Hindi Magluluwat si Jehova
Hindi Magluluwat si Jehova
“Kung [ang pangitain] man ay magluwat, patuloy mong hintayin iyon; sapagkat iyon ay walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala.”—HABAKUK 2:3.
1. Anong determinasyon ang ipinakita ng bayan ni Jehova, at ano ang iniudyok nito na gawin nila?
“SA AKING bahay-tanod ay mananatili akong nakatayo.” Iyan ang naging pasiya ng propeta ng Diyos na si Habakuk. (Habakuk 2:1) Iyan din ang naging determinasyon ng bayan ni Jehova sa ika-20 siglo. Kaya naman, buong-sigasig silang tumugon sa panawagang ito na ipinahayag sa isang makasaysayang kombensiyon noong Setyembre 1922: “Ito ang araw ng lahat ng mga araw. Masdan, namamahala na ang Hari! Kayo ang kaniyang mga kinatawang tagapagbalita. Kung gayon ay ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.”
2. Nang mapasauli sa isang kalagayang punung-puno ng gawain pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ano ang maaari nang ipahayag ng pinahirang mga Kristiyano?
2 Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, isinauli ni Jehova ang tapat na pinahirang nalabi sa isang kalagayang punung-puno ng gawain. Gaya ni Habakuk, bawat isa sa kanila kung gayon ay makapagpapahayag: “Mananatili akong nakapuwesto sa balwarte; at ako ay magbabantay, upang tingnan kung ano ang sasalitain niya sa pamamagitan ko.” Ang mga salitang Hebreo para sa “magbantay” at “magtanod” ay inuulit sa maraming hula.
“Hindi Iyon Maaantala”
3. Bakit dapat tayong manatiling mapagbantay?
3 Habang ipinahahayag ng mga Saksi ni Jehova ang babala ng Diyos sa ngayon, sila’y dapat na maging laging alisto na makinig sa pangwakas na mga salita ng dakilang hula ni Jesus: “Manatili kayong mapagbantay, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa pagabí na o sa hatinggabi o sa pagtilaok ng manok o maaga sa kinaumagahan; upang kapag dumating siya nang bigla, kayo ay hindi niya masumpungang natutulog. Subalit ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Manatili kayong mapagbantay.” (Marcos 13:35-37) Gaya ni Habakuk, at bilang pagsunod sa mga salita ni Jesus, dapat tayong manatiling mapagbantay!
4. Paano nakakatulad ang ating kalagayan sa kalagayan ni Habakuk noong mga 628 B.C.E.?
4 Malamang ay natapos isulat ni Habakuk ang kaniyang aklat noong mga 628 B.C.E., bago pa man naging isang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig ang Babilonya. Sa loob ng maraming taon ay ipinarinig ang kahatulan ni Jehova sa apostatang Jerusalem. Gayunman, walang tiyak na pahiwatig kung kailan ilalapat ang kahatulang iyon. Sino ang makapaniniwalang mga 21 taon na lamang ang palilipasin at na ang Babilonya ang siyang magiging tagapuksa ni Jehova? Gayundin naman sa ngayon, hindi natin alam ‘ang araw at oras’ na itinakda para sa kawakasan ng sistemang ito, subalit patiunang nagbabala si Jesus sa atin: ‘Patunayan ninyo ang inyong mga sarili na handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.’—Mateo 24:36, 44.
5. Ano ang lalo nang nakapagpapatibay-loob sa mga salita ng Diyos na nakasaad sa Habakuk 2:2, 3?
5 May mabuting dahilan kung bakit ibinigay ni Jehova kay Habakuk ang nakapupukaw na atas na ito: “Isulat mo ang pangitain, at iukit mo nang malinaw sa mga tapyas, upang ang bumabasa nito nang malakas ay magawa iyon nang may katatasan. Sapagkat ang pangitain ay sa takdang panahon pa, at iyon ay patuloy na nagmamadali patungo sa kawakasan, at hindi iyon magsisinungaling. Kung iyon man ay magluwat, patuloy mong hintayin iyon; sapagkat iyon ay walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala.” (Habakuk 2:2, 3) Sa ngayon, palasak ang kabalakyutan at karahasan sa buong lupa, na nagpapahiwatig na tayo’y nakatayo na sa mismong bingit ng “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” (Joel 2:31) Tunay ngang nakapagpapatibay-loob ang sariling mga salita ni Jehova na tumitiyak: “Hindi iyon maaantala”!
