Kahinhinan—Isang Katangian na Nagtataguyod ng Kapayapaan
Kahinhinan—Isang Katangian na Nagtataguyod ng Kapayapaan
Tunay na magiging kasiya-siya ang daigdig kung ang lahat ay nagpapamalas ng kahinhinan. Ang mga tao ay magiging hindi gaanong mapaghanap, ang mga miyembro ng pamilya ay hindi gaanong palaaway, ang mga korporasyon ay hindi gaanong makikipagpaligsahan, at ang mga bansa ay hindi gaanong makikipagdigma. Nais mo bang mabuhay sa gayong sanlibutan?
NAGHAHANDA na ang tunay na mga lingkod ng Diyos na Jehova para sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan, kung saan ang kahinhinan ay kikilalanin ng lahat, hindi bilang isang kahinaan, kundi bilang kalakasan at kagalingan. (2 Pedro 3:13) Sa katunayan, ngayon pa lamang ay nililinang na nila ang katangian ng kahinhinan. Bakit? Lalo na dahil sa ito ang hinihiling ni Jehova sa kanila. Sumulat ang kaniyang propeta na si Mikas: “Sinabi niya sa iyo, O makalupang tao, kung ano ang mabuti. At ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?”—Mikas 6:8.
Iba’t iba ang maaaring maging kahulugan ng kahinhinan, tulad ng pagiging di-hambog, o di-mahangin, at pag-aatubiling magyabang sa mga kakayahan, mga pambihirang nagawa, at mga tinatangkilik ng isa. Ayon sa isang
akdang reperensiya, ang kahinhinan ay nangangahulugan din ng “pananatili sa hangganan.” Ang isang taong mahinhin ay nananatili sa hangganan ng mabuting paggawi. Kinikilala rin niya na may mga limitasyon sa dapat niyang gawin at sa kaya niyang gawin. Alam niya na may mga bagay na hindi nararapat sa kaniya. Tiyak na naaakit tayo sa mga taong mahinhin. “Wala nang mas magiliw pa kaysa tunay na kahinhinan,” ang isinulat ng makatang Ingles na si Joseph Addison.Ang kahinhinan ay hindi likas na katangian ng di-sakdal na mga tao. Kailangan nating magsikap upang malinang ang katangiang ito. Bilang pampatibay sa atin, inilalarawan ng Salita ng Diyos ang ilang mga pangyayari na naglalarawan sa kahinhinan sa iba’t ibang anyo nito.
Dalawang Mahinhing Hari
Si David ay isa sa mga pinakatapat na lingkod ni Jehova, na isang kabataang lalaki noong pahiran siya bilang panghinaharap na hari ng Israel. Pagkatapos nito, matinding ginipit si David ng namamahalang si Haring Saul sa pamamagitan ng pagtatangkang patayin siya at pagpilit sa kaniya na mamuhay na tulad ng isang takas.—1 Samuel 16:1, 11-13; 19:9, 10; 26:2, 3.
Maging sa ilalim ng gayong mga kalagayan, kinilala ni David na may mga limitasyon sa maaari niyang gawin kapag ipinagsasanggalang ang kaniyang buhay. Sa isang pagkakataon sa iláng, hindi pinahintulutan ni David si Abisai na saktan ang natutulog na si Haring Saul, sa pagsasabing: “Malayong mangyari, sa ganang akin, mula sa pangmalas ni Jehova, na iunat ang aking kamay laban sa pinahiran ni Jehova!” (1 Samuel 26:8-11) Alam ni David na wala siyang karapatang alisin si Saul sa pagiging hari. Kaya nagpakita si David ng kahinhinan sa pagkakataong ito sa pamamagitan ng pananatili sa hangganan ng wastong paggawi. Sa katulad na paraan, alam ng kasalukuyang-panahong mga lingkod ng Diyos na “mula sa pangmalas ni Jehova,” may mga bagay na hindi talaga nila magagawa, kahit nakataya pa ang kanilang buhay.—Gawa 15:28, 29; 21:25.
