TAMPOK NA PAKSA | MAISASALBA PA BA ANG MUNDO?
Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
DAAN-DAANG siglo na ang nakalipas, inihula ng Bibliya ang malalang kalagayan ng mundo sa ngayon. Pero espesipikong inihula rin ng Bibliya ang magandang kinabukasan para sa mga tao. Hindi dapat bale-walain ang sinasabi ng Bibliya dahil marami sa mga hula nito ay detalyadong natupad.
Halimbawa, tingnan ang sumusunod na mga hula:
-
“Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako.”—Mateo 24:7.
-
“Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.”—2 Timoteo 3:1-4.
Ang mga hulang iyan ay lumalarawan sa isang mundo na sinasabing pasamâ na nang pasamâ. Kung iisipin, ang mundo ay hindi na talaga maisasalba—ng tao. Ayon sa Bibliya, ang tao ay walang karunungan at kapangyarihan na magbigay ng permanenteng solusyon. Idiniriin ito ng mga sumusunod na teksto:
-
“May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang mga daan ng kamatayan ang huling wakas nito.”—Kawikaan 14:12.
-
“Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9.
-
“Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”—Jeremias 10:23.
Kung ipagpapatuloy ng mga tao ang kanilang ginagawa, tiyak na mapapahamak ang mundo. Pero hindi mangyayari iyan! Bakit? Sinasabi ng Bibliya:
-
“Itinatag [ng Diyos] ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.”—Awit 104:5.
-
“Isang salinlahi ang yumayaon, at isang salinlahi ang dumarating; ngunit ang lupa ay nananatili maging hanggang sa panahong walang takda.”—Eclesiastes 1:4.
-
“Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29.
-
“Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Awit 72:16.
Galacia 6:7) Ang mundo ay hindi gaya ng nadiskaril na tren, na walang makakakontrol at papunta na sa kapahamakan. Nagtakda ang Diyos ng limitasyon sa magagawang pinsala ng mga tao sa kanilang sarili.—Awit 83:18; Hebreo 4:13.
Ang mga turong ito ng Bibliya ay nagbibigay ng malinaw na sagot. Ang mga tao ay hindi malilipol dahil sa polusyon, kakapusan ng pagkain at tubig, o pangglobong epidemya. Hindi mawawasak ng nuklear na digmaan ang mundo. Bakit? Dahil kontrolado ng Diyos ang kinabukasan ng ating planeta. Totoo, hinahayaan ng Diyos ang tao na gamitin ang kanilang kalayaang magpasiya. Pero aanihin nila ang resulta ng kanilang desisyon. (Pero hindi lang iyan. Maglalaan ang Diyos ng ‘saganang kapayapaan.’ (Awit 37:11) Ang pag-asang ipinaliwanag sa artikulong ito ay patikim lang ng magandang kinabukasan na natututuhan ng milyon-milyong Saksi ni Jehova sa pag-aaral ng Bibliya.
Ang mga Saksi ni Jehova ay isang pangglobong pamilya ng mga lalaki’t babae na may iba’t ibang edad at pinagmulan. Sinasamba nila ang tanging tunay na Diyos, na ang pangalan ay Jehova, gaya ng sinasabi sa Bibliya. Hindi sila natatakot sa mangyayari sa hinaharap dahil sinasabi ng Bibliya: “Ito ang sinabi ni Jehova, na Maylalang ng langit, Siya na tunay na Diyos, na Tagapag-anyo ng lupa at Maylikha nito, Siya na nagtatag nito nang matibay, na hindi niya nilalang na walang kabuluhan, na nag-anyo nito upang tahanan: ‘Ako ay si Jehova, at wala nang iba pa.’”—Isaias 45:18.
Sinuri ng artikulong ito ang ilan sa mga turo ng Bibliya tungkol sa kinabukasan ng lupa at ng mga tao. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang aralin 5 ng brosyur na Magandang Balita Mula sa Diyos! na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa www.isa4310.com/tl
Puwede mo ring panoorin ang video na Bakit Ginawa ng Diyos ang Lupa? na available sa www.isa4310.com/tl. (Tingnan sa PUBLIKASYON > VIDEO)