalaan sa akin. (Pakisuyo, huwag mo akong ilibing sa Ehipto.) At hihiga akong kasama ng aking mga ama, at dadalhin mo ako mula sa Ehipto at ililibing mo ako sa kanilang libingan.’ ” (Genesis 47:29, 30) Nangako si Jose na igagalang niya ang kahilingang ito, at hindi nga nagtagal pagkalipas nito ay namatay si Jacob. Dinala ni Jose at ng iba pang mga anak ni Jacob ang bangkay nito “sa lupain ng Canaan at inilibing siya sa yungib ng parang ng Macpela, ang parang na binili ni Abraham.” (Genesis 50:5-8, 12-14) Sa gayon ay nagpakita si Jose ng maibiging-kabaitan sa kaniyang ama.
Maibiging-Kabaitan Mula sa Isang Manugang na Babae
11, 12. (a) Paano nagpakita si Ruth ng maibiging-kabaitan kay Noemi? (b) Sa anong paraan mas nakahihigit ang “huling pagkakataon” ng maibiging-kabaitan ni Ruth kaysa sa ‘una’?
11 Isinasaysay sa aklat ng Ruth kung paanong ang balong si Noemi ay tumanggap ng maibiging-kabaitan mula sa kaniyang Moabitang manugang na si Ruth, na isa ring balo. Nang ipasiya ni Noemi na siya’y babalik sa Betlehem sa Juda, nagpamalas si Ruth ng maibiging-kabaitan at determinasyon, na sinasabi: “Kung saan ka paroroon ay paroroon ako, at kung saan ka magpapalipas ng gabi ay magpapalipas ako ng gabi. Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.” (Ruth 1:16) Nang maglaon ay nagpakita si Ruth ng kaniyang maibiging-kabaitan nang ipahiwatig niya na handa siyang magpakasal sa nakatatandang kamag-anak ni Noemi na si Boaz. * (Deuteronomio 25:5, 6; Ruth 3:6-9) Sinabi nito kay Ruth: “Ipinamalas mo ang iyong maibiging-kabaitan nang higit sa huling pagkakataon kaysa sa unang pagkakataon, sa hindi pagsunod sa mga kabinataan, maralita man o mayaman.”—Ruth 3:10.
12 Ang “unang pagkakataon” ng maibiging-kabaitan ni Ruth ay tumutukoy noong panahong iniwan niya ang kaniyang sariling bayan at pumisan kay Noemi. (Ruth 1:14; 2:11) Maging ang gawang iyan ay nahigitan ng “huling pagkakataon” ng maibiging-kabaitan—ang pagkukusang-loob ni Ruth na pakasalan si Boaz. Mabibigyan na ngayon ni Ruth ng isang tagapagmana si Noemi, na matanda na para magkaanak pa. Naganap ang kasalan, at nang magsilang si Ruth, humiyaw ang mga babae ng Betlehem: “Isang anak na lalaki ang isinilang kay Noemi.” (Ruth 4:14, 17) Si Ruth ay tunay na “isang mahusay na babae,” na ginantimpalaan ni Jehova ng napakainam na pribilehiyo ng pagiging ninuno ni Jesu-Kristo.—Ruth 2:12; 3:11; 4:18-22; Mateo 1:1, 5, 6.
Ipinakikita sa Pamamagitan ng mga Gawa
13. Paano nagpakita sina Betuel, Jose, at Ruth ng kanilang maibiging-kabaitan?
13 Napansin mo ba kung paano ipinakita nina Betuel, Jose, at Ruth ang kanilang maibiging-kabaitan? Ginawa nila iyon hindi lamang sa pamamagitan ng mababait na salita kundi sa pamamagitan ng espesipikong mga gawa. Hindi lamang sinabi ni Betuel na, “Narito si Rebeka” kundi aktuwal na “pinayaon [niya] si Rebeka.” (Genesis 24:51, 59) Hindi lamang sinabi ni Jose na, “Ako mismo ang gagawa bilang pagtupad sa iyong salita” kundi ginawa niya at ng kaniyang mga kapatid kay Jacob “ang ayon sa mismong iniutos niya sa kanila.” (Genesis 47:30; 50:12, 13) Hindi lamang sinabi ni Ruth na, “Kung saan ka paroroon ay paroroon ako” kundi iniwan niya ang kaniyang sariling bayan at sumama kay Noemi, kung kaya “silang dalawa ay nagpatuloy sa pagyaon hanggang sa makarating sila sa Betlehem.” (Ruth 1:16, 19) Sa Juda, muli na namang kumilos si Ruth “ayon sa lahat ng iniutos sa kaniya ng kaniyang biyenan.” (Ruth 3:6) Oo, ang maibiging-kabaitan ni Ruth, gaya ng sa iba pa, ay ipinakita sa pamamagitan ng mga gawa.
