TULONG PARA SA PAMILYA | KABATAAN
Sulit Bang Subukan ang Mapanganib na mga Libangan?
ANG HAMON
“Tumatayo ako sa isang tunnel habang may paparating na napakabilis na tren. Pakiramdam ko, nababawasan nito ang mga problema ko.”—Leon. *
“Kapag nagda-dive ako mula sa isang mataas na bangin, kahit saglit lang, pakiramdam ko, malaya ako. Nae-enjoy ko ito, pero kung minsan, natatakot din ako.”—Larissa.
Gaya nina Leon at Larissa, gustong-gusto ng maraming kabataan na masubok ang kanilang limitasyon—kung minsan, sa napakapanganib na paraan. Natutukso ka bang gawin din ito? Kung oo, makatutulong ang artikulong ito.
ANG DAPAT MONG MALAMAN
Nakakaadik ang mapanganib na mga libangan. Baka magbigay ito sa iyo ng sandaling excitement, pero mabibitin ka at maghahangad pa ng mas nakaka-excite na libangan. Si Marco, na gaya ni Leon na pumupunta rin sa mga tunnel ng tren, ay nagsabi: “Hinahanap-hanap ko ’yon. Sandali lang ang excitement. Pero bitin, kaya susubok pa ako ng mas nakaka-thrill.”
Sinabi naman ni Justin, na nag-i-skate nang napakabilis sa pamamagitan ng paghawak sa tumatakbong sasakyan: “Dahil sa excitement, gustong-gusto kong ulitin ito. Gusto kong pahangain ang mga tao, pero sa ospital ako pinulot.”
Dahil sa panggigipit ng kasama, baka hindi ka makapagpasiya nang tama. Sinabi ng kabataang si Marvin: “Pinipilit ako ng mga kaibigan ko na subukan ang free-climbing sa isang mataas na gusali. Sinasabi nila: ‘Sige na, kaya mo ’yan.’ Takot na takot ako. Nanginginig ako habang umaakyat sa pader.” Sinabi ni Larissa, na nabanggit na: “Ginagaya ko ang ginagawa ng iba. Sunod lang ako nang sunod.”
Ginagamit din ng ilan ang Internet para ma-pressure ang iba. Pinupuri nila nang husto ang mga gumagawa ng mapanganib na mga libangan at pinalilitaw na walang panganib dito. Sa katunayan, nagiging viral pa nga ang mga video na ipino-post ng ilan sa social media.
Halimbawa, ang ilang popular na video ng parkour—aktibidad na gaya ng paglakad sa napakatataas at napakakikitid na pader, pagpapalipat-lipat sa mga bahay sa pamamagitan ng pagtalon, o napakabilis na pagtakbo nang walang anumang
safety equipment. Puwede kang madaya nito at mag-isip: (1) Hindi ito masyadong mapanganib. (2) Ginagawa ito ng lahat. Ang resulta: Matutukso kang subukan ang mga libangang nagsasapanganib ng buhay.May mas maganda at ligtas na mga paraan para masubok ang limitasyon mo. “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti,” ang sabi ng Bibliya. (1 Timoteo 4:8) Pero nagbababala rin ang Bibliya sa iyo na “mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip.” (Tito 2:12) Paano?
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Alamin ang mga panganib. Sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat matalino ay gagawi nang may kaalaman, ngunit ang hangal ay magkakalat ng kamangmangan.” (Kawikaan 13:16) Bago subukan ang isang aktibidad, alamin muna ang mga panganib nito. Tanungin ang sarili, ‘Ang libangan bang ito ay magsasapanganib ng buhay ko o makapipinsala sa akin?’—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 14:15.
Pumili ng mga kaibigang may paggalang sa buhay. Hindi ka pipilitin ng tunay na mga kaibigan na isapanganib ang buhay mo o gawin ang isang bagay na hindi mo gusto. Sinabi ni Larissa: “Ang responsable at mabubuting kaibigan ay tumulong sa akin na makapili ng magagandang aktibidad na gusto kong subukan. Nang piliin ko ang gayong mga kaibigan, nabago ang buhay ko.”—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 13:20.
Tanungin ang sarili, ‘Ang libangan bang ito ay magsasapanganib ng buhay ko o makapipinsala sa akin?’
Subukin ang mga kakayahan mo nang hindi isinasapanganib ang iyong buhay. Habang lumalaki ang isang tao, siya ay “natututong magtakda ng sariling prinsipyo at limitasyon,” ang sabi ng aklat na Adolescent Risk Behaviors. Masusubok mo ang iyong limitasyon nang ligtas, kung mag-iingat ka at gagamit ng angkop na safety equipment.
Magkaroon ng paggalang sa sarili. Igagalang ka ng mga tao dahil sa husay mo sa pagharap sa mga hamon sa buhay, at hindi sa paggawa ng mapanganib na mga libangan. Sinabi ni Larissa: “Sa simula, cliff diving lang, ’tapos nasundan pa ito ng maraming libangan na nagsapanganib ng buhay ko. Sana natuto akong magsabi ng hindi.”
Tandaan: Sa halip na subukan ang mapanganib na mga libangan, magpakita ng tamang desisyon pagdating sa pinipili mong libangan.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 15:24.
^ par. 4 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.