Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagdudulot ng mga Gantimpala ang Pagtanggap sa mga Paanyaya ni Jehova

Nagdudulot ng mga Gantimpala ang Pagtanggap sa mga Paanyaya ni Jehova

Nagdudulot ng mga Gantimpala ang Pagtanggap sa mga Paanyaya ni Jehova

AYON SA SALAYSAY NI MARIA DO CÉU ZANARDI

“Alam ni Jehova ang ginagawa niya. Kung pinadalhan ka niya ng paanyaya, dapat ay mapagpakumbaba mong tanggapin iyon.” Ang mga salitang ito ng aking ama, na binigkas mga 45 taon na ang nakalipas, ay nakatulong sa akin upang tanggapin ang unang paanyaya sa akin mula sa organisasyon ni Jehova, ang maglingkod bilang isang pambuong-panahong ministro. Sa ngayon, ipinagpapasalamat ko pa rin ang payo ng aking ama dahil nagdulot sa akin ng saganang gantimpala ang pagtanggap sa gayong mga paanyaya.

NOONG 1928, si Itay ay sumuskribe sa magasing Bantayan at naging interesado sa Bibliya. Yamang nakatira siya sa gitnang Portugal, ang tanging kaugnayan niya sa kongregasyon ng Diyos ay ang mga publikasyon na natatanggap niya sa koreo at ang Bibliya ng aking lolo’t lola. Noong 1949, nang ako’y 13 taóng gulang, ang aming pamilya ay nandayuhan sa Brazil, ang katutubong bansa ni Inay, at nanirahan kami sa labas ng Rio de Janeiro.

Inanyayahan kami ng aming mga bagong kapitbahay na dalawin ang kanilang simbahan, at nagpunta kami roon nang ilang beses. Gustung-gusto ni Itay na pagtatanungin sila tungkol sa apoy ng impiyerno, kaluluwa, at sa kinabukasan ng lupa​—ngunit wala silang maisagot. “Hintayin na lamang natin ang tunay na mga estudyante ng Bibliya,” ang laging sinasabi ni Itay.

Isang araw, isang lalaking bulag ang dumalaw sa aming tahanan at nag-alok ng Ang Bantayan at Gumising! Gayundin ang itinanong sa kaniya ni Itay, at nagbigay siya ng matitibay na sagot na salig sa Bibliya. Nang sumunod na linggo, dumalaw sa amin ang isa pa sa mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos sagutin ang karagdagan pang mga tanong, nagpaalam siya at nagsabing kailangan pa niyang lumabas sa larangan/gumawa ng pangangaral, na ginagamit ang Mateo 13:38 upang ipakita na kailangan itong gawin sa buong sanlibutan. Nagtanong si Itay: “Puwede ba akong sumama?” “Siyempre,” ang sagot niya. Labis-labis ang aming kagalakan na muling masumpungan ang katotohanan sa Bibliya! Nabautismuhan si Itay sa sumunod na kombensiyon, at di-nagtagal pagkatapos nito ay nabautismuhan ako, noong Nobyembre 1955.

Pagtanggap sa Aking Unang Paanyaya

Pagkaraan ng isa at kalahating taon, nakatanggap ako mula sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Rio de Janeiro ng isang malaking sobreng kulay-kape na may paanyaya sa akin na pumasok sa pambuong-panahong gawaing pangangaral. Mahina ang kalusugan ni Inay nang panahong iyon, kaya humingi ako ng payo kay Itay. “Alam ni Jehova ang ginagawa niya,” ang kaniyang matatag na sagot. “Kung pinadalhan ka niya ng paanyaya, dapat ay mapagpakumbaba mong tanggapin iyon.” Palibhasa’y napasigla ng mga salitang ito, pinunan ko ang application form at pumasok ako sa pambuong-panahong paglilingkod noong Hulyo 1, 1957. Ang aking unang atas ay sa Três Rios, isang bayan sa Estado ng Rio de Janeiro.

Sa simula, atubili ang mga naninirahan sa Três Rios na makinig sa aming mensahe dahil hindi namin ginagamit ang isang bersiyong Katoliko ng Bibliya. Dumating ang tulong nang masimulan namin ang pag-aaral sa Bibliya kay Geraldo Ramalho, isang aktibong Katoliko. Sa tulong niya ay nakakuha ako ng isang Bibliya na may lagda ng pari sa lugar na iyon. Mula noon, kapag may nagbangon ng pagtutol, ipinakikita ko sa kanila ang lagda ng pari, at wala nang nagtatanong. Si Geraldo ay nabautismuhan nang dakong huli.

