Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA

Kung Paano Makikinabang sa Iyong Nakaugalian

Kung Paano Makikinabang sa Iyong Nakaugalian
  • NANG tumunog ang alarm clock ni Austin, inaantok pa siya. Pero bumangon siya agad, isinuot ang kaniyang pang-ehersisyo na inihanda niya gabi pa lang, at sandaling nag-jogging—gaya ng ginagawa niya tatlong beses sa isang linggo sa nakalipas na isang taon.

  • Katatapos lang makipag-away ni Laurie sa kaniyang mister. Galít at dismayado, pumunta siya sa kusina, inilabas ang isang bag ng tsokolate, at inubos ito—gaya ng lagi niyang ginagawa kapag nadidismaya siya.

Ano ang pagkakapareho nina Austin at Laurie? Naiisip man nila ito o hindi, pareho silang apektado ng isang puwersa—ang impluwensiya ng nakaugalian.

Kumusta ka naman? May mabubuting kaugalian ba na gusto mong taglayin? Marahil ang tunguhin mo ay mag-ehersisyo nang regular, magkaroon nang sapat na tulog, o maging mas malapít sa iyong mga minamahal.

Sa kabilang banda, baka gusto mong alisin ang pangit na mga nakasanayan mo, gaya ng paninigarilyo, sobrang pagkain ng junk food, o pagbababad sa Internet.

Siyempre pa, mahirap paglabanan ang pangit na mga nakasanayan. Sa katunayan, sinasabing ang mga ito ay tulad ng isang mainit na kama sa malamig na panahon: madaling makasanayan pero mahirap alisin!

Kaya paano mo makokontrol ang iyong nakaugalian at magagawa itong kapaki-pakinabang sa halip na nakapipinsala? Subukan ang sumusunod na tatlong mungkahing nakasalig sa mga prinsipyo, o simulain, sa Bibliya.