Ang anak ni Haring David na si Solomon ay nagpakita rin ng kahinhinan bilang isang kabataang lalaki, bagaman sa isang medyo naiibang paraan. Nang mailuklok si Solomon sa trono, nadama niyang hindi sapat ang kaniyang kakayahan upang balikatin ang mabigat na tungkulin ng hari. Nanalangin siya: “Jehova na aking Diyos, ikaw ang gumawang hari sa iyong lingkod bilang kahalili ni David na aking ama, at ako ay isang maliit na batang lalaki lamang. Hindi ko alam kung paanong lumabas at kung paanong pumasok.” Maliwanag, batid ni Solomon ang kaniyang sariling kakulangan sa kakayahan at karanasan. Siya kung gayon ay mahinhin, hindi kakikitaan ng kahambugan, o pagiging mahangin. Humiling si Solomon kay Jehova ng kaunawaan, at pinagbigyan ang kaniyang kahilingan.—1 Hari 3:4-12.
Ang Mesiyas at ang Kaniyang Tagapanguna
Mahigit na 1,000 taon makalipas ang kaarawan ni Solomon, isinagawa ni Juan na Tagapagbautismo ang paghahanda ng daan para sa Mesiyas. Bilang tagapanguna ng Pinahirang Isa, tinutupad ni Juan ang hula ng Bibliya. Maipagyayabang sana niya ang kaniyang pribilehiyo. Maipagpaparangalan din sana ni Juan ang kaniyang sarili dahil siya ay kamag-anak ng Mesiyas. Ngunit sinabi ni Juan sa iba na siya ay hindi karapat-dapat na magkalag man lamang sa sandalyas ni Jesus. At nang iharap ni Jesus ang kaniyang sarili para sa bautismo sa Ilog Jordan, sinabi ni Juan: “Ako ang siyang nangangailangang mabautismuhan mo, at ikaw pa ba ang pumaparito sa akin?” Nagpapahiwatig ito na si Juan ay hindi isang mayabang na tao. Siya ay mahinhin.—Mateo 3:14; Malakias 4:5, 6; Lucas 1:13-17; Juan 1:26, 27.
Pagkatapos mabautismuhan si Jesus, sinimulan niya ang buong-panahong ministeryo, na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Bagaman isang sakdal na tao si Jesus, sinabi niya: “Hindi ako makagagawa ng kahit isang bagay sa aking sariling pagkukusa . . . hinahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” Isa pa, hindi naghangad si Jesus ng karangalan mula sa mga tao, kundi iniukol niya kay Jehova ang kaluwalhatian sa lahat ng ginawa niya. (Juan 5:30, 41-44) Tunay na kahinhinan nga!
Maliwanag, kung gayon, ang mga lingkod ni Jehova—tulad nina David, Solomon, Juan na Tagapagbautismo, at maging ang sakdal na taong si Jesu-Kristo—ay nagpamalas ng kahinhinan. Hindi sila nagyabang, hindi mahangin, o hambog, at nanatili sila sa angkop na mga hangganan. Ang kanilang mga halimbawa ay sapat nang dahilan para sa makabagong panahong mga lingkod ni Jehova upang linangin at ipakita ang kahinhinan. Gayunman, may iba pang mga dahilan sa paggawa nito.
Sa magulong yugtong ito ng kasaysayan ng sangkatauhan, ang kahinhinan ay isang katangian na lubhang mahalaga sa mga tunay na Kristiyano. Ito ang tumutulong sa isa na magkaroon ng kapayapaan
sa Diyos na Jehova, sa mga kapuwa tao, at sa kaniyang sarili mismo.Kapayapaan sa Diyos na Jehova
Ang kapayapaan kay Jehova ay posible lamang kung mananatili tayo sa hangganan na itinalaga niya para sa tunay na pagsamba. Ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, ay lumampas sa mga hangganang itinakda ng Diyos, at sila ang unang mga tao na naging biktima ng di-kahinhinan. Naiwala nila ang kanilang mabuting katayuan kay Jehova, gayundin ang kanilang tahanan, ang kanilang hinaharap, at ang kanilang buhay. (Genesis 3:1-5, 16-19) Anong laking halaga ang kanilang ibinayad!
