PARA SA MGA MAGULANG
8: Halimbawa
ANG IBIG SABIHIN NITO
Ang mga magulang na nagpapakita ng mabuting halimbawa ay namumuhay ayon sa itinuturo nila. Halimbawa, paano lalakíng tapat ang anak mo kung naririnig ka niya, “Sabihin mo wala ako,” kapag ayaw mong kausapin ang taong naghahanap sa iyo?
“May mga nagsasabi, ‘Gawin mo ang iniuutos ko, hindi ang ginagawa ko.’ Pero hindi uubra iyan sa mga bata. Para silang mga sponge dahil naa-absorb nila ang lahat ng sinasabi at ginagawa natin, at sasabihin nila sa atin kapag ang ginagawa natin ay hindi tugma sa itinuturo natin.”—David.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Ikaw, na nangangaral na ‘Huwag magnakaw,’ bakit ka nagnanakaw?”—Roma 2:21.
KUNG BAKIT ITO MAHALAGA
Kumpara sa ibang tao, mas malaki ang impluwensiya ng mga magulang sa mga bata, kahit sa mga tin-edyer. Ibig sabihin, ikaw ang nasa pinakamagandang posisyon para gabayan ang mga anak mo sa tamang daan—basta’t ginagawa mo ang itinuturo mo.
“Kahit ulit-ulitin mo nang sandaang beses ang isang bagay dahil parang hindi ka pinakikinggan ng anak mo, kapag hindi tugma ang sinabi mo sa ginawa mo, sasabihin iyan sa iyo ng bata. Napapansin ng mga bata ang lahat ng ginagawa natin, kahit akala natin hindi.”—Nicole.
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Ang karunungan mula sa itaas ay . . . hindi mapagkunwari.”—Santiago 3:17.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Tingnan ang sarili mong pamantayan. Anong uri ng libangan ang pinanonood mo? Paano ka makitungo sa iyong asawa at mga anak? Anong uri ng mga kaibigan mayroon ka? Mapagmalasakit ka ba sa iba? Sa madaling salita, nasa iyo ba ang pagkatao na gusto mong taglayin ng mga anak mo?
“Hindi namin ipinasusunod sa mga anak namin ang pamantayang hindi namin sinusunod ng asawa ko.”—Christine.
Humingi ng tawad. Alam na ng mga anak mo na hindi ka perpekto. Pero kapag nagsasabi ka ng “Sorry” kung kailangan—sa asawa mo at mga anak—nagpapakita ka ng mabuting halimbawa ng katapatan at kapakumbabaan.
“Dapat marinig ng mga bata na inaamin natin ang ating pagkakamali at na humihingi tayo ng paumanhin. Kung hindi, matututo silang pagtakpan ang kanilang mga kasalanan.”—Robin.
“Bilang mga magulang, tayo ang may pinakamalaking impluwensiya sa ating mga anak, at ang halimbawa natin ang pinakamahusay nating kasangkapan dahil kitang-kita nila ito palagi. Ito ang aklat na laging nakabuklat, ang aral na laging itinuturo.”—Wendell.