Galak na galak ako nang idaos ang isang pansirkitong asamblea doon mismo sa sentro ng Três Rios noong 1959. Ang hepe ng pulisya, na noo’y nakikipag-aral sa Bibliya, ay nagsaayos pa nga na maglagay ng mga baner na nag-aanunsiyo ng programa sa buong bayan. Pagkatapos na gumawa ng tatlong taon sa Três Rios, inanyayahan ako sa isang bagong atas sa Itu, mga 110 kilometro sa gawing kanluran ng São Paulo.

Mga Aklat na Kulay Pula, Asul, at Dilaw

Pagkatapos maghanap, kami ng kapareha kong payunir ay nakasumpong ng maalwang tirahan sa sentro ng bayan sa tahanan ni Maria, isang mabait na biyuda. Parang sarili niyang mga anak ang turing ni Maria sa amin. Subalit di-nagtagal, ang Romano Katolikong obispo sa Itu ay dumalaw sa kaniya at sinabihan siya na palayasin kami, pero nanatili siyang matatag: “Nang mamatay ang aking asawa, wala kang ginawa para aliwin ako. Tinulungan ako ng mga Saksi ni Jehova na ito bagaman hindi ako kabilang sa kanilang relihiyon.”

Nang panahon ding iyon, ipinaalam sa amin ng isang babae na pinagbawalan ng mga paring Katoliko sa Itu ang mga miyembro ng kanilang parokya na tanggapin ang mga kopya ng “pulang aklat tungkol sa Diyablo.” Ang tinutukoy nila ay ang “Hayaang Ang Diyos Ang Maging Tapat,” isang publikasyong salig sa Bibliya na iniaalok namin sa mga tao nang linggong iyon. Yamang “ipinagbabawal” ng mga pari ang pulang aklat, naghanda kami ng isang presentasyon para sa asul na aklat (“Bagong mga Langit at Isang Bagong Lupa”). Sa kalaunan, nang mabalitaan ng klero ang pagbabagong ito, ginamit namin ang dilaw na aklat (Ano ang Nagawa ng Relihiyon ukol sa Sangkatauhan?), at ang iba pa. Mabuti na lamang at mayroon kaming sari-saring aklat na may mga pabalat na iba-iba ang kulay!

Pagkaraan ng mga isang taon sa Itu, nakatanggap ako ng telegrama na nag-aanyaya sa akin na pansamantalang magtrabaho sa Bethel, ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Rio de Janeiro, bilang paghahanda sa pambansang asamblea. Malugod kong tinanggap iyon.

Karagdagang mga Pribilehiyo at mga Hamon

Sa Bethel, hindi nauubusan ng trabaho, at nalulugod akong makatulong sa anumang paraang posible. Tunay ngang nakabubuti ang pagdalo sa pagtalakay sa pang-araw-araw na teksto tuwing umaga at sa pampamilyang Pag-aaral sa Bantayan tuwing Lunes ng gabi! Ako’y lubhang naapektuhan ng taos-pusong mga panalangin ni Otto Estelmann at ng iba pang makaranasang miyembro ng pamilyang Bethel.

Pagkatapos ng pambansang asamblea, nag-impake na ako para bumalik sa Itu, ngunit laking gulat ko nang iabot sa akin ng lingkod ng sangay, si Grant Miller, ang isang liham na nag-aanyaya sa akin na maging isang permanenteng miyembro ng pamilyang Bethel. Ang kasama ko sa silid ay si Sister Hosa Yazedjian, na naglilingkod pa rin sa Bethel sa Brazil. Noon ay maliit lamang ang pamilyang Bethel​—28 lamang kami​—at lahat kami ay malalapit na magkakaibigan.

Noong 1964, si João Zanardi, isang kabataang pambuong-panahong ministro, ay dumating sa Bethel upang tumanggap ng pagsasanay. Pagkaraan ay inatasan siya bilang lingkod ng sirkito, o naglalakbay na tagapangasiwa, sa di-kalayuan. Nagkikita kami kung minsan kapag dumadalaw siya sa Bethel upang magsumite ng kaniyang mga ulat. Binigyan ng permiso ng lingkod ng sangay si João para makadalo sa pampamilyang pag-aaral tuwing Lunes ng gabi, kaya nagawa naming gumugol ng higit na panahon nang magkasama. Kami ni João ay nagpakasal noong Agosto 1965. Malugod kong tinanggap ang paanyaya na sumama sa aking asawa sa gawaing pansirkito.

