Ano ang May Tunay na Halaga?
Ano ang May Tunay na Halaga?
Nakapagpapasaya ang pagtataglay ng isang bagay na may tunay na halaga. Ngunit ano kaya iyon? Isang malaking halaga ng salapi? Mamahalin o kakaibang alahas? Kabantugan at katanyagan? Lubhang pinahahalagahan ng maraming tao ang mga ito. Ang pagtataglay ng mga ito ay makapaglalaan ng kabuhayan, magagawang mas makabuluhan ang buhay, o makasasapat sa panloob na pangangailangan na makilala at magtagumpay. Sinisikap ba nating makamit ang mga bagay na ito, anupat umaasa na tutuparin nito ang ating mga tunguhin at mga hangarin sa hinaharap?
KADALASAN, pinahahalagahan ng mga tao ang isang bagay salig sa kung paano nito pinupunan ang kanilang mga pangangailangan o sinasapatan ang kanilang personal na mga naisin. Minamahal natin ang mga bagay na nagdudulot sa atin ng mabuting pakiramdam at nagbibigay ng pag-asa ng isang tiwasay na hinaharap. Pinahahalagahan natin ang mga bagay na nagdudulot ng kagyat na ginhawa, kaaliwan, o pagkilala. Gayunman, mababaw at panandalian ang paglalagay ng halaga batay sa ating nagbabagong mga naisin o mga interes. Sa katunayan, ang tunay na halaga ay tinitiyak sa pamamagitan ng kung ano sa tingin natin ang ating pinakamalaking pangangailangan.
Ano ba ang ating pinakamalaking pangangailangan? Walang halaga ang anumang bagay kung wala ang isang mahalagang sangkap—ang buhay. Kung walang buhay, hindi tayo iiral. Sumulat si Haring Solomon ng sinaunang Israel: “Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran . . . Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [ang karaniwang libingan ng sangkatauhan].” (Eclesiastes 9:5, 10) Kung mamatay tayo, mapipilitan tayong iwan ang lahat ng bagay na taglay natin. Kung gayon, ang ating pinakamalaking pangangailangan ay magtamo ng isang bagay na magpapanatili sa ating buhay. Ano ang magpapangyari nito?
Ano ang Magpapanatili sa Ating Buhay?
“Ang salapi ay pananggalang,” ang sabi ni Haring Solomon. (Eclesiastes 7:12) Sa pamamagitan ng sapat na salapi, maaari tayong magkaroon ng pagkain at komportableng tahanan. Magagawa ng salapi na masiyahan tayo sa paglalakbay sa malalayong lugar. Matutustusan nito ang ating mga pangangailangan kapag hindi na tayo makapagtrabaho dahil sa katandaan o karamdaman. Marami ang kapakinabangan ng pagkakaroon ng salapi. Gayunman, hindi mapananatili ng salapi ang ating buhay. Pinayuhan ni apostol Pablo si Timoteo: “Magbigay ka ng utos doon sa mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na huwag maging mataas ang pag-iisip, at na ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos.” (1 Timoteo 6:17) Hindi mabibili ng lahat ng salapi sa daigdig ang buhay para sa atin.
Isaalang-alang ang karanasan ng isang lalaking nagngangalang Hitoshi. Palibhasa’y lumaki sa isang mahirap na pamilya, masidhi ang pagnanais ni Hitoshi na yumaman. Lubha siyang naniwala sa kapangyarihan ng salapi anupat naisip niyang mabibili nito kahit ang mga tao. Pagkatapos, isang lalaki ang dumalaw sa tahanan ni Hitoshi at nagtanong sa kaniya kung alam niya na si Jesu-Kristo ay namatay alang-alang sa kaniya. Napukaw ng tanong na ito ang pagkamausisa ni Hitoshi sapagkat inakala niyang walang sinuman ang handang mamatay para sa isang taong gaya niya. Dumalo siya sa isang pangmadlang pahayag sa Bibliya at nagulat siyang marinig ang payo na ‘panatilihing simple ang mata.’ Ipinaliwanag ng tagapagsalita na ang matang “simple” ay isa na tumitingin sa hinaharap at nakatuon sa espirituwal na mga bagay. (Lucas 11:34) Sa halip na magpagal para sa salapi, inuna ni Hitoshi ang espirituwal na mga simulain sa kaniyang buhay.