6. Paano tayo makaliligtas sa dumarating na araw ng paglalapat ng kahatulan?
6 Kung gayon, paano kaya tayo makaliligtas sa dumarating na araw ng paglalapat ng kahatulan? Sumagot si Jehova sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagkakaiba ng matuwid at ng di-matuwid: “Narito! Ang kaniyang kaluluwa ay nagmamalaki; hindi iyon naging matapat sa loob niya. Ngunit kung tungkol sa matuwid, sa pamamagitan ng kaniyang katapatan ay mananatili siyang buháy.” (Habakuk 2:4) Dahil sa palalo at sakim na mga pinuno at mga bayan, ang mga pahina ng modernong kasaysayan ay namantsahan ng dugo ng milyun-milyong inosenteng biktima, lalo na noong dalawang digmaang pandaigdig at sa pagpapadanak ng dugo ng mga katutubo. Sa kabaligtaran naman, ang mga pinahirang lingkod ng Diyos na maibigin sa kapayapaan ay nakapagbata nang may katapatan. Sila “ang matuwid na bansa na nag-iingat ng tapat na paggawi.” Ang bansang ito, lakip ang mga kasamahan nito, ang “ibang mga tupa,” ay sumusunod sa payo: “Magtiwala kayo kay Jehova sa habang panahon, sapagkat nasa kay Jah Jehova ang Bato ng mga panahong walang takda.”—Isaias 26:2-4; Juan 10:16.
7. Kasuwato ng paggamit ni Pablo sa Habakuk 2:4, ano ang dapat nating gawin?
7 Noong sumusulat sa mga Kristiyanong Hebreo, sinipi ni apostol Pablo ang Habakuk 2:4 nang sabihan niya ang bayan ni Jehova: “Nangangailangan kayo ng pagbabata, upang, pagkatapos na magawa ninyo ang kalooban ng Diyos, ay matanggap ninyo ang katuparan ng pangako. Sapagkat ‘kaunting-kaunting panahon’ na lamang, at ‘siya na dumarating ay darating at hindi magluluwat.’ ‘Ngunit ang aking matuwid na isa ay mabubuhay dahil sa pananampalataya,’ at, ‘kung siya ay umurong, ang aking kaluluwa ay walang kaluguran sa kaniya.’ ” (Hebreo 10:36-38) Ang kaarawan natin ay hindi ang panahon upang magmakupad o masilo ng materyalistiko at baliw-sa-kalayawang mga landasin ng sanlibutan ni Satanas. Ano ang dapat nating gawin hanggang sa maubos ang “kaunting-kaunting panahon”? Gaya ni Pablo, tayo na kabilang sa banal na bansa ni Jehova ay dapat na ‘umaabot sa mga bagay na nasa unahan, na nagsusumikap patungo sa tunguhin’ na buhay na walang hanggan. (Filipos 3:13, 14) At gaya ni Jesus, tayo’y dapat na ‘magbata para sa kagalakang inilagay sa harapan natin.’—Hebreo 12:2.
