Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Mahusay na Pananggalang sa Init ng Saharan Silver Ant

Ang Mahusay na Pananggalang sa Init ng Saharan Silver Ant

ANG Saharan silver ant (Cataglyphis bombycina) ay isa sa mga hayop sa lupa na may pinakamahusay na pananggalang sa init. Kapag tirik na tirik na ang araw sa Sahara, nagtatago na ang mga maninila. Panahon na para sandaling makipagsapalaran sa labas ng lungga ang mga langgam na ito at maghanap ng pagkain, gaya ng mga insektong namatay dahil sa sobrang init.

[50] μm

Pag-isipan ito: Ang itaas na bahagi at gilid ng katawan ng silver ant ay may natatanging balahibo, habang ang pinakailalim na bahagi ng katawan nito ay makinis. Ang kombinasyong ito ang nagsisilbing pananggalang ng silver ant sa init. Ang mga balahibo nito ang dahilan kung bakit makinang ang mga langgam na ito. Ang bawat hibla ng balahibo ay parang maliliit na tubo na ang cross section ay hugis-tatsulok. Kung titingnan sa mikroskopyo, ang dalawang gilid ng hibla ng balahibo ay alon-alon hanggang sa dulo, habang ang isang gilid naman ay flat. Dahil sa disenyong ito, ang sinag ng araw ay tumatalbog sa balahibo ng langgam. Nakatutulong din ito sa langgam na mabawasan ang init na pumapasok sa katawan nito mula sa singaw ng paligid. Ang makinis na pinakailalim na bahagi ng katawan ng silver ant ay nakatutulong naman para hindi tumagos sa katawan nito ang init na sumisingaw mula sa buhangin ng disyerto. *

[10] μm

Dahil sa pananggalang na ito, napananatili ng Saharan silver ant ang temperatura ng katawan nito nang mas mababa kaysa sa kaya nitong tiisin—53.6°C. Sa paggaya sa maliliit na nilalang na ito, sinusubukan ng mga mananaliksik ngayon na gumawa ng special coating na makatutulong para mabawasan ang init nang hindi gumagamit ng electric fan o iba pang katulad na kasangkapan.

Ano sa palagay mo? Ang mahusay na pananggalang ba sa init ng Saharan silver ant ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?

^ par. 4 May iba pang katangian ang langgam na tumutulong para makatagal ito sa init. May natatangi itong mga protina sa katawan na hindi basta-basta natutunaw ng matinding init. Mahahaba rin ang paa nito, kaya may distansiya ang katawan nito sa mainit na sahig ng disyerto at nakatatakbo ito nang mabilis. Napakagaling din ng silver ant sa direksiyon, kaya natatandaan nito ang pinakamabilis na ruta pabalik sa lungga nila.