Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kamangha-manghang Elemento

Ang Kamangha-manghang Elemento

“Ang karbon ang pinakamahalagang elemento para mabuhay,” ang sabi ng aklat na Nature’s Building Blocks. Dahil sa pambihirang katangian ng karbon, nagagawa nitong dumikit sa isa pang karbon o sa iba pang kemikal na elemento. Kaya milyon-milyong kombinasyon ng mga elemento, o compound, ang nabubuo. Marami sa mga ito ay nadidiskubre pa lang o sadyang binubuo.

Gaya ng makikita sa ibaba, ang pinagsamang mga atom ng karbon ay nakabubuo ng iba’t ibang hugis, kasama rito ang tanikala, piramide, singsing, sapin, at tubo. Talagang kamangha-mangha ang karbon!

DIAMANTE

Ang mga atom ng karbon ay nakabubuo ng piramide na tinatawag na tetrahedron. Napakatibay ng mga ito, kaya ang diamante ang kinikilalang pinakamatigas na nabubuong substansiya sa lupa. Sa katunayan, ang isang napakagandang diamante ay isang molekula na binubuo ng mga atom ng karbon.

GRAPITO

Ang mga atom ng karbon na mahigpit ang pagkakadikit ay nakaayos na parang mga sapin pero maluwag ang pagkakasuson-suson, kaya dumadausdos ang mga ito na gaya ng pinagpatong-patong na mga papel. Dahil sa mga katangiang ito, ang grapito ay mahusay na lubrikante at mahalagang substansiya sa lapis. *

GRAPHENE

Ito ay isang sapin ng mga atom ng karbon. Ang pagkakaayos ng mga atom ng karbon nito ay nakabubuo ng hugis-hexagon. Ang tibay ng graphene kapag nababanat ay di-hamak na mas matindi kaysa sa bakal. Ang marka ng lapis ay maaaring may kaunting graphene.

FULLERENES

Ang hungkag na mga molekulang ito ng karbon ay may iba’t ibang hugis, gaya ng napakaliliit na bola at tubo na tinatawag na nanotube. Sinusukat ito sa nanometer, o ika-isang bilyong bahagi ng isang metro.

NABUBUHAY NA MGA ORGANISMO

Ang maraming selulang bumubuo sa halaman, hayop, at tao ay gawa sa mga substansiyang may karbon, gaya ng carbohydrates, fats, at amino acid.

‘Ang di-nakikitang mga katangian ng Diyos ay napag-uunawa sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa.’—Roma 1:20.

^ par. 7 Tingnan ang artikulong “May Lapis Ka Ba Diyan?” sa Gumising!, isyu ng Hulyo 2007.