Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Turuan ang Iyong Anak Tungkol sa Sex

Turuan ang Iyong Anak Tungkol sa Sex

ANG HAMON

Ilang dekada lang ang nakararaan, ang mga magulang ang unang may pagkakataong makipag-usap sa kanilang anak tungkol sa sex. Naipaliliwanag nila ito nang unti-unti ayon sa edad at kakayahan ng bata.

Pero iba na ngayon. “Ang mga bata ay nahahantad sa mga impormasyon tungkol sa sex sa napakamurang edad, at dumarami rin ang mga impormasyon tungkol sa sex sa mga pambatang musika, panoorin, at babasahin,” ang sabi ng aklat na The Lolita Effect. Nakatutulong ba ito sa mga bata, o nakasasama?

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Laganap ang impormasyon tungkol sa sex. Sa kaniyang aklat na Talk to Me First, isinulat ni Deborah Roffman na ang “mga usapan, advertisement, pelikula, aklat, liriko ng awit, palabas sa TV, text, laro, billboard, phone, at computer ay punong-puno ng mahahalay na larawan at salita, at seksuwal na pahiwatig anupat naiisip ng marami [mga tin-edyer at maging ng mga bata] nang di-namamalayan, na ang sex . . . ang pinakamahalagang bagay.”

May kasalanan din ang marketing. Ang mga advertiser at retailer ay nagbebenta ng mapang-akit na mga damit sa mga bata, anupat tinuturuan sila sa murang edad na labis na magpahalaga sa kanilang hitsura. “Alam ng mga negosyante ang kahinaan ng mga bata, at sinasamantala nila ito,” ang sabi ng aklat na So Sexy So Soon. “Ang mga larawan at produktong ito ay hindi dinisenyo para akitin ang mga bata sa sex” kundi “para hikayatin silang bumili.”

Hindi sapat ang kaalaman. Kung paanong hindi sapat ang kaalaman tungkol sa sasakyan para maging mahusay na driver, hindi rin sapat ang basta kaalaman tungkol sa sex para makagawa ng tamang desisyon.

Tandaan: Napakahalagang turuan ang iyong mga anak na sanayin ang kanilang “kakayahan sa pang-unawa” para “makilala kapuwa ang tama at ang mali.”—Hebreo 5:14.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Makipag-usap. Kahit nakaaasiwang ipakipag-usap sa iyong anak ang tungkol sa sex, dapat mo itong gawin dahil responsibilidad mo ito.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 22:6.

Unti-unti itong ipakipag-usap. Sa halip na ituro nang minsanan ang lahat tungkol sa sex, samantalahin ang mga pagkakataong puwede kang makipagkuwentuhan sa iyong anak, marahil habang nagbibiyahe o kapag gumagawa kayong magkasama. Gumamit ng mga tanong na tutulong sa iyong anak na magsabi ng kaniyang niloloob. Halimbawa, sa halip na sabihin, “Nagugustuhan mo ba ang mga advertisement na gaya niyan?” puwede mong sabihin, “Sa tingin mo, bakit gumagamit ang mga advertiser ng gano’ng mga larawan sa pagbebenta?” Kapag sumagot ang iyong anak, puwede mo pang itanong, “Ano’ng nadarama mo tungkol dito?”—Simulain sa Bibliya: Deuteronomio 6:6, 7.

Iangkop sa edad ang usapan. Ang mga batang edad 3-4 ay puwede nang turuan tungkol sa pangalan ng mga sex organ, at kung paano nila poprotektahan ang kanilang sarili mula sa seksuwal na pang-aabuso. Habang lumalaki sila, puwede silang turuan ng mahahalagang impormasyon tungkol sa pag-aanak. Kapag tin-edyer na sila, dapat na mas nauunawaan na nila ang tungkol sa sex at ang mga pamantayang moral.

Ituro ang mga pamantayang moral. Habang bata pa ang iyong anak, ituro sa kanila ang tungkol sa katapatan, paninindigan, at respeto. Makatutulong ang mga iyan kapag ipinakikipag-usap mo na ang tungkol sa sex. Maging malinaw rin sa iyong mga pamantayan. Halimbawa, kung hindi ka sang-ayon sa pakikipag-sex bago ang kasal, sabihin ito. At saka ipaliwanag kung bakit ito mali at mapanganib. “Kapag alam ng mga tin-edyer na hindi sang-ayon ang kanilang mga magulang sa pakikipag-sex habang tin-edyer, mas malamang na hindi nila ito gagawin,” ang sabi ng aklat na Beyond the Big Talk.

Magpakita ng halimbawa. Isabuhay ang mga pamantayang itinuturo mo. Halimbawa, tumatawa ka ba sa malalaswang biro? Nagsusuot ka ba ng mapang-akit na mga damit? Nakikipag-flirt ka ba? Maaaring maapektuhan ng gayong mga paggawi ang pananaw ng iyong anak sa mga pamantayang itinuturo mo.—Simulain sa Bibliya: Roma 2:21.

Ituro ang tamang pananaw. Ang sex ay regalo ng Diyos sa mga tao, at sa tamang panahon—kapag kasal na sila—ito ay kasiya-siya. (Kawikaan 5:18, 19) Ipaunawa sa iyong anak na darating ang panahon kung kailan maaari siyang masiyahan sa regalong iyan, at wala itong kasamang lungkot na dulot ng pakikipag-sex bago ang kasal.—1 Timoteo 1:18, 19.