MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Hugis ng mga Seashell
DAHIL sa seashell ng mollusk, nabubuhay ito sa kabila ng malalakas na pressure sa pinakasahig ng dagat. Ang kakayahan ng seashell na magbigay ng mahusay na proteksiyon ay nagsilbing inspirasyon sa mga engineer na pag-aralan ang hugis at kayarian nito para makapagdisenyo ng sasakyan at gusali na makapagbibigay ng proteksiyon sa nakasakay at nakatira dito.
Pag-isipan ito: Pinag-aralan ng mga engineer ang dalawang hugis ng seashell—bivalve (hugis-kabibi) at spiral (hugis-susô).
Sa kaso ng bivalve, natuklasan na dahil sa hugis ng pinakalabi nito, ang pressure ay dumederetso sa gilid at hugpungan nito. Iba naman pagdating sa spiral. Dahil sa paikót na hugis nito, ang puwersang tumatama rito ay dumederetso sa gitna malapit sa pinakalabi nito. Nakatutulong ang hugis ng mga shell na ito para ang pressure ay tumama sa pinakamatigas na bahagi, kaya halos hindi napipinsala ang mollusk.
Nagsagawa rin ang mga mananaliksik ng stress test para paghambingin ang tunay na mga shell at ang artipisyal na mga shell na may simpleng hugis at komposisyon (ginawa sa 3-D printer). Ayon sa resulta, halos doble ang kakayahan ng tunay na mga seashell na tumagal sa pressure dahil sa masalimuot na hugis nito kumpara sa artipisyal na mga shell na may simpleng hugis at komposisyon.
Tungkol sa pagsasaliksik na ito, sinabi ng Scientific American: “Kung balang-araw ay makapagmaneho ka ng sasakyang hugis-shell, maganda iyon at protektado pa ang sakay nito.”
Ano sa palagay mo? Ang hugis ba ng mga seashell ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?