Kung Paano Tayo Matutulungan ni Jesu-Kristo
Kung Paano Tayo Matutulungan ni Jesu-Kristo
KAHANGA-HANGA ang ginawa ni Jesu-Kristo na pagtulong sa mga tao noong naririto siya sa lupa. Ito’y lubhang totoo anupat pagkatapos alalahanin ang maraming pangyayari sa buhay ni Jesus, isang nakakita sa mga pangyayari ang nagsabi: “Sa katunayan, maraming iba pa ring mga bagay na ginawa ni Jesus, na, kung ang mga iyon ay naisulat nang lubhang detalyado, sa palagay ko, ay hindi mapagkakasiya ng sanlibutan mismo ang mga balumbon na naisulat.” (Juan 21:25) Yamang napakarami nang nagawa ni Jesus sa lupa, maitatanong natin: ‘Paano natin siya magiging katulong sa langit? Maaari kaya tayong makinabang ngayon sa magiliw na pagkamadamayin ni Jesus?’
Lubos na nakapagpapasigla at nakapagpapalakas-loob ang kasagutan. Sinasabi ng Bibliya sa atin na pumasok si Kristo “sa langit mismo, upang ngayon ay magpakita sa harap ng persona ng Diyos para sa atin.” (Hebreo 9:24) Ano ang ginawa niya para sa atin? Ipinaliliwanag ni apostol Pablo: “[Si Kristo] ay pumasok, hindi, hindi taglay ang dugo ng mga kambing at ng mga batang toro, kundi taglay ang sarili niyang dugo, nang minsanan sa banal na dako [“langit mismo”] at nagtamo ng walang-hanggang katubusan para sa atin.”—Hebreo 9:12; 1 Juan 2:2.
Kay buting balita niyan! Sa halip na tapusin ang kamangha-manghang gawain ni Jesus alang-alang sa mga tao, ang kaniyang pag-akyat sa langit ay nagpangyari sa kaniya na makagawa nang higit pa para sa sangkatauhan. Iyan ay sa dahilang hinirang ng Diyos si Jesus, udyok ng kaniyang dakilang di-sana-nararapat na kabaitan, upang maglingkod bilang “isang pangmadlang lingkod”—isang mataas na saserdote—“sa kanang kamay ng trono ng Karingalan sa mga langit.”—Hebreo 8:1, 2.
“Isang Pangmadlang Lingkod”
Kung gayon, si Jesus ay magiging isang pangmadlang lingkod sa langit para sa sangkatauhan. Isasagawa niya ang isang gawain na katulad ng ginawa ng mataas na saserdote sa Israel alang-alang sa mga mananamba ng Diyos noong sinaunang panahon. At ano ang gawaing iyan? Ipinaliliwanag ni Pablo: “Ang bawat mataas na saserdote ay inaatasang maghandog kapuwa ng mga kaloob at ng mga hain; dahil dito ay kailangan na ang isa ring ito [ang nakaakyat nang si Jesu-Kristo] ay magkaroon ng maihahandog.”—Hebreo 8:3.
May maihahandog si Jesus na mas nakahihigit sa inihandog ng sinaunang mataas na saserdote. “Kung ang dugo ng mga kambing at ng mga toro” ay makapagdudulot ng isang sukat ng espirituwal na kalinisan sa sinaunang Israel, “gaano pa ngang higit na ang dugo ng Kristo . . . ang maglilinis ng ating mga budhi mula sa patay na mga gawa upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy?”—Hebreo 9:13, 14.
Si Jesus ay isa ring pambihirang pangmadlang lingkod dahil sa pinagkalooban siya ng imortalidad. Sa sinaunang Israel “marami ang kinailangang maging saserdote nang sunud-sunod dahil sa napipigilan ng kamatayan na magpatuloy bilang gayon.” Ngunit kumusta naman si Jesus? Sumulat si Pablo: “Siya . . . ay nagtataglay ng kaniyang pagkasaserdote nang walang sinumang kahalili. Dahil dito ay magagawa rin niyang iligtas nang lubusan yaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya ay laging nabubuhay upang makiusap para sa kanila.” (Hebreo 7:23-25; Roma 6:9) Oo, sa kanang kamay ng Diyos sa langit, mayroon tayong isang pangmadlang lingkod na ‘laging nabubuhay upang makiusap para sa atin.’ Isip-isipin na lamang kung ano ang kahulugan niyan para sa atin ngayon!
Noong nasa lupa si Jesus, dumagsa sa kaniya ang mga tao para magpatulong, at kung minsa’y naglalakbay sila nang napakalayo upang makahingi sa kaniya ng tulong. (Mateo 4:24, 25) Sa langit, si Jesus ay madaling malalapitan ng mga tao ng lahat ng bansa. Mula sa kaniyang kinatatayuan sa langit, lagi siyang malalapitan bilang pangmadlang lingkod.
