Pagtulong sa Lahat ng Uri ng mga Tao sa Netherlands
Pagtulong sa Lahat ng Uri ng mga Tao sa Netherlands
SI Abraham ay isang tao na may di-pangkaraniwang pananampalataya. “Nang tawagin siya,” ang sabi ni apostol Pablo, si Abraham ay sumunod sa tinig ng Diyos at ‘umalis, bagaman hindi nalalaman kung saan siya paroroon.’ Pagkatapos na ilipat ang kaniyang buong pamilya, “nanirahan [si Abraham] bilang isang dayuhan sa lupain ng pangako” sa loob ng natitirang sandaang taon ng kaniyang buhay.—Hebreo 11:8, 9.
Gayundin sa ngayon, marami sa mga Saksi ni Jehova ang tumanggap sa hamon ng paglipat sa ibang bansa upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ang iba ay nag-aral ng ibang wika upang makapagpatotoo sa mga banyaga na nandayuhan sa kanilang bansa. Gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga halimbawa, ang mainam na espiritung ito ay nagbukas ng “isang malaking pintuan na umaakay sa gawain” sa Netherlands, kung saan isang milyon ng 15 milyong mamamayan ay mula sa ibang lupain.—1 Corinto 16:9.
◻ Si Bahram, dating instruktor sa Kung Fu, ay galing sa isang bansa sa Gitnang Silangan. Kumuha siya ng isang kopya ng Bibliya at ilang publikasyon ng Watch Tower. Sa loob ng isang buwan, natanto ni Bahram na nasumpungan na niya ang katotohanan. Isang pag-aaral ang pinasimulan sa kanilang mag-asawa, ngunit may problema—ang kanilang guro sa Bibliya ay hindi nakapagsasalita ng kanilang wika. Sila ay nag-usap sa pamamagitan ng mga senyas, nagsasalita “sa pamamagitan ng mga kamay at paa,” gaya ng nagugunita nila. Nang maglaon, nakasumpong si Bahram at ang kaniyang asawa ng isang kongregasyon na doo’y sinasalita ang kanilang katutubong wika, at mula noon ay bumilis ang kanilang pagsulong. Si Bahram ay isa na ngayong bautisadong Saksi.
◻ Isang mag-asawang payunir na Olandes ang lumapit sa isang lalaking taga-Indonesia na nakatayo sa harapan ng isang supermarket. Siya ay nagulat at natuwa nang ang mag-asawa ay nakipag-usap sa kaniya sa sariling wika niya. Pagkatapos ay gumawa ng kaayusan upang dalawin siya sa kaniyang tahanan. Nalaman na nanirahan siya sa Russia sa loob ng mahigit na 20 taon, at sa loob ng panahong iyon ay naging isa siyang gynecologist. Sinabi niya na siya ay isang ateista, ngunit inamin niya na sa tuwing siya’y nagpapaanak ng sanggol, hindi niya maiwasang hindi mamangha, “Talagang sakdal ang katawan ng tao! Tunay na isang himala!” Pumayag siyang mag-aral ng Bibliya at di-nagtagal ay nakumbinsi siya na may isang Maylalang na nagmamalasakit sa sangkatauhan. (1 Pedro 5:6, 7) Siya ay isa na ngayong bautisadong kapatid na lalaki at naglilingkod sa kongregasyong nagsasalita ng Indonesiano sa Amsterdam.
◻ Sa Rotterdam, isa sa pinakamalaking daungan ng barko sa daigdig, isang grupo ng mga payunir ang naging bihasa sa pangangaral sa mga grupong may iba’t ibang wika na dumadaong doon araw-araw. Bunga ng gawain ng masiglang grupong ito ng mga mangangaral, may ilang marino, kasali na ang isang kapitan, isang opisyal ng marina, at isang dating pansariling guwardiya, ang tumanggap ng katotohanan. Ngayon sila rin ay tumutulong sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong daigdig.—Mateo 24:14.
Tulad sa ibang bahagi ng lupa, ang mga Saksi ni Jehova sa Netherlands ay determinadong ganapin ang kanilang bahagi sa paghahayag ng walang-hanggang mabuting balita sa bawat bansa, tribo, wika, at mga tao.—Apocalipsis 14:6.