14. (a) Paano nagpapakita ng maibiging-kabaitan sa pamamagitan ng mga gawa ang mga lingkod ng Diyos sa kasalukuyang panahon? (b) Anong mga gawa ng maibiging-kabaitan ang nalalaman mong ginagawa ng mga Kristiyano sa inyong lugar?
14 Nakapagpapasiglang makita kung paanong ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon ay patuloy na nagpapakita ng maibiging-kabaitan sa pamamagitan ng mga gawa. Halimbawa, isipin na lamang yaong mga naglalaan ng namamalaging emosyonal na suporta sa mga kapananampalatayang may-kapansanan, nanlulumo, o lipos ng pamimighati. (Kawikaan 12:25) O isaalang-alang ang maraming Saksi ni Jehova na patuloy na naghahatid ng mga may-edad sa Kingdom Hall upang makadalo ang mga ito sa lingguhang mga pulong ng kongregasyon. Inihayag ni Anna, edad 82 at pinahihirapan ng rayuma, ang damdamin ng maraming iba pa nang sabihin niya: “Isang pagpapala mula kay Jehova ang ihatid ka sa lahat ng mga pulong. Buong-puso akong nagpapasalamat sa kaniya sa pagbibigay sa akin ng gayong mapagmahal na mga kapatid.” Ganiyan din ba ang iyong ginagawa sa inyong kongregasyon? (1 Juan 3:17, 18) Kung oo, makatitiyak kang lubos na pinahahalagahan ang iyong maibiging-kabaitan.
Ipinakikita Nang Maluwag sa Kalooban
15. Anong katangian ng maibiging-kabaitan ang higit pang itinatampok sa tatlong ulat sa Bibliya na ating isinaalang-alang?
15 Ang mga salaysay sa Bibliya na ating isinaalang-alang ay nagpapakita rin na ang maibiging-kabaitan ay ipinamamalas nang malaya at maluwag sa kalooban, hindi napipilitan. Maluwag-sa-kaloobang nakipagtulungan si Betuel sa lingkod ni Abraham, at gayundin si Rebeka. (Genesis 24:51, 58) Si Jose ay nagpakita ng kaniyang maibiging-kabaitan nang walang nag-uutos sa kaniya. (Genesis 50:4, 5) Si Ruth ay ‘mapilit sa pagsama [kay Noemi].’ (Ruth 1:18) Nang imungkahi ni Noemi na lapitan ni Ruth si Boaz, maibiging-kabaitan ang nag-udyok sa Moabita upang magpahayag: “Ang lahat ng sinasabi mo sa akin ay gagawin ko.”—Ruth 3:1-5.
16, 17. Bakit lubhang makahulugan ang maibiging-kabaitan nina Betuel, Jose, at Ruth, at ano ang nag-udyok sa kanila upang ipakita ang katangiang ito?
16 Ang maibiging-kabaitan na ipinakita nina Betuel, Jose, at Ruth ay lubhang makahulugan sapagkat sina Abraham, Jacob, at Noemi ay wala sa kalagayan upang sila’y pilitin. Tutal, wala namang legal na obligasyon si Betuel upang ibigay ang kaniyang anak. Madali sana niyang masasabi sa lingkod ni Abraham ang ganito: ‘Ayoko, hindi ako papayag na mapalayo sa akin ang aking masipag na anak.’ (Genesis 24:18-20) Gayundin, malaya si Jose na magpasiya kung pauunlakan niya o hindi ang kahilingan ng kaniyang ama, sapagkat patay na naman si Jacob sa panahong iyon at hindi na siya nito mapipilit na tuparin ang kaniyang sinabi. Sinabi mismo ni Noemi na malaya si Ruth na mamalagi sa Moab. (Ruth 1:8) Malaya rin si Ruth na makipag-asawa sa isa sa “mga kabinataan” sa halip na sa matanda nang si Boaz.
17 Maluwag-sa-kaloobang nagpakita sina Betuel, Jose, at Ruth ng maibiging-kabaitan; naudyukan silang gawin iyon mula sa kanilang puso. Nakadama sila ng moral na pananagutan na ipamalas ang katangiang ito sa mga taong may kaugnayan sa kanila, kung paanong nakadama rin si Haring David ng obligasyon na ipakita ito kay Mepiboset.
18. (a) ‘Pinapastulan [ng Kristiyanong matatanda] ang kawan’ taglay ang anong saloobin? (b) Paano ipinahayag ng isang matanda ang kaniyang damdamin tungkol sa pagtulong sa mga kapananampalataya?