8. Sino ang “lalaki” sa Habakuk 2:5, at bakit siya mabibigo?
8 Kabaligtaran ng mga lingkod ni Jehova ang inilalarawan ng Habakuk 2:5 na isang “matipunong lalaki” na nabigong makaabot sa kaniyang tunguhin, bagaman siya’y “nagpaluwang ng kaniyang kaluluwa na gaya ng Sheol.” Sino kaya ang lalaking ito na “hindi nasisiyahan”? Taglay ang kasakimang gaya ng sa Babilonya noong panahon ni Habakuk, ang kalipunang “lalaki[ng]” ito, na binubuo ng mga makapulitikang kapangyarihan—ito man ay Pasista, Nazi, Komunista, o kahit ang tinatawag na demokratiko—ay nakikipagdigma upang palawakin ang kaniyang lupain. Pinupunô rin niya ang Sheol, ang libingan, ng mga walang-salang kaluluwa. Subalit ang traidor na kalipunang “lalaki[ng]” ito ng sanlibutan ni Satanas, na lango sa kaniyang sariling pagmamapuri, ay nabibigong ‘tipunin sa kaniyang sarili ang lahat ng mga bansa at pisanin sa kaniyang sarili ang lahat ng mga bayan.’ Tanging ang Diyos na Jehova lamang ang may kakayahang pagkaisahin ang buong sangkatauhan, at maisasagawa niya ito sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian.—Mateo 6:9, 10.
Ang Una sa Limang Madudulang Kaabahan
9, 10. (a) Ano ang ipinahahayag ni Jehova sa pamamagitan ni Habakuk? (b) Hinggil sa di-matuwid na pakinabang, ano ang kalagayan sa ngayon?
9 Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Habakuk, nagpahayag si Jehova ng sunud-sunod na limang kaabahan, mga kahatulan na dapat isagawa bilang paghahanda sa lupa upang tahanan ng tapat na mga mananamba ng Diyos. Ang matuwid-pusong mga taong ito ay ‘nagbabangon ng kasabihan’ na inihaharap ni Jehova. Mababasa natin sa Habakuk 2:6: “Sa aba niya na nagpaparami ng hindi kaniya—O hanggang kailan!—at nagpapabigat ng utang laban sa kaniyang sarili!”
10 Ang idiniriin dito ay ang di-matuwid na pakinabang. Sa daigdig na nakapalibot sa atin, ang mayayaman ay lalong yumayaman, at ang mahihirap naman ay lalong naghihirap. Ang mga nagbebenta ng droga at mga manggagantso ay nagkakamal ng limpak-limpak na salapi, samantalang marami sa pangkaraniwang tao ay nagugutom. Sangkapat ng populasyon ng daigdig ang sinasabing mas mahirap pa sa daga. Nakapanlulumo ang kalagayan ng pamumuhay sa maraming bansa. Yaong mga naghahangad ng katuwiran sa lupa ay bumubulalas: “O hanggang kailan” patuloy na darami ang kabalakyutang ito! Ngunit, ang katapusan ay malapit na! Oo, ang pangitain ay ‘hindi maaantala.’
11. Ano ang sinasabi ni Habakuk hinggil sa pagbububo ng dugo ng tao, at bakit natin masasabing may napakalaking pagkakasala sa dugo sa lupa sa ngayon?
11 Ganito ang sabi ng propeta sa balakyot: “Dahil ikaw mismo ay nanamsam sa maraming bansa, sasamsaman ka ng lahat ng nalabi ng mga bayan, dahil sa pagbububo ng dugo ng mga tao at sa pandarahas sa lupa, ang bayan at lahat ng tumatahan doon.” (Habakuk 2:8) Kay rami ngang pagkakasala sa dugo ang nakikita natin sa lupa sa ngayon! Tahasang sinabi ni Jesus: “Ang lahat niyaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:52) Subalit, sa ika-20 siglo lamang na ito, ang mga bansa at mga katutubong grupo na may pagkakasala sa dugo ang may pananagutan sa pagpaslang sa mahigit na isandaang milyon katao. Sa aba niyaong mga nakikibahagi sa ganitong pagpapadanak ng dugo!
Ang Ikalawang Kaabahan
12. Ano ang ikalawang kaabahan na iniulat ni Habakuk, at paano tayo makatitiyak na walang mapapalang anuman sa di-matapat na kayamanan?