Noong mga panahong iyon, ang gawaing paglalakbay sa interyor ng Brazil ay isang pambihirang karanasan. Hindi ko kailanman malilimutan ang aming mga pagdalaw sa grupo ng mga mamamahayag sa Aranha, sa Estado ng Minas Gerais. Kinailangan naming sumakay ng tren at saka lakarin ang nalalabing distansiya​—dala-dala ang mga maleta, makinilya, slide projector, mga bag sa paglilingkod, at literatura. Anong ligaya namin na masumpungan si Lourival Chantal, isang may-edad nang kapatid na lalaki, na laging naghihintay sa istasyon ng tren upang tulungan kami sa aming mga bagahe.

Ang mga pulong sa Aranha ay idinaraos sa isang inuupahang bahay. Natutulog kami sa isang maliit na silid sa bandang likuran. Sa isang panig, may sigâ na ginagamit namin sa pagluluto at pag-iinit ng tubig na timba-timba kung dalhin sa amin ng mga kapatid. Isang hukay sa lupa sa kalagitnaan ng kalapit na taniman ng kawayan ang nagsilbing palikuran. Kung gabi ay iniiwan naming nakasindi ang isang ilawang de gas upang itaboy ang mga barber beetle (isang uri ng uwang)​—mga insekto na nagdadala ng Chagas’ disease. Sa umaga ay nangingitim ang mga butas ng ilong namin dahil sa usok. Tunay na isang kakaibang karanasan!

Habang naglilingkod sa isang sirkito sa Estado ng Paraná, muli kaming nakatanggap ng isa sa gayong malalaking sobre na kulay-kape mula sa tanggapang pansangay. Isa pang paanyaya mula sa organisasyon ni Jehova​—sa pagkakataong ito ay upang maglingkod sa Portugal! Pinayuhan kami ng liham na isaalang-alang ang simulain sa Lucas 14:28 at tuusin ang gastusin bago tanggapin ang atas na ito dahil sa ipinagbabawal doon ang ating gawaing Kristiyano, at marami nang kapatid ang inaresto ng pamahalaang Portuges.

Pupunta ba kami sa isang lupain kung saan mapapaharap kami sa gayong pag-uusig? “Kung ang ating mga kapatid na Portuges ay nabubuhay roon at buong-katapatang nakapaglilingkod kay Jehova, bakit hindi natin magagawa iyon?” sabi ni João. Nagunita ang pampatibay na mga salita ng aking ama, sumang-ayon ako: “Kung nagpadala sa atin si Jehova ng paanyaya, dapat nating tanggapin iyon at magtiwala sa kaniya.” Di-nagtagal pagkatapos nito, nasa Bethel kami sa São Paulo, na tumatanggap ng karagdagang mga tagubilin at naghahanda ng aming mga dokumento para sa paglalakbay.

João Maria at Maria João

Ang aming barko, ang Eugênio C, ay lumunsad mula sa daungan ng Santos, Estado ng São Paulo, noong Setyembre 6, 1969. Pagkaraan ng siyam na araw sa dagat, dumating kami sa Portugal. Sa simula, gumugol kami ng ilang buwan na gumagawa kasama ng makaranasang mga kapatid sa makikipot na kalye ng Alfama at Mouraria, sa matandang distrito ng Lisbon. Sinanay nila kami na maging mapagmasid upang hindi kami madaling mahuli ng pulis.

Idinaraos ang mga pulong ng kongregasyon sa tahanan ng mga Saksi. Kapag napansin namin na naghihinala na ang mga kapitbahay, agad na inililipat ang mga pulong sa ibang lokasyon upang hindi lusubin ang bahay o arestuhin ang mga kapatid. Idinaraos ang mga piknik, gaya ng tawag namin sa aming mga asamblea, sa Monsanto Park, sa labas ng Lisbon, at sa Costa da Caparica, isang kakahuyan sa may baybayin. Nagbibihis kami nang di-pormal para sa mga okasyong iyon, at isang grupo ng alistong mga attendant ang nagbabantay sa estratehikong mga dako. Kung may lalapit na isang kahina-hinala, may panahon pa kaming magsaayos ng isang laro, maghanda ng piknik, o magsimulang kumanta ng isang katutubong awitin.

Upang maging mas mahirap para sa mga pulis na panseguridad na makilala kami, iniiwasan naming gumamit ng aming tunay na pangalan. Kilala kami ng mga kapatid bilang sina João Maria at Maria João. Hindi ginagamit ang aming pangalan sa anumang sulat o ulat. Sa halip, binigyan kami ng mga numero. Sinikap ko na huwag isaulo ang mga direksiyon ng mga kapatid. Sa ganiyang paraan, kung ako man ay maaresto, hindi ko sila maipagkakanulo.

