Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Wasto bang lumapit sa Diyos sa panalangin nang hindi sinasabi ang gaya ng “sa pangalan ni Jesus”?
Ipinakikita ng Bibliya na ang mga Kristiyanong nagnanais na lumapit kay Jehova sa panalangin ay dapat na manalangin sa pangalan ni Jesus. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Sinabi pa niya: “Anuman ang inyong hingin sa pangalan ko, gagawin ko ito, upang ang Ama ay maluwalhati may kaugnayan sa Anak. Kung hihingi kayo ng anumang bagay sa pangalan ko, gagawin ko iyon.”—Juan 14:6, 13, 14.
Sa pagtukoy sa natatanging katayuan ni Jesus, ganito ang sabi ng Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature: “Ang Diyos lamang ang pinag-uukulan ng panalangin, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo bilang Tagapamagitan. Samakatuwid, ang lahat ng mga pagsusumamo sa mga santo o sa mga anghel ay hindi lamang walang-silbi, kundi mapamusong. Ang lahat ng pagsamba sa nilalang, gaano man kadakila ang nilalang na iyon, ay idolatriya, at ito ay mahigpit na ipinagbabawal sa sagradong kautusan ng Diyos.”
Kumusta naman kung ang isa, pagkatapos ng isang lubhang kasiya-siyang karanasan, ay magsabi, “Salamat po Jehova” nang hindi idinaragdag ang “sa pangalan ni Jesus”? Ito ba ay di-wasto? Hindi naman. Ipagpalagay na isang Kristiyano ang nakaranas ng isang biglang panganib at sumigaw: “Diyos na Jehova, tulungan po ninyo ako!” Tiyak na tutulong ang Diyos kahit na ang kaniyang lingkod ay hindi nagsabing “sa pangalan ni Jesus.”
Gayunman, dapat pansinin na ang basta pagsasalita nang malakas kahit na ito’y patungkol sa Diyos ay hindi laging nangangahulugan na isa na itong panalangin. Halimbawa, pagkatapos na siya ay mahatulan ni Jehova dahil sa pagpatay sa kaniyang kapatid na si Abel, sinabi ni Cain: “Ang kaparusahan sa akin dahil sa kamalian ay napakabigat dalhin. Narito, itinataboy mo nga ako sa araw na ito mula sa ibabaw ng lupa, at makukubli ako mula sa iyong mukha; at ako ay magiging palaboy at takas sa lupa, at tiyak na papatayin ako ng sinumang makasumpong sa akin.” (Genesis 4:13, 14) Bagaman pinatungkol ni Cain ang kaniyang mga pananalita kay Jehova, ang kaniyang silakbo ng damdamin ay isang pagrereklamo sa masaklap na bunga ng kasalanan.
Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit nagbibigay siya ng di-sana-nararapat na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.” Ang di-pormal na pakikipag-usap sa Kataas-taasan na para bang siya’y isang tao lamang ay tiyak na pagpapakita ng kawalan ng kapakumbabaan. (Santiago 4:6; Awit 47:2; Apocalipsis 14:7) Magiging kawalang-galang din naman kung malaman ng isa ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa papel na ginagampanan ni Jesus, ngunit sadyang mananalangin nang hindi kinikilala si Jesu-Kristo.—Lucas 1:32, 33.
Hindi ibig sabihin nito na inaasahan ni Jehova na marinig ang isang partikular na istilo o itinakdang pormula kapag tayo ay nananalangin. Ang pangunahing salik ay ang kalagayan ng puso ng isang tao. (1 Samuel 16:7) Noong unang siglo C.E., isang opisyal ng hukbong Romano na nagngangalang Cornelio ang “nagsusumamo sa Diyos nang patuluyan.” Si Cornelio, isang di-tuling Gentil, ay hindi nakaalay kay Jehova. Bagaman malamang na hindi niya inihandog ang kaniyang mga panalangin sa pangalan ni Jesus, ang mga ito ay “pumailanlang bilang isang pinakaalaala sa harap ng Diyos.” Bakit? Sapagkat nakita ng “tagasuri ng mga puso” na si Cornelio ay “isang taong taimtim at natatakot sa Diyos.” (Gawa 10:2, 4; Kawikaan 17:3) Nang matamo ang kaalaman tungkol kay “Jesus na mula sa Nazaret,” si Cornelio ay tumanggap ng banal na espiritu at naging isang bautisadong alagad ni Jesus.—Gawa 10:30-48.
Katapus-tapusan, hindi para sa mga tao ang magpasiya kung aling mga panalangin ang dinirinig ng Diyos. Kung sa isang pagkakataon ang isang Kristiyano ay nakipag-usap sa Diyos at nakaligtaang gamitin ang pananalitang gaya ng “sa pangalan ni Jesus,” hindi siya kailangang makonsensiya. Lubos na nababatid ni Jehova ang ating mga limitasyon at nais niya tayong tulungan. (Awit 103:12-14) Tayo’y makatitiyak na kung mananampalataya tayo sa ‘Anak ng Diyos . . . , anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pakikinggan niya.’ (1 Juan 5:13, 14) Gayunman, lalo na kapag kinakatawan ang iba sa panalangin sa publiko, kinikilala ng tunay na mga Kristiyano ang maka-Kasulatang papel na ginagampanan ni Jesus sa layunin ni Jehova. At masunuring sinisikap nilang parangalan si Jesus sa pamamagitan ng pag-uukol ng mga panalangin sa Diyos sa pamamagitan niya.