Ano Bang Uri ng Mataas na Saserdote si Jesus?
Ang paglalarawan kay Jesu-Kristo na isinulat sa mga ulat ng Ebanghelyo ay walang-alinlangang nagsasabi sa atin tungkol sa kaniyang pagkamatulungin at magiliw na pagkamadamayin. Talagang siya’y mapagsakripisyo-sa-sarili! Hindi lamang miminsan na nagambala ang kaniyang pag-iisa nang siya at ang kaniyang mga alagad ay nagsisikap na magkaroon ng lubhang-kinakailangang pahinga. Sa halip na makadamang pinagkaitan sila ng mahahalagang panahon ng kapayapaan at katahimikan, “naantig siya sa pagkahabag” sa mga tao na humingi ng kaniyang tulong. Kahit na pagod, gutóm, at uhaw si Jesus, “tinanggap niya sila nang may kabaitan” at nakahanda siyang ipagpaliban ang pagkain matulungan lamang niya ang taimtim na mga makasalanan.—Marcos 6:31-34; Lucas 9:11-17; Juan 4:4-6, 31-34.
Palibhasa’y naantig sa pagkahabag, gumawa si Jesus ng praktikal na mga hakbang upang mapaglaanan ang pisikal, emosyonal, at espirituwal na pangangailangan ng mga tao. (Mateo 9:35-38; Marcos 6:35-44) Isa pa, tinuruan niya silang masumpungan ang namamalaging ginhawa at kaaliwan. (Juan 4:7-30, 39-42) Halimbawa, talagang kaakit-akit ang kaniyang personal na paanyaya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang pagpapanariwa ng inyong mga kaluluwa.”—Mateo 11:28, 29.
Napakalaki ng pag-ibig ni Jesus sa mga tao anupat nang dakong huli ay ibinigay niya ang kaniyang buhay para sa makasalanang sangkatauhan. (Roma 5:6-8) Hinggil dito, nangatuwiran si apostol Pablo: “Siya [ang Diyos na Jehova] na hindi nagkait maging ng kaniyang sariling Anak kundi ibinigay siya para sa ating lahat, bakit hindi niya may kabaitang ibibigay din sa atin ang lahat ng iba pang bagay kasama siya? . . . Si Kristo Jesus ang isa na namatay, oo, ang isa pa nga na ibinangon mula sa mga patay, na nasa kanang kamay ng Diyos, na nakikiusap din para sa atin.’—Roma 8:32-34.
Isang Mataas na Saserdote na Maaaring Makiramay
Bilang tao, naranasan ni Jesus ang gutom, uhaw, pagod, dalamhati, kirot, at kamatayan. Ang mga kaigtingan at panggigipit na binata niya ay naghanda sa kaniya sa isang lubhang kakaibang paraan upang maglingkod bilang Mataas na Saserdote para sa nagdurusang sangkatauhan. Sumulat si Pablo: “Naging obligado [si Jesus na] maging tulad ng kaniyang ‘mga kapatid’ sa lahat ng bagay, upang siya ay maging isang mataas na saserdote na maawain at tapat sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos, upang maghandog ng pampalubag-loob na hain para sa mga kasalanan ng mga tao. Sapagkat yamang siya mismo ay nagdusa nang inilalagay sa pagsubok, magagawa niyang sumaklolo doon sa mga inilalagay sa pagsubok.”—Hebreo 2:17, 18; 13:8.
Ipinakita ni Jesus na siya ay kuwalipikado at handang tumulong upang higit na mapalapit ang mga tao sa Diyos. Gayunman, nangangahulugan ba ito na kailangan niyang hikayatin ang isang malupit at walang-awang Diyos na bantulot magpatawad? Tunay na hindi, sapagkat tinitiyak sa atin ng Bibliya na si “Jehova ay mabuti at handang magpatawad.” Sinasabi pa nito: “Kung ipahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at matuwid upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kalikuan.” (Awit 86:5; 1 Juan 1:9) Sa katunayan, ang magiliw na mga salita at mga gawa ni Jesus ay nagpapamalas sa mismong pagkamadamayin, awa, at pag-ibig ng kaniyang Ama.—Juan 5:19; 8:28; 14:9, 10.