Sa kabila ng mga paghihigpit, kami ni João ay determinadong samantalahin ang bawat pagkakataon upang magpatotoo, yamang alam namin na anumang sandali ay maaaring mawala ang aming kalayaan. Natutuhan naming umasa sa ating makalangit na Ama, si Jehova. Bilang ating Tagapagsanggalang, ginamit niya ang kaniyang mga anghel sa paraan na doo’y nadarama namin na aming “nakikita ang Isa na di-nakikita.”​—Hebreo 11:27.

Minsan, nangangaral kami sa bahay-bahay sa Porto nang makilala namin ang isang lalaki na pinilit kaming anyayahan sa loob ng kaniyang tahanan. Hindi nag-atubili ang sister na kasama ko na tanggapin ang paanyaya, at wala akong nagawa kundi ang samahan siya. Gayon na lamang ang pagkatakot ko nang mapansin ko sa pasilyo roon ang isang litrato ng isang tao na nakauniporme ng militar. Ano na ang gagawin namin ngayon? Pinaupo kami ng may-bahay, at saka nagtanong sa akin: “Papayagan mo ba ang iyong anak na lalaki na pumasok sa hukbo kung siya ay ipatawag?” Maselan na situwasyon iyon. Sa mahinahong paraan at matapos manalangin nang tahimik, sumagot ako: “Wala akong anak, at tiyak ko na kung ikaw ang tatanungin ko ng ganiyang haka-hakang tanong, pareho rin ang isasagot mo.” Hindi siya kumibo. Kaya nagpatuloy ako: “Ngayon kung tatanungin mo ako kung ano ang nadarama ng isang nawalan ng kapatid na lalaki o ng isang ama, masasagot ko iyan sapagkat patay na kapuwa ang aking kapatid na lalaki at ang aking ama.” Nangingilid ang luha ko habang nagsasalita ako, at napansin ko na halos mapaiyak na rin siya. Ipinaliwanag niya na kamamatay lamang ng kaniyang kabiyak. Matama siyang nakinig habang ipinaliliwanag ko ang pag-asa ng pagkabuhay-muli. Pagkatapos ay magalang kaming nagpaalam at ligtas na umalis, na ipinauubaya na lamang ang bagay na iyon sa kamay ni Jehova.

Sa kabila ng pagbabawal, natulungan ang taimtim na mga tao na magtamo ng kaalaman sa katotohanan. Sa Porto nagsimulang aralan ng aking asawa si Horácio, isang negosyante, na naging mabilis ang pagsulong. Nang maglaon, ang kaniyang anak na si Emílio, isang magaling na doktor, ay nanindigan din para kay Jehova at nabautismuhan. Tunay, walang makapipigil sa banal na espiritu ni Jehova.

“Hindi Ninyo Alam Kung Ano ang Ipahihintulot ni Jehova”

Noong 1973, kami ni João ay inanyayahang dumalo sa “Banal na Tagumpay” na Pang-Internasyonal na Asamblea sa Brussels, Belgium. Libu-libong kapatid na Kastila at taga-Belgium ang naroroon, pati na ang mga delegado mula sa Mozambique, Angola, Cape Verde, Madeira, at Azores. Sa kaniyang pangwakas na mga komento, nagpayo si Brother Knorr, na mula sa punong-tanggapan sa New York: “Patuloy na paglingkuran si Jehova nang buong katapatan. Hindi ninyo alam kung ano ang ipahihintulot ni Jehova. Malay ninyo, baka ang susunod na pang-internasyonal na kombensiyon na dadaluhan ninyo ay sa Portugal!”

Nang sumunod na taon, ang gawaing pangangaral ay legal na kinilala sa Portugal. At gaya ng sinabi ni Brother Knorr, noong Abril 25, 1978, idinaos namin ang aming unang pang-internasyonal na kombensiyon sa Lisbon. Anong laking pribilehiyo na magmartsa sa mga lansangan ng Lisbon, na nagpapatotoo sa pamamagitan ng mga plakard, magasin, at mga paanyaya para sa pahayag pangmadla! Iyon ay isang pangarap na natupad.

Napamahal na sa amin ang aming mga kapatid na Portuges, na marami sa kanila ay nabilanggo at binugbog dahil sa pananatiling neutral bilang Kristiyano. Hangad namin na patuloy na maglingkod sa Portugal. Gayunman, hindi nagkagayon. Noong 1982, si João ay nagkaroon ng malubhang sakit sa puso, at iminungkahi ng tanggapang pansangay na bumalik kami sa Brazil.

