Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Georgette Douwma/Stone via Getty Images

MAY PAG-ASA PA BA ANG PLANETA NATIN?

Karagatan

Karagatan

GALING sa karagatan ang karamihan sa mga kinakain natin, pati na ang mga sangkap na ginagamit para gumawa ng gamot. Galing din sa karagatan ang mahigit sa kalahati ng oxygen ng mundo, at ina-absorb nito ang mga nakakalasong gas na carbon na gawa ng tao. Hindi lang iyan, binabalanse rin ng karagatan ang ating klima.

Nanganganib ang Karagatan

Dahil sa climate change, naaapektuhan ang mga coral reef, kabibi, at iba pang buhay sa dagat. Ayon sa mga scientist, halos lahat ng coral reef—na sumusustine sa di-bababa sa 25 porsiyento ng buhay sa dagat—ay posibleng mamatay sa susunod na 30 taon.

Sabi naman ng mga eksperto, mga 90 porsiyento ng mga seabird ang posibleng nakakáin na ng plastik, at tinatayang milyon-milyong hayop sa dagat ang namamatay taon-taon dahil sa plastik.

“Hindi natin inalagaan ang dagat,” ang sabi ng UN Secretary-General na si António Guterres noong 2022, “at ngayon, masasabi kong meron na tayong ‘Ocean Emergency.’”

Ating Planeta—Dinisenyo Para Manatili

Nakakapanatiling malinis at malusog ang mga dagat at ang mga nabubuhay rito kapag hindi sobra-sobra ang polusyong gawa ng tao. Ipinapaliwanag ng aklat na Regeneration: Ending the Climate Crisis in One Generation na kapag hindi narurumhan ng tao ang isang bahagi ng dagat, “gumagana ang likas na kakayahan ng dagat na linisin ang sarili nito.” Tingnan ang ilang halimbawa:

  • Ang maliliit na organismong tinatawag na phytoplankton ay nag-a-absorb at nag-iimbak ng carbon dioxide—ang pangunahing gas na pinapaniwalaang dahilan ng global warming. Nakakapag-imbak ang phytoplankton ng carbon dioxide na halos kasindami ng pinagsama-samang carbon dioxide ng lahat ng puno, damo, at iba pang halaman sa lupa.

  • Nakakapagparumi ng dagat ang mga patay na isda, pero kinakain ito ng mga baktirya. Pagkatapos, ang mga baktiryang ito naman ay kakainin ng ibang mga hayop sa dagat. Dahil sa prosesong ito, “nananatiling malinis at malinaw ang dagat,” ayon sa Smithsonian Institution Ocean Portal.

  • Ginagamit ng maraming hayop sa dagat ang digestive system nila para ang acidic na tubig sa dagat—na nakakasamâ sa mga coral, kabibi, at iba pang nilalang—ay maging tubig na alkaline.

Ang Pagsisikap ng Tao

Kung gagamit tayo ng mga reusable bag at mga lalagyan ng tubig na hindi disposable, makakatulong tayo para mabawasan ang dami ng plastik na basura sa dagat

Kung walang kalat na itinatapon sa dagat, walang kailangang linisin. Kaya inirerekomenda ng mga eksperto ang mga reusable bag at lalagyan kaysa sa mga plastik na isang beses lang gagamitin at itatapon na.

Pero hindi sapat iyan. Kamakailan, isang organisasyon para sa kapaligiran ang nakakolekta ng 9,200 tonelada ng basurang inanod sa mga dalampasigan ng 112 bansa, sa loob lang ng isang taon. Pero napakaliit lang na porsiyento iyon ng mga basurang napupunta sa dagat taon-taon.

Sinabi ng National Geographic na “ang pagiging acidic [ng mga karagatan] sa ngayon ay malamang na hindi na masosolusyunan.” Napakaraming fuel gaya ng langis, gas, at uling ang sinusunog ng mga tao kaya hindi na mapanatiling malinis ng mga hayop sa dagat ang karagatan gaya ng pagkakadisenyo sa mga ito.

Pag-asa Mula sa Bibliya

“Ang lupa ay punô ng mga ginawa mo. Naroon ang dagat, na napakalaki at napakalawak, punong-puno ng di-mabilang na buháy na nilikha, maliliit at malalaki.”​—Awit 104:​24, 25.

Ang Maylalang ang lumikha ng karagatan, pati na ang kakayahan nitong linisin ang sarili. Pag-isipan: Alam na alam niya ang pagkakadisenyo ng dagat at ng mga nabubuhay rito. Kaya siguradong kayang-kaya rin niyang ayusin ang mga napinsalang karagatan. Tingnan ang artikulong “Ipinangako ng Diyos na Mananatili ang Planeta Natin” sa pahina 15.