Paano napagiginhawa ni Jesus ang mga nagsisising makasalanan? Sa pamamagitan ng pagtulong Hebreo 4:14-16.
sa kanila na makasumpong ng kagalakan at kasiyahan sa kanilang taimtim na mga pagsisikap na mapalugdan ang Diyos. Sa pagsulat sa kaniyang kapuwa pinahirang mga Kristiyano, binuod ni Pablo ang kalagayan sa pagsasabing: “Samakatuwid, yamang tayo ay may isang dakilang mataas na saserdote na pumasok sa mga langit, si Jesus na Anak ng Diyos, manghawakan tayo sa ating pagpapahayag tungkol sa kaniya. Sapagkat taglay natin bilang mataas na saserdote, hindi ang isa na hindi magawang makiramay sa ating mga kahinaan, kundi ang isa na subók na sa lahat ng mga bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan. Samakatuwid, lumapit tayo nang may kalayaan sa pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan, upang makapagtamo tayo ng awa at makasumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.”—“Tulong sa Tamang Panahon”
Gayunman, ano ang magagawa natin kapag napaharap tayo sa mga suliranin na sa pakiwari nati’y mas malaki kaysa sa makakaya natin—malubhang karamdaman, ang nakagugupong pabigat ng pagkadama ng kasalanan, matinding pagkasira ng loob, at panlulumo? Maaari nating gamitin ang mismong paglalaan na madalas asahan ni Jesus—ang napakahalagang pribilehiyo ng panalangin. Halimbawa, noong gabi bago niya ipagkaloob ang kaniyang buhay para sa atin, “nagpatuloy siya sa pananalangin nang lalong marubdob; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa.” (Lucas 22:44) Oo, alam ni Jesus kung ano ang pakiramdam ng manalangin sa Diyos taglay ang matinding damdamin. “Naghandog [siya] ng mga pagsusumamo at ng mga pakiusap din sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya mula sa kamatayan, na may malalakas na paghiyaw at mga luha, at pinakinggan siya nang may pagsang-ayon dahil sa kaniyang maka-Diyos na takot.”—Hebreo 5:7.
Alam ni Jesus kung gaano kahalaga sa mga tao na ‘mapakinggan nang may pagsang-ayon’ at mapalakas. (Lucas 22:43) Karagdagan pa, nangako siya: “Kung hihingi kayo sa Ama ng anumang bagay ay ibibigay niya ito sa inyo sa pangalan ko. . . . Humingi kayo at kayo ay tatanggap, upang ang inyong kagalakan ay malubos.” (Juan 16:23, 24) Kaya, makapamamanhik tayo sa Diyos taglay ang pagtitiwala na pahihintulutan niya ang kaniyang Anak na gamitin ang kaniyang awtoridad at ang halaga ng kaniyang haing pantubos alang-alang sa atin.—Mateo 28:18.
Makatitiyak tayo na sa kaniyang makalangit na tungkulin, maglalaan si Jesus ng tamang uri ng tulong sa tamang panahon. Halimbawa, kung nakagawa tayo ng kasalanan na taimtim nating pinagsisisihan, makapagtatamo tayo ng kaaliwan mula sa katiyakan na “tayo ay may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid.” (1 Juan 2:1, 2) Ang ating Katulong at Mang-aaliw sa langit ay mamamanhik para sa atin upang masagot ang ating mga panalangin sa kaniyang pangalan na kasuwato ng Kasulatan.—Juan 14:13, 14; 1 Juan 5:14, 15.
Pagpapakita ng Pagpapahalaga sa Tulong ni Kristo
Higit pa ang nasasangkot kaysa pamamanhik sa Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Dahil sa halaga ng kaniyang haing pantubos, ‘sa pamamagitan ng pagbili, si Kristo’ ay naging, wika nga, ang “may-ari na bumili” sa lahi ng tao. (Galacia 3:13; 4:5; 2 Pedro 2:1) Maipakikita natin ang ating pasasalamat sa lahat ng nagawa ni Kristo para sa atin sa pamamagitan ng pagkilala sa pagmamay-ari niya sa atin at sa malugod na pagtugon sa kaniyang paanyaya: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos sa araw-araw at sundan ako nang patuluyan.” (Lucas 9:23) Ang ‘pagtatatwa sa sarili’ ay hindi lamang basta pagsasabi na iba na ang nagmamay-ari sa atin. Tutal, si Kristo ay ‘namatay para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang mga sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila.’ (2 Corinto 5:14, 15) Kung gayon, ang pagpapahalaga sa pantubos ay magkakaroon ng malalim na epekto sa ating pangmalas, mga tunguhin, at istilo-ng-pamumuhay. Ang ating walang-hanggang pagkakautang kay “Kristo Jesus, na nagbigay ng kaniyang sarili para sa atin,” ay dapat na gumanyak sa atin na mag-aral ng higit pa tungkol sa kaniya at sa kaniyang maibiging Ama, ang Diyos na Jehova. Nanaisin din natin na lumago sa pananampalataya, mamuhay nang ayon sa kapaki-pakinabang na mga pamantayan ng Diyos, at maging “masigasig sa maiinam na gawa.”—Tito 2:13, 14; Juan 17:3.