Isang Panahon ng Pagsubok

Ang mga kapatid sa tanggapang pansangay sa Brazil ay napakamatulungin at inatasan kaming maglingkod sa Kongregasyon ng Quiririm sa Taubaté, Estado ng São Paulo. Mabilis na humina ang kalusugan ni João, at di-nagtagal ay nasa bahay na lamang siya. Pumupunta sa aming tahanan ang mga interesado upang mag-aral ng Bibliya, at may mga pulong bago maglingkod sa larangan araw-araw, pati na lingguhang pag-aaral ng grupo sa aklat. Natulungan kami ng mga paglalaang ito upang mapanatili ang aming espirituwalidad.

Nagpatuloy si João na gawin ang anumang makakaya niya sa paglilingkod kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong Oktubre 1, 1985. Ako ay nalumbay at medyo nanlumo, ngunit nagpasiya ako na magpatuloy sa aking atas. Isa pang kabiguan ang dumating noong Abril 1986 nang pasukin ng mga magnanakaw ang aking tahanan at kunin ang halos lahat. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, nalungkot ako at natakot. Isang mag-asawa ang maibiging nag-anyaya sa akin na pansamantalang pumisan sa kanila, na labis ko namang ipinagpasalamat.

Naapektuhan din ng pagkamatay ni João at ng nangyaring nakawan ang aking paglilingkod kay Jehova. Hindi na ako nakadama ng pagtitiwala habang nasa ministeryo. Matapos sumulat sa tanggapang pansangay tungkol sa suliraning ito, nakatanggap ako ng paanyaya na gumugol ng ilang panahon sa Bethel upang matulungan ako na maibalik ang aking pagiging timbang sa emosyon. Tunay na isang nakapagpapalakas na panahon iyon!

Nang bumuti na ang aking pakiramdam, tumanggap ako ng atas na maglingkod sa Ipuã, isang bayan sa estado ng São Paulo. Naging abala ako sa gawaing pangangaral, ngunit kung minsan ay nasisiraan ako ng loob. Sa gayong mga pagkakataon, tumatawag ako sa mga kapatid sa Quiririm, at isang pamilya ang dumadalaw sa akin sa loob ng ilang araw. Talagang nakapagpapatibay ang gayong mga pagdalaw! Sa unang taon ko sa Ipuã, 38 iba’t ibang kapatid ang naglakbay nang malayo upang dalawin ako.

Noong 1992, anim na taon mula nang mamatay si João, nakatanggap ako ng isa pang paanyaya mula sa organisasyon ni Jehova, sa pagkakataong ito ay upang lumipat sa Franca, Estado ng São Paulo, kung saan naglilingkod pa rin ako bilang isang pambuong-panahong ministro. Totoong mabunga ang teritoryo rito. Noong 1994, nasimulan ko ng pag-aaral sa Bibliya ang alkalde. Kasabay nito, nangangampanya siya para sa isang puwesto sa konggreso ng Brazil, ngunit sa kabila ng kaniyang abalang iskedyul, nag-aaral kami tuwing Lunes ng hapon. Upang maiwasan ang mga panggambala, pinapatay niya ang kaniyang telepono. Anong ligaya ko na makitang unti-unti siyang lumayo sa pulitika at, sa tulong ng katotohanan, muling nabuo ang pagsasama nilang mag-asawa! Silang mag-asawa ay nabautismuhan noong 1998.

Sa pagbabalik-tanaw, masasabi ko na ang aking buhay bilang isang pambuong-panahong ministro ay isa na lipos ng pagpapala at mga pribilehiyo. Ang pagtanggap sa mga paanyaya ni Jehova sa akin sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon ay tunay na nagdulot sa akin ng saganang gantimpala. At anumang mga paanyaya ang darating pa sa hinaharap, matibay higit kailanman ang pagnanais ko na tanggapin ang mga iyon.

[Mga larawan sa pahina 25]

Noong 1957, nang pumasok ako sa pambuong-panahong paglilingkuran, at ngayon

[Larawan sa pahina 26]

Kasama ang pamilyang Bethel sa Brazil noong 1963

[Larawan sa pahina 27]

Ang aming kasal noong Agosto 1965

[Larawan sa pahina 27]

Isang asamblea sa Portugal habang ipinagbabawal ang gawain

[Larawan sa pahina 28]

Pagpapatotoo sa lansangan sa Lisbon sa “Matagumpay na Pananampalataya” na Pang-Internasyonal na Kombensiyon noong 1978