Matalinong Payo ng Isang Ina
Matalinong Payo ng Isang Ina
“Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina.”—Kawikaan 1:8.
ANG ating mga magulang—ang ating ama at ina—ay mahalagang pinagmumulan ng pampatibay-loob, suporta, at payo. Sinasabi ng aklat ng Kawikaan sa Bibliya ang tungkol sa isang batang hari, si Lemuel, na tumanggap ng “mabigat na mensahe” ng “pagtutuwid” mula sa kaniyang ina. Ang mga salitang ito ay nakaulat sa Kawikaan kabanatang 31, at tayo man ay makikinabang mula sa matalinong payo ng inang ito.—Kawikaan 31:1.
Angkop na Payo Para sa Isang Hari
Ang ina ni Lemuel ay nagsimula sa pamamagitan ng ilang katanungan na nagpapasidhi sa ating interes: “Ano ang sinasabi ko, O anak ko, at ano, O anak ng aking tiyan, at ano, O anak ng aking mga panata?” Ang kaniyang tatlong ulit na pakiusap ay nagpapakita ng kaniyang pagkabalisa na magbigay pansin ang kaniyang anak sa kaniyang mga sinasabi. (Kawikaan 31:2) Ang kaniyang pagkabahala sa espirituwal na kapakanan ng kaniyang anak ay nagbibigay ng mainam na halimbawa para sa mga magulang na Kristiyano sa ngayon.
Hinggil sa kapakanan ng kaniyang anak, ano pa ang higit na ikinababahala ng isang ina kundi ang maiingay na pagsasaya at mga labis na kahalayan sa sinasabing alak, mga babae at awit? Tuwirang tinukoy ng ina ni Lemuel ang punto: “Huwag mong ibigay ang iyong kalakasan sa mga babae.” Kaniyang inilarawan ang handalapak na paggawi na siyang “humahantong sa pagkalipol ng mga hari.”—Kawikaan 31:3.
Hindi dapat kaligtaan ang labis na pag-inom. “Hindi para sa mga hari, O Lemuel, hindi para sa mga hari ang uminom ng alak,” ang kaniyang babala. Paano makapagbibigay ang isang hari ng magaling at makatuwirang hatol at hindi “malimutan ang iniutos at pilipitin ang usapin ng sinuman sa mga anak ng kapighatian” kung lagi siyang lango?—Kawikaan 31:4-7.
Sa kabaligtaran, sa pananatiling malaya mula sa gayong mga bisyo, magagawa ng hari na ‘humatol nang matuwid at ipagtanggol ang usapin ng napipighati at ng dukha.’—Kawikaan 31:8, 9.
Bagaman ang mga kabataang Kristiyano ay hindi naman “mga hari” sa ngayon, ang matalinong payo ng ina ni Lemuel ay napapanahon din, baka mas napapanahon pa nga. Ang pag-abuso sa alkohol, paggamit ng tabako, at seksuwal na imoralidad ay palasak sa gitna ng mga kabataan sa ngayon, at mahalaga na ang mga kabataang Kristiyano ay magbigay pansin kapag ang kanilang mga magulang ay nagbigay sa kanila ng ‘mabibigat na mensahe.’
Isang May-Kakayahang Asawang Babae
Ang mga ina ay makatuwirang nababahala sa mga magiging asawa ng kani-kanilang mga anak na sumasapit na sa hustong gulang. Sumunod na ibinaling ng ina ni Lemuel ang kaniyang pansin sa mga katangian ng isang huwarang asawang babae. Walang alinlangan, ang isang kabataang lalaki ay makikinabang nang malaki sa pagsasaalang-alang sa pangmalas ng isang babae sa mahalagang bagay na ito.
Sa talatang 10, ang “isang asawang babae na may kakayahan” ay inihalintulad sa bihira at mahahalagang korales, na noong panahon ng Bibliya ay makukuha lamang sa pamamagitan ng malaki-laking pagsisikap. Sa katulad na paraan, ang paghahanap ng isang may-kakayahang asawang babae ay nangangailangan ng pagsisikap. Sa halip na may-kabalisahang magmadali sa pag-aasawa, makabubuti kung magbibigay ng sapat na panahon sa kaniyang sarili ang isang kabataang lalaki upang mamilì. Sa gayon, mas malamang na pahahalagahan niya nang higit ang kaniyang mahalagang nasumpungan.
Hinggil sa isang may-kakayahang asawang babae, sinabi kay Lemuel: “Sa kaniya ay naglalagak ng tiwala ang puso ng nagmamay-ari sa kaniya.” (Talatang 11) Sa ibang pananalita, hindi niya dapat ipilit na ang kaniyang asawang babae ay humingi sa kaniya ng pahintulot sa bawat bagay. Sabihin pa, dapat sumangguni sa isa’t isa ang mag-asawa bago gumawa ng malalaking desisyon, tulad niyaong nagsasangkot ng mamahaling mga pagbili o pagpapalaki sa kanilang mga anak. Ang komunikasyon sa mga bagay na ito ay mag-aabuloy sa isang malapit na buklod sa pagitan nila.