Matuto tayo mula sa kabiguan nina Adan at Eva, sapagkat ang tunay na pagsamba ay naglalagay ng mga limitasyon sa kung paano tayo dapat kumilos. Halimbawa, binabanggit ng Bibliya na “hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) May katalinuhang inilagay ni Jehova ang mga limitasyong ito para sa ating kabutihan, at nagpapakita tayo ng karunungan sa pamamagitan ng pananatili sa mga hangganang ito. (Isaias 48:17, 18) Sinasabi ng Kawikaan 11:2 sa atin: “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin.”
Paano kung ang isang relihiyosong organisasyon ay nagsasabi sa atin na maaari nating ipagwalang-bahala ang mga limitasyong ito at makapagtamasa pa rin ng kapayapaan sa Diyos? Sinisikap tayong iligaw ng organisasyong iyan. Sa kabilang dako, tinutulungan tayo ng kahinhinan na linangin ang isang malapit na kaugnayan sa Diyos na Jehova.
Kapayapaan sa mga Kapuwa Tao
Ang kahinhinan ay nagtataguyod din ng mapayapang kaugnayan sa iba. Halimbawa, kapag nagpakita ng huwaran ang mga magulang sa pagiging kontento sa kanilang mga pangangailangan at sa pag-una sa espirituwal na mga bagay, mas malamang na tularan ng kanilang mga anak ang gayunding saloobin. Sa gayon ay magiging mas madali para sa mga bata na maging kontento, kahit na hindi nila laging nakukuha kung ano ang gusto nila. Ito ang tutulong sa kanila na mamuhay nang may kahinhinan, at ang buhay pampamilya ay magiging higit na mapayapa.
Yaong may mga pinangangasiwaan ay kailangang magpakita ng higit na pag-iingat na maging mahinhin at huwag abusuhin ang kanilang awtoridad. Halimbawa, tinagubilinan ang mga Kristiyano: “Huwag ninyong higitan ang mga bagay na nasusulat.” (1 Corinto 4:6) Natatanto ng matatanda sa kongregasyon na hindi nila dapat tangkaing ipilit sa iba ang kanilang sariling mga kagustuhan. Sa halip, ginagamit nila ang Salita ng Diyos bilang saligan sa paghikayat na gawin ang tamang landasin sa mga bagay tungkol sa paggawi, pananamit, pag-aayos, o paglilibang. (2 Timoteo 3:14-17) Kapag napansin ng mga miyembro ng kongregasyon na nananatili ang matatanda sa maka-Kasulatang mga hangganan, nagtataguyod ito ng paggalang sa mga lalaking ito at nag-aabuloy sa pagkakaroon ng mainit, maibigin, at mapayapang espiritu sa kongregasyon.
Kapayapaan sa Sarili Mismo
Yaong mga nagsasagawa ng kahinhinan ay nagtatamo ng panloob na kapayapaan. Ang taong mahinhin ay hindi napakaambisyoso. Hindi naman ibig sabihin na wala siyang personal na mga tunguhin. Halimbawa, maaari siyang maghangad ng karagdagang mga pribilehiyo sa paglilingkod, ngunit naghihintay siya sa Diyos, at anumang Kristiyanong pribilehiyo na kaniyang tanggapin ay ipinalalagay niyang galing kay Jehova. Hindi minamalas ang mga ito bilang personal na mga tagumpay. Ito ang nagpapalapit sa isa na mahinhin kay Jehova, “ang Diyos ng kapayapaan.”—Filipos 4:9.
Ipagpalagay nang kung minsan ay nadarama nating nakaligtaan tayo ng ibang mga tao. Hindi ba mas mabuti na ang makaligtaan dahil tayo ay mahinhin kaysa walang kahinhinang ituon natin ang pansin sa ating sarili? Hindi nalilipos ng ambisyon ang mga taong mahinhin. Kaya, sila ay may kapayapaan sa kanilang sarili, na kapaki-pakinabang sa emosyonal at pisikal na kapakanan.
