TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA
Kung Paano Haharapin ang mga Pagkakaiba