18 Ang maibiging-kabaitan ay isa pa ring pagkakakilanlang tanda ng bayan ng Diyos, kabilang na ang mga lalaking nagpapastol sa kawan ng Diyos. (Awit 110:3; 1 Tesalonica 5:12) Ang gayong matatanda, o mga tagapangasiwa, ay nakadarama ng pananagutan na mamuhay ayon sa pagtitiwalang ipinagkaloob sa kanila dahil sa kanilang atas. (Gawa 20:28) Magkagayunman, ang kanilang pagpapastol at iba pang mga gawa ng maibiging-kabaitan alang-alang sa kongregasyon ay isinasagawa nang “hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban.” (1 Pedro 5:2) Pinapastulan ng matatanda ang kawan dahil sa taglay nila kapuwa ang pananagutan at hangarin na gawin ito. Ipinakikita nila ang maibiging-kabaitan sa mga tupa ni Kristo dahil sa kailangan at nais nilang gawin ito. (Juan 21:15-17) “Gustung-gusto kong dumalaw sa mga tahanan ng mga kapatid o tawagan sila para lamang ipakita sa kanila na iniisip ko sila,” ang sabi ng isang Kristiyanong matanda. “Ang pagtulong sa mga kapatid ay pinagmumulan ng malaking kagalakan at kasiyahan para sa akin!” Ang mapagmalasakit na matatanda sa lahat ng dako ay buong-pusong sumasang-ayon dito.
Magpakita ng Maibiging-Kabaitan sa mga Nangangailangan
19. Anong bagay tungkol sa maibiging-kabaitan ang binigyang-diin ng mga ulat sa Bibliya na tinalakay sa artikulong ito?
19 Ang mga ulat sa Bibliya na ating tinalakay ay nagdiriin din sa bagay na ang maibiging-kabaitan ay dapat ipakita sa mga may pangangailangan na hindi nila masapatan sa ganang sarili. Upang magpatuloy ang kaniyang angkan, kinailangan ni Abraham ang pakikipagtulungan ni Betuel. Upang madala ang kaniyang mga labí sa Canaan, kinailangan ni Jacob ang tulong ni Jose. At upang makapagluwal ng isang tagapagmana, kinailangan ni Noemi ang tulong ni Ruth. Hindi masasapatan nina Abraham, Jacob, at Noemi ang mga pangangailangang iyon nang walang tumutulong. Gayundin naman sa ngayon, ang maibiging-kabaitan ay kailangang ipakita lalo na sa mga nangangailangan. (Kawikaan 19:17) Kailangan nating tularan ang patriyarkang si Job, na nagbigay-pansin sa “napipighati na humihingi ng tulong, at [sa] batang lalaking walang ama at [sa] sinumang walang katulong” gayundin sa “isa na mamamatay na.” ‘Pinasaya [rin ni Job] ang puso ng babaing balo’ at naging ‘mga mata para sa bulag at mga paa para sa pilay.’—Job 29:12-15.
20, 21. Sinu-sino ang nangangailangan ng mga kapahayagan ng ating maibiging-kabaitan, at ano ang dapat na determinadong gawin ng bawat isa sa atin?
20 Ang totoo, may mga “napipighati na humihingi ng tulong” sa bawat kongregasyong Kristiyano. Maaaring ito ay dahil sa mga salik na gaya ng kalungkutan, pagkasira ng loob, pagkadama ng kawalang-halaga, pagkasiphayo sa iba, malubhang karamdaman, o pagkamatay ng isang minamahal. Anuman ang dahilan, lahat ng mga minamahal na ito ay may mga pangangailangan na maaari at kailangang masapatan sa pamamagitan ng ating maluwag-sa-kalooban at namamalaging mga gawa ng maibiging-kabaitan.—1 Tesalonica 5:14.
21 Kung gayon, patuloy nating tularan ang Diyos na Jehova, na “sagana sa maibiging-kabaitan.” (Exodo 34:6; Efeso 5:1) Magagawa natin ito sa pamamagitan ng espesipikong mga gawa na maluwag sa kalooban, lalo na kung alang-alang sa mga nangangailangan. At tiyak na pararangalan natin si Jehova at tatamasahin ang malaking kagalakan habang ‘nagpapakita tayo sa isa’t isa ng maibiging-kabaitan.’—Zacarias 7:9.
[Talababa]
^ par. 11 Para sa mga detalye ng uri ng pag-aasawang nasasangkot dito, tingnan ang Tomo 1, pahina 370, ng Insight on the Scriptures, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano naiiba ang maibiging-kabaitan sa makataong kabaitan?
• Sa anu-anong paraan ipinakita nina Betuel, Jose, at Ruth ang maibiging-kabaitan?
• Dapat nating ipakita ang maibiging-kabaitan taglay ang anong saloobin?
• Sinu-sino ang nangangailangan ng mga kapahayagan ng ating maibiging-kabaitan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 18]
Paano nagpakita si Betuel ng maibiging-kabaitan?
[Larawan sa pahina 21]
Ang matapat na pag-ibig ni Ruth ay isang pagpapala kay Noemi
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang makataong maibiging-kabaitan ay ipinamamalas nang maluwag sa kalooban, ipinakikita sa pamamagitan ng espesipikong gawa, at ipinamamalas sa mga nangangailangan