Paglinang at Pagpapanatili ng Kahinhinan
Napadaig sina Adan at Eva sa di-kahinhinan—isang katangian na ipinamana nila sa kanilang mga anak. Ano ang makatutulong sa atin na maiwasang maulit ang gayunding pagkakamali na gaya ng ating unang mga magulang? Paano natin malilinang ang mainam na katangian ng kahinhinan?
Una, ang tumpak na pagkaunawa sa ating katayuan may kaugnayan kay Jehova, ang Maylalang ng sansinukob, ay makatutulong sa atin. Anong personal na mga tagumpay ang maaangkin natin na maihahambing kailanman sa mga nagawa na ng Diyos? Tinanong ni Jehova ang kaniyang tapat na lingkod na si Job: “Nasaan ka nang itatag ko ang lupa? Sabihin mo sa akin, kung alam mo ang pagkaunawa.” (Job 38:4) Walang maisagot si Job. Hindi ba’t tayo’y limitado rin sa kaalaman, kakayahan, at karanasan? Hindi ba’t makabubuti para sa atin na kilalanin ang ating mga limitasyon?
Isa pa, sinasabi sa atin ng Bibliya: “Kay Jehova ang lupa at lahat ng naririto, ang mabungang lupain at ang mga tumatahan dito.” Kabilang dito ang “bawat mailap na hayop sa kagubatan . . . , ang mga hayop sa ibabaw ng isang libong bundok.” Masasabi ni Jehova: “Ang pilak ay akin, at ang ginto ay akin.” (Awit 24:1; 50:10; Hagai 2:8) Anong mga tinatangkilik ang maipakikita natin na maihahambing sa mga taglay ni Jehova? Aba, kahit na ang pinakamayamang tao ay walang dahilan upang ipagyabang ang kaniyang mga tinatangkilik! Kung gayon, matalinong sundin ang kinasihang payo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: “Sapagkat sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan na ibinigay sa akin ay sinasabi ko sa bawat isa sa inyo na huwag mag-isip nang higit sa kaniyang sarili kaysa nararapat isipin.”—Roma 12:3.
Bilang mga lingkod ng Diyos na nagnanais na linangin ang kahinhinan, dapat nating ipanalangin ang mga bunga ng espiritu—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili. (Lucas 11:13; Galacia 5:22, 23) Bakit? Sapagkat ang bawat isa sa mga katangiang ito ay magpapaging madali para sa atin na maging mahinhin. Halimbawa, ang pag-ibig sa mga kapuwa tao ay tutulong sa atin na paglabanan ang hilig na maging mayabang o hambog. At patitigilin muna tayo at pag-iisipin ng pagpipigil-sa-sarili bago kumilos nang walang kahinhinan.
Mag-ingat tayo! Kailangan nating laging magbantay laban sa mga patibong ng kawalang-kahinhinan. Ang dalawa sa mga hari na nabanggit kanina ay hindi naging mahinhin sa bawat pagkakataon. Naging padalus-dalos si Haring David sa pagsasagawa ng sensus sa Israel, isang bagay na laban sa kalooban ni Jehova. Si Haring Solomon ay naging di-mahinhin hanggang sa punto pa nga ng pakikibahagi sa huwad na pagsamba.—2 Samuel 24:1-10; 1 Hari 11:1-13.
Hanggang nananatili ang walang diyos na sistemang ito ng mga bagay, ang pagiging mahinhin ay humihiling ng palagiang pagbabantay. Gayunman, sulit ang pagsisikap. Sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang lipunan ng tao ay bubuuin lamang niyaong mga mahinhin. Kanilang ituturing ang kahinhinan bilang isang kalakasan, hindi isang kahinaan. Tunay na magiging kahanga-hanga kapag ang lahat ng tao at mga pamilya ay pinagpala ng kapayapaan na nagmumula sa kahinhinan!
[Larawan sa pahina 23]
May kahinhinang iniukol ni Jesus kay Jehova ang papuri sa lahat ng ginawa niya