Maaari ring magdulot sa atin ng katatagan at seguridad ang materyal na mga ari-arian. Nababawasan ang ating mga kabalisahan hinggil sa ating pang-araw-araw na mga pangangailangan kung sagana tayo. Maaaring makadama tayo ng tagumpay sa pagkakaroon ng isang magandang tahanan sa isang kanais-nais na pamayanan. Maaari tayong hangaan ng iba dahil sa ating mga damit na sunod sa uso at magarang kotse.
Isang pagpapala na ‘magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng ating pagpapagal.’ (Eclesiastes 3:13) At ang pagkakaroon ng labis ay magpapangyari sa ating mga mahal sa buhay na ‘magpakaginhawa, kumain, uminom, at magpakasaya sa kanilang sarili.’ Gayunman, panandalian lamang ang halaga ng materyal na mga bagay. Sa isang babala laban sa kaimbutan, sinabi ni Jesu-Kristo: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15-21) Ang mga ari-arian, gaano man karami o kahalaga, ay hindi makagagarantiya sa atin ng buhay.
Halimbawa, si Liz ay kasal sa isang lalaking mariwasa sa pinansiyal. Sabi niya: “Mayroon kaming isang magandang tahanan at dalawang kotse, at ang aming pinansiyal na kalagayan ay nagpapahintulot sa amin ng kalayaan na tamasahin ang anumang bagay na iniaalok ng daigdig sa materyal na paraan . . . Kakatwa nga, nag-aalala pa rin ako tungkol sa salapi.” Ganito ang paliwanag niya: “Marami ang mawawala sa amin. Waring mientras marami kang tinataglay, lalo kang hindi nakadarama ng katiwasayan.”
Ang kabantugan at katanyagan ay lubha ring pinahahalagahan ng marami dahil ang mga ito’y maaaring magdala ng papuri at karangalan. Sa daigdig sa ngayon, ang pagkakaroon ng matagumpay na karera ay kinaiinggitan. Ang paglinang ng pambihirang mga talino o kasanayan ay maaaring makatulong sa atin na gumawa ng pangalan para sa ating sarili. Maaari tayong purihin ng iba, lubhang pahalagahan ang ating mga opinyon, at maging sabik na makamit ang ating pagsang-ayon. Lahat ng ito ay maaaring nakapagpapasigla at kasiya-siya. Subalit, sa kalaunan, ito ay naglalaho. Tinaglay ni Solomon ang lahat ng kaluwalhatian at kapangyarihan na maaaring tamasahin ng isang hari, subalit siya’y nanaghoy: “Ang alaala sa marunong ay walang kahigitan kaysa sa hangal . . . Ang bawat isa ay tiyak na malilimutan.” (Eclesiastes 2:16) Ang buhay ay hindi ang gantimpala para sa kabantugan o katanyagan.
Napahalagahan ng isang eskultor na nagngangalang Celo ang isang bagay na mas mahalaga kaysa sa kabantugan. Palibhasa’y may likas na talino, naging kuwalipikado siya na mag-aral upang mapahusay ang kaniyang mga kasanayan. Di-nagtagal, tumanggap ng papuri mula sa mga mamamahayag at sa mga kritiko ng sining ang kaniyang mga gawa. Marami sa kaniyang mga lilok ay itinanghal sa malalaking lunsod sa Europa. Ganito ang sabi ni Celo: “Inaamin ko na sa loob ng ilang panahon ang sining ang pinakamahalagang bagay sa aking buhay. Subalit, natanto ko na para sa akin, ang magpatuloy sa pagtataguyod ng aking karera ay maihahambing sa pagsisikap na maglingkod sa dalawang panginoon. (Mateo 6:24) Kumbinsido ako na ang pinakamahalagang bagay na magagawa ko ay ang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Kaya nagpasiya akong iwan ang aking gawain bilang isang eskultor.”
Ano ang May Pinakamalaking Halaga?
Yamang walang anumang bagay ang may kabuluhan o kahalagahan kung walang buhay, ano ang makukuha natin na gagarantiya na tayo’y patuloy na mabubuhay? Lahat ng buhay ay nagmumula sa Diyos na Jehova. (Awit 36:9) Oo, “sa pamamagitan niya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.” (Gawa 17:28) Nagkakaloob siya ng buhay na walang hanggan bilang isang kaloob sa mga iniibig niya. (Roma 6:23) Ano ang dapat nating gawin upang maging karapat-dapat sa kaloob na ito?
