MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Balahibo ng Sea Otter
MARAMING mamalyang nabubuhay sa malamig na tubig ang may makakapal na suson ng taba sa ilalim ng kanilang balat para hindi lamigin. Pero ang mga sea otter ay may ibang insulasyon—ang kanilang makapal na balahibo.
Pag-isipan ito: Ang balahibo ng sea otter ay mas makapal kaysa sa balahibo ng iba pang mamalya, mga 155,000 hibla ng balahibo sa bawat sentimetro kuwadrado. Kapag lumalangoy, may suson ng hanging nata-trap ng balahibo ng sea otter malapit sa katawan nito. Nagsisilbing insulasyon ang hanging iyon at dahil dito, hindi nakatatagos ang malamig na tubig sa balat ng sea otter. Kaya hindi ito nilalamig.
Naniniwala ang mga siyentipiko na may matututuhan tayo sa balahibo ng sea otter. Sinubukan nilang gumawa ng maraming artipisyal na coat na yari sa balahibo, na may iba’t ibang haba at pagitan ng mga hibla. Sinabi ng mga mananaliksik na miyentras “mas makapal at mas mahaba ang balahibo, mas nananatili itong tuyo o mas hindi nakaka-absorb ng tubig.” Sa ibang salita, talagang napakahusay ng balahibo ng sea otter.
Umaasa ang mga mananaliksik na makatutulong ito sa pagsulong ng disenyo at sa paggawa ng telang hindi nakaka-absorb ng tubig. Dahil dito, baka maisip ng ilan na mas mabuting magsuot ng mabalahibong wet suit—na gaya ng sa sea otter—kapag sumisisid sa malamig na tubig!
Ano sa palagay mo? Ang disenyo ba ng balahibo ng sea otter ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?