TAMPOK NA PAKSA | KUNG PAANO MAKIKINABANG SA IYONG NAKAUGALIAN
1 Maging Makatotohanan
Baka natutukso kang baguhin agad ang lahat ng bagay sa buhay mo. Sinasabi mo, ‘Sa linggong ito, hindi na ako maninigarilyo, magmumura, magpupuyat, sa halip, mag-eehersisyo na ako, kakain ng masustansiyang pagkain, at tatawagan ko na ang lolo’t lola ko.’ Pero kung sabay-sabay mong aabutin ang lahat ng tunguhin mo, wala ka ngang maaabot!
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin.”—Kawikaan 11:2.
Ang taong mahinhin ay makatotohanan. Kinikilala niyang limitado ang kaniyang panahon, lakas, at pag-aari. Kaya sa halip na baguhin agad ang lahat ng bagay, unti-unti niya itong ginagawa.
Kung sabay-sabay mong aabutin ang lahat ng tunguhin mo, wala ka ngang maaabot!
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Unti-unting baguhin ang mga nakaugalian mo. Makatutulong ang sumusunod na hakbang:
-
Gumawa ng dalawang listahan—listahan ng mabubuting kaugalian na gusto mong taglayin at listahan ng pangit na nakasanayan na kailangan mong alisin. Sa bawat listahan, isulat ang lahat ng maiisip mo.
-
Magtakda ng priyoridad. Lagyan ng numero ang mga nasa listahan mula sa mahalaga hanggang sa hindi gaanong mahalaga.
-
Pumili ng ilang nakaugalian—kahit isa o dalawa—mula sa bawat listahan, at magpokus sa mga ito. Pagkatapos, isunod naman ang isa o dalawa na nasa listahan mo.
Pabilisin ang proseso, palitan ng mabubuting nakaugalian ang pangit na mga nakasanayan. Halimbawa, kung nasa listahan mo ang sobrang panonood ng TV, sikaping palitan ito ng pagiging malapít sa iyong mga minamahal. Puwede mong maging determinasyon: ‘Sa halip na manood agad ng TV pagkagaling sa trabaho, makikipagkuwentuhan ako sa isang kaibigan o kamag-anak.’