Ang pagtanggap ng kaloob na buhay na walang hanggan ay depende sa pagkakaroon natin ng isang matalik na kaugnayan kay Jehova. Kaya, ang kaniyang pagsang-ayon ay mas mahalaga kaysa anumang bagay na maaaring taglayin natin. Kung mayroon tayo nito, taglay natin ang pag-asa ng tunay at walang-hanggang kaligayahan. Subalit, kung wala ang pagsang-ayon ng Diyos, walang-hanggang pagkalipol ang napapaharap sa atin. Maliwanag kung gayon, napakahalaga ng anumang bagay na tutulong sa atin na magkaroon ng isang mabuting kaugnayan kay Jehova.
Kung Ano ang Dapat Nating Gawin
Ang ating tagumpay ay depende sa ating pagtatamo ng kaalaman. Ang pinagmumulan ng tumpak na kaalaman ay ang Salita ni Jehova, ang Bibliya. Ito lamang ang nagsasabi sa atin kung ano ang dapat nating gawin upang palugdan ang Diyos. Kailangan natin kung gayon na maingat na pag-aralan ang Kasulatan. Ang puspusang pagsisikap na matutuhan ang lahat ng matututuhan natin tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo ay nagdudulot ng ‘kaalaman na nangangahulugan ng buhay na walang hanggan.’ (Juan 17:3) Ang gayong kaalaman ay isang kayamanan na dapat pakamahalin!—Kawikaan 2:1-5.
Ang kaalamang ating natatamo mula sa Salita ng Diyos ay nagsasangkap sa atin upang gawin ang susunod na hakbang—pananampalataya kay Jesu-Kristo. Ipinag-utos ni Jehova na ang lahat ng lumalapit sa kaniya ay dapat na lumapit sa pamamagitan ni Jesus. (Juan 14:6) Sa katunayan, “walang kaligtasan sa kanino pa man.” (Gawa 4:12) Ang ating kaligtasan sa dakong huli ay depende, hindi sa ‘pilak o ginto . . . , kundi sa mahalagang dugo ni Kristo.’ (1 Pedro 1:18, 19) Dapat nating ipakita ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng paniniwala sa mga turo ni Jesus at pagsunod sa kaniyang halimbawa. (Hebreo 12:1-3; 1 Pedro 2:21) At pagkahala-halaga nga ng kaniyang hain! Ang pagkakapit ng mga kapakinabangan nito ang titiyak sa walang-hanggang kinabukasan ng buong sangkatauhan. Kapag lubusan na itong ikinapit alang-alang sa atin, tayo’y binibigyan ng tunay na mahalagang kaloob ng buhay na walang hanggan.—Juan 3:16.
Sinabi ni Jesus: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mateo 22:37) Ang pag-ibig kay Jehova ay nangangahulugan na “tuparin natin ang kaniyang mga utos.” (1 Juan 5:3) Hinihiling ng kaniyang mga utos na tayo’y manatiling hiwalay sa sanlibutan, panatilihin natin ang matuwid na paggawi, at matapat na itaguyod natin ang kaniyang Kaharian. Sa ganiyang paraan natin ‘pinipili ang buhay’ sa halip na ang kamatayan. (Deuteronomio 30:19) Kung ‘lalapit tayo sa Diyos, lalapit siya sa atin.’—Santiago 4:8.
Ang katiyakan ng pagsang-ayon ng Diyos ay makapupong higit na mas mahalaga kaysa lahat ng kayamanan sa daigdig. Yaong nagtataglay nito ang pinakamayayamang tao sa lupa! Kaya, pagsikapan nawa nating makamit ang kayamanang may tunay na halaga—ang pagsang-ayon ni Jehova. Kaya nga, sundin natin ang payo ni apostol Pablo: “Itaguyod mo ang katuwiran, makadiyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagbabata, kahinahunan ng kalooban. Ipakipaglaban mo ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya, manghawakan kang mahigpit sa buhay na walang hanggan.”—1 Timoteo 6:11, 12.
[Mga larawan sa pahina 21]
Ano ang lubha mong pinahahalagahan? Salapi, materyal na mga ari-arian, kabantugan, o ibang bagay?
[Larawan sa pahina 23]
Kailangan nating maingat na pag-aralan ang Kasulatan