Sabihin pa, ang isang may-kakayahang asawang babae ay maraming gawain. Nakatala sa mga talatang 13 hanggang 27 ang payo at mga simulain na magagamit ng mga asawang babae sa anumang kapanahunan para sa kapakinabangan ng kani-kanilang mga pamilya. Halimbawa, dahil sa tumataas na halaga ng pananamit at mga muwebles, ang isang may-kakayahang asawang babae ay nag-aaral na maging sanay sa mga gawain at matipid upang ang kaniyang pamilya ay may sapat na maisusuot at maging presentable. (Talatang 13, 19, 21, 22) Upang makabawas sa bayarin sa pagkain ng pamilya, siya ay nagtatanim ng anumang maitatanim niya at maingat na namimilí.—Talatang 14, 16.
Maliwanag, hindi kinakain ng babaing ito “ang tinapay ng katamaran.” Siya ay masipag na gumagawa, at mahusay niyang isinasaayos ang kaniyang mga gawaing-bahay. (Talatang 27) Binibigkisan niya “ng lakas ang kaniyang mga balakang,” na nangangahulugan na naghahanda siya upang gumawa ng mabibigat na gawain. (Talatang 17) Bumabangon siya bago sumikat ang araw upang pasimulan ang kaniyang maghapong pagtatrabaho, at may kasipagan siyang gumagawa hanggang sa gabi. Para bang ang kaniyang lampara na tumatanglaw sa kaniyang gawain ay laging nagniningas.—Talatang 15, 18.
Higit sa lahat, ang may-kakayahang asawang babae ay isang espirituwal na tao. Natatakot siya sa Diyos at sinasamba siya ng may matinding paggalang at mapitagang pagkasindak. (Talatang 30) Tinutulungan din niya ang kaniyang asawang lalaki sa pagsasanay ng kanilang mga anak na gawin din ang gayon. Ang talatang 26 ay nagsasabi: “Sa karunungan,” kaniyang tinuturuan ang kaniyang mga anak, at “ang kautusan ng maibiging-kabaitan ay nasa kaniyang dila.”
Isang May-Kakayahang Asawang Lalaki
Upang makabighani ng isang may-kakayahang asawang babae, kailangang magampanan ni Lemuel ang mga tungkulin ng isang may-kakayahang asawang lalaki. Pinaalalahanan si Lemuel ng kaniyang ina ng ilan sa mga ito.
Ang isang may-kakayahang asawang lalaki ay nakatatanggap ng mabuting ulat mula sa “matatandang lalaki ng lupain.” (Kawikaan 31:23) Nangangahulugan ito na siya ay isa na may-kakayahan, matapat, mapagkakatiwalaan, at may takot sa Diyos. (Exodo 18:21; Deuteronomio 16:18-20) Sa pagiging gayon, siya ay ‘makikilala sa mga pintuang-daan,’ kung saan nagtitipon ang mga prominenteng lalaki upang isagawa ang mahahalagang gawain ng lunsod. Upang maging “kilala” bilang isang tao na may takot sa Diyos, kailangan na siya ay maging makatuwiran at gumagawang kasuwato ng mga matatanda ng “lupain,” marahil ay nangangahulugan ng distrito o rehiyon.
Walang alinlangan na nagsasalita mula sa personal na karanasan, pinaalalahanan ng ina ni Lemuel ang kaniyang anak tungkol sa kahalagahan ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa kaniyang magiging asawang babae. Walang sinuman sa lupa ang higit pa niyang mamahalin. Kaya gunigunihin ang matinding emosyon sa kaniyang tinig nang magtapat siya sa harap ng lahat: “Maraming anak na babae na nagpapakita ng kakayahan, ngunit ikaw—ikaw ay nakahihigit sa kanilang lahat.”—Kawikaan 31:29.
Maliwanag na pinahalagahan ni Lemuel ang matalinong payo ng kaniyang ina. Halimbawa, mapapansin natin na sa talatang 1, tinukoy niya ang mga salita ng kaniyang ina na parang sa kaniya. Kaya naman, isinapuso niya ang kaniyang “pagtutuwid” at nakinabang sa kaniyang payo. Nawa’y makinabang din tayo mula sa “mabigat na mensahe” na ito sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain nito sa ating buhay.
[Mga larawan sa pahina 31]
Hindi kinakain ng isang may-kakayahang asawang babae “ang tinapay ng katamaran”