12 Ang ikalawang kaabahan, na nakaulat sa Habakuk 2:9-11, ay sumasapit sa ‘kaniya na nagtitipon ng masamang pakinabang para sa kaniyang sambahayan, upang mailagay ang kaniyang pugad sa mataas na dako, upang maligtas mula sa abot ng bagay na kapaha-pahamak!’ Walang mapapalang anuman sa di-matapat na pakinabang, gaya ng niliwanag ng salmista: “Huwag kang matakot kapag may taong nagtatamo ng kayamanan, kapag ang kaluwalhatian ng kaniyang bahay ay lumalago, sapagkat sa kaniyang kamatayan ay wala siyang madadalang anuman; ang kaniyang kaluwalhatian ay hindi bababang kasama niya.” (Awit 49:16, 17) Kung gayon, karapat-dapat na pansinin ang matalinong payo ni Pablo: “Magbigay ka ng utos doon sa mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na huwag maging mataas-ang-pag-iisip, at na ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay nang sagana para sa ating kasiyahan.”—1 Timoteo 6:17.
13. Bakit dapat nating patuloy na iparinig ang babala ng Diyos?
13 Tunay ngang napakahalaga na iparinig sa ngayon ang mga mensahe ng kahatulan ng Diyos! Nang tumutol ang mga Pariseo sa pagbubunyi ng karamihan kay Jesus bilang “ang Isa na dumarating bilang Hari sa pangalan ni Jehova,” sinabi niya: “Sinasabi ko sa inyo, Kung ang mga ito ay mananatiling tahimik, ang mga bato ang sisigaw.” (Lucas 19:38-40) Sa katulad na paraan, kung hindi ilalantad ng bayan ng Diyos sa ngayon ang kabalakyutang umiiral sa sanlibutang ito, “mula sa pader ay hihiyaw ang bato nang may paghihinagpis.” (Habakuk 2:11) Kaya buong-tapang nating ipagpatuloy na iparinig ang babala ng Diyos!
Ang Ikatlong Kaabahan at ang Isyu ng Pagkakasala sa Dugo
14. Ang mga relihiyon sa daigdig ay may pananagutan sa anong pagkakasala sa dugo?
14 Ang ikatlong kaabahan na ipinahayag sa pamamagitan ni Habakuk ay tumatalakay sa isyu ng pagkakasala sa dugo. Sinabi sa Habakuk 2:12: “Sa aba niya na nagtatayo ng lunsod sa pamamagitan ng pagbububo ng dugo, at matibay na nagtatag ng bayan sa pamamagitan ng kalikuan!” Sa sistemang ito ng mga bagay, ang kalikuan at pagbububo ng dugo ay madalas na magkasama. Kapansin-pansin, ang mga relihiyon sa daigdig ang may pananagutan sa pinakakarumal-dumal na pagpapadanak ng dugo sa kasaysayan. Banggitin na lamang natin ang mga Krusada, kung saan inilaban ang diumano’y mga Kristiyano sa mga Muslim; ang Inkisisyong Katoliko sa Espanya at Latin Amerika; ang Tatlumpung Taóng Digmaan sa Europa sa pagitan ng Protestante at Katoliko; at ang pinakamadugo sa lahat, ang dalawang digmaang pandaigdig ng ating siglo, na kapuwa nagsimula sa daigdig ng Sangkakristiyanuhan.
15. (a) Taglay ang suporta o pagsang-ayon ng simbahan, ano ang patuloy na ginagawa ng mga bansa? (b) Kaya bang wakasan ng Nagkakaisang mga Bansa ang pagsasakbat ng sanlibutang ito ng sandata?