Ang kongregasyong Kristiyano ang siyang kasangkapan upang matamo natin ang napapanahong espirituwal na pagkain, pampatibay, at patnubay. (Mateo 24:45-47; Hebreo 10:21-25) Halimbawa, kung ang sinuman ay may sakit sa espirituwal, maaari nilang ‘tawagin ang mga nakatatandang lalaki [hinirang na matatanda] ng kongregasyon.” Idinaragdag pa ni Santiago ang katiyakan: “At ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam, at ibabangon siya ni Jehova. Gayundin, kung nakagawa siya ng mga kasalanan, ito ay ipatatawad sa kaniya.”—Santiago 5:13-15.
Upang ilarawan: Isang lalaki na nabilanggo sa Timog Aprika ang sumulat sa isang matanda sa kongregasyon anupat ipinahahayag ang pagpapahalaga
para sa “lahat ng Saksi ni Jehova na nagsasagawa ng mabuting gawain na pinasimulan ni Jesu-Kristo hinggil sa pagtulong sa mga tao na magsikap patungo sa Kaharian ng Diyos.” Pagkatapos ay sumulat siya: “Ako’y lubhang nagalak na matanggap ang iyong liham. Lubos akong naantig ng inyong pagmamalasakit para sa aking pagkatubos sa espirituwal. Higit pang dahilan ito upang magsimula akong makinig sa tawag ng Diyos na Jehova para sa pagsisisi. Sa loob ng 27 taon ay nagkatisud-tisod ako at nagkaligaw-ligaw ng landas sa kadiliman ng kasalanan, panlilinlang, bawal na mga relasyon, imoral na mga gawain, at kahina-hinalang mga relihiyon. Pagkatapos kong makilala ang mga Saksi ni Jehova, nadama kong nasumpungan ko na sa wakas ang landas—ang tamang landas! Ang tanging dapat kong gawin ay sundin ito.”Higit Pang Tulong sa Malapit na Hinaharap
Ang lumulubhang mga kalagayan sa daigdig ay maliwanag na patotoo na nabubuhay tayo sa napakahalagang yugto ng panahon bago ang pagsiklab ng “malaking kapighatian.” Sa ngayon, isang malaking pulutong mula sa lahat ng mga bansa, tribo, bayan, at mga wika ang ‘naglalaba ng kanilang mahahabang damit at pinapuputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.’ (Apocalipsis 7:9, 13, 14; 2 Timoteo 3:1-5) Sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus, tumatanggap sila ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan at tinutulungan na magkaroon ng malapit na kaugnayan sa Diyos—sa katunayan, nagiging mga kaibigan niya.—Santiago 2:23.
Ang Kordero, si Jesu-Kristo, “ay magpapastol sa [mga makaliligtas sa malaking kapighatian] at aakay sa kanila sa mga bukal ng mga tubig ng buhay. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” (Apocalipsis 7:17) Saka isasakatuparan ni Kristo ang kaniyang mga tungkulin bilang Mataas na Saserdote hangang sa katapusan nito. Kaniyang tutulungan ang lahat ng mga kaibigan ng Diyos na lubusang makinabang mula sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay”—sa espirituwal, pisikal, mental, at emosyonal na paraan. Ang pinasimulan ni Jesus noong 33 C.E. at ang kaniyang ipinagpatuloy sa langit magmula noon ay maisasagawa na nang lubusan.
Kaya, huwag sumuko kailanman sa pagpapamalas ng pagpapahalaga sa lahat ng nagawa na—at ginagawa pa—ng Diyos at ni Kristo para sa atin. Si apostol Pablo ay humimok: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon. . . . Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:4, 6, 7.
May isang mahalagang paraan upang ipakita ang iyong pagpapahalaga kay Jesu-Kristo, ang ating Katulong sa langit. Paglubog ng araw sa Miyerkules, Abril 19, 2000, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay magtitipon upang ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. (Lucas 22:19) Ito’y isang pagkakataon upang palalimin ang iyong pagpapahalaga sa haing pantubos ni Kristo. Ikaw ay malugod na inaanyayahang dumalo at makinig kung paano ka makikinabang nang walang-hanggan sa kamangha-manghang kaayusan ng Diyos para sa kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo. Pakisuyong makipag-alam sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar para sa eksaktong oras at dako ng pantanging pulong na ito.
[Larawan sa pahina 7]
Alam ni Jesus kung ano ang pakiramdam ng manalangin sa Diyos taglay ang matinding damdamin
[Mga larawan sa pahina 8]
Tutulungan tayo ni Kristo na mapagtagumpayan ang mga suliranin na mas malaki kaysa sa kaya nating lutasing mag-isa
[Larawan sa pahina 9]
Tinutulungan tayo ni Kristo sa pamamagitan ng maibiging matatanda