15 Isa sa pinakabalakyot na pangyayari noong ikalawang digmaang pandaigdig ay ang Holocaust ng mga Nazi, na labis na nakaapekto sa buhay ng milyun-milyong Judio at iba pang mga walang kasalanan sa Europa. Kamakailan lamang inamin ng herarkiya ng Romano Katoliko sa Pransiya na hindi nito tinutulan ang pagpapadala ng daan-daang libong biktima sa mga silid bitayan ng Nazi. Magkagayunman, patuloy pa ring naghahanda ang mga bansa upang magbubo ng dugo, taglay ang suporta o pagsang-ayon ng simbahan. Bilang pagtukoy sa Simbahang Ruso Ortodokso, sinabi kamakailan ng magasing Time (internasyonal na edisyon): “Ang muling-pinasiglang simbahan ay mayroon ding malaking impluwensiya sa isang larangan na di sukat-akalain: ang puwersang militar ng Russia. . . . Halos nakagawian na ang pagbasbas sa mga eroplanong pandigma at mga kuwartel. Noong Nobyembre, sa Danilovsky Monastery sa Moscow, na siyang luklukan ng Rusong Patriyarka, inialay pa man din ng simbahan sa Diyos ang sandatang nuklear ng Russia.” Kaya bang pahintuin ng Nagkakaisang mga Bansa ang pagsasakbat ng sanlibutang ito ng makademonyong kasangkapang pandigma? Tiyak na hindi! Ayon sa pahayagang The Guardian ng London, Inglatera, ganito ang komento ng isang nagwagi ng Nobel Peace Prize: “Ang talagang nakababalisa ay na ang limang permanenteng miyembro ng UN Security Council ang siyang limang pangunahing tagasuplay ng mga sandata sa daigdig.”
16. Ano ang gagawin ni Jehova may kinalaman sa nagdidigmaang mga bansa?
16 Maglalapat ba si Jehova ng kahatulan sa nagdidigmaang mga bansa? Sabi sa Habakuk 2:13: “Narito! Hindi ba dahil kay Jehova ng mga hukbo kung kaya ang mga bayan ay magpapagal para lamang sa apoy, at kung kaya ang mga liping pambansa ay magpapakapagod na wala namang kabuluhan?” “Jehova ng mga hukbo”! Oo, si Jehova ay may mga hukbo ng anghel sa langit, na kaniyang gagamitin upang dalhin ang nagdidigmaang mga bayan at mga bansa tungo sa pagkawalang kabuluhan!
17. Hanggang saan mapupuno ang lupa ng kaalaman ni Jehova matapos mailapat ang kaniyang kahatulan sa mararahas na liping pambansa?
17 Ano ang kasunod ng paglalapat ni Jehova ng kahatulan sa mararahas na liping pambansang iyon? Ang Habakuk 2:14 ay sumasagot: “Ang lupa ay mapupuno ng kaalaman sa kaluwalhatian ni Jehova kung paanong ang tubig ay tumatakip sa dagat.” Pagkaganda-ganda ngang pag-asa ito! Sa Armagedon, ang soberanya ni Jehova ay ipagbabangong-puri magpakailanman. (Apocalipsis 16:16) Tinitiyak niya sa atin na kaniyang ‘luluwalhatiin ang mismong dako ng kaniyang mga paa,’ ang lupang ito na ating tinitirhan. (Isaias 60:13) Ang buong sangkatauhan ay tuturuan hinggil sa daan ng Diyos ukol sa buhay, sa gayo’y mapupuno ang lupa ng kaalaman hinggil sa maluwalhating layunin ni Jehova na gaya ng dagat na pumupuno sa mga lunas ng karagatan.
Ang Ikaapat at Ikalimang Kaabahan
18. Ano ang ikaapat na kaabahan na ipinahayag sa pamamagitan ni Habakuk, at paano iyon naaaninag sa kalagayan ng moral sa sanlibutan sa ngayon?
18 Ang ikaapat na kaabahan ay inilalarawan sa Habakuk 2:15 sa ganitong mga salita: “Sa aba niya na nagbibigay sa kaniyang mga kasamahan ng maiinom, na isinasama roon ang iyong pagngangalit at galit, upang lasingin sila, sa layuning masdan ang kanilang mga bahaging ikinahihiya.” Ipinahihiwatig nito ang napakasama at lisyang kalagayan ng modernong daigdig. Ang imoralidad nito, na sinusuportahan maging ng mga kunsintidor na mga lupon ng relihiyon, ay lalo pa ngayong lumala. Ang mga salot, gaya ng AIDS at iba pang mga sakit na naililipat sa pagtatalik, ay mabilis na lumalaganap sa buong lupa. Sa halip na ipaaninag ang “kaluwalhatian ni Jehova,” ang henerasyong ako-muna sa ngayon ay lalo pang bumubulusok sa pusali ng kabuhungan at patungo na sa paglalapat ng kahatulan ng Diyos. Palibhasa’y ‘nalilipos ng kasiraang-puri sa halip na kaluwalhatian,’ ang delingkuwenteng sanlibutang ito ay malapit nang uminom mula sa mangkok ng galit ni Jehova, na kumakatawan sa kalooban niya may kaugnayan dito. ‘Ang kadustaan ay mapapasa kaluwalhatian nito.’—Habakuk 2:16.
19. Ang isang pambungad sa ikalimang kaabahan na ipinahayag ni Habakuk ay may kaugnayan sa ano, at bakit ang gayong mga salita ay mahalaga sa sanlibutan sa ngayon?
19 Ang isang pambungad sa ikalimang kaabahan ay matinding nagbababala laban sa pagsamba sa inukit na mga imahen. Inudyukan ni Jehova ang propeta na ipahayag ang ganitong matitinding salita: “Sa aba niya na nagsasabi sa piraso ng kahoy: ‘Gumising ka!’ sa piping bato: ‘Gising na! Ito mismo ay magbibigay ng tagubilin’! Narito! Ito ay nababalutan ng ginto at pilak, at walang hininga sa loob nito.” (Habakuk 2:19) Hanggang ngayon, kapuwa ang Sangkakristiyanuhan at ang tinatawag na sangkapaganuhan ay yumuyukod sa kani-kanilang mga krusipiho, Madona, imahen, at iba pang mga kawangis ng tao at hayop. Wala sa mga ito ang magigising upang iligtas ang mga mananamba nila kapag naglapat na si Jehova ng kahatulan. Ang kanilang mga nakakalupkop na ginto at pilak ay kupas at walang halaga kung ihahambing sa kaningningan ng walang-hanggang Diyos, si Jehova, at sa kaluwalhatian ng kaniyang buháy na mga nilalang. Purihin nawa natin ang kaniyang walang-kapantay na pangalan magpakailanman!
20. Sa anong kaayusan ng templo tayo may pribilehiyong maglingkod nang may kagalakan?
20 Oo, ang ating Diyos, si Jehova, ay karapat-dapat sa lahat ng papuri. Taglay ang taimtim na pagpipitagan sa kaniya, dinggin natin ang mahigpit na babalang ito laban sa idolatriya. Ngunit makinig! May sinasabi pa si Jehova: “Si Jehova ay nasa kaniyang banal na templo. Tumahimik ka sa harap niya, buong lupa!” (Habakuk 2:20) Walang-pagsalang ang nasa isip ng propeta ay ang templo sa Jerusalem. Subalit, tayo sa ngayon ay may pribilehiyong sumamba sa isang higit na maringal na kaayusan ng espirituwal na templo, na doo’y nanunungkulan ang ating Panginoong Jesu-Kristo bilang Mataas na Saserdote. Dito, sa makalupang looban ng templong iyon, tayo ay nagtitipon, naglilingkod, at nananalangin, na nag-uukol kay Jehova ng karangalang nararapat sa kaniyang maluwalhating pangalan. At tunay nga tayong nagagalak sa pag-uukol ng taos-pusong pagsamba sa ating maibiging Ama sa langit!
Natatandaan Mo Ba?
• Paano mo minamalas ang mga salita ni Jehova: “Hindi iyon maaantala”?
• Ano sa kasalukuyan ang kahulugan ng mga kaabahang ipinahayag sa pamamagitan ni Habakuk?
• Bakit dapat nating patuloy na iparinig ang babala ni Jehova?
• Sa looban ng anong templo tayo may pribilehiyong maglingkod?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 15]
Gaya ni Habakuk, alam ng mga lingkod ng Diyos sa ngayon na si Jehova ay hindi magluluwat
[Mga larawan sa pahina 18]
Pinahahalagahan mo ba ang pribilehiyong sumamba kay Jehova sa looban ng kaniyang espirituwal na templo?
[Picture Credit Line sa pahina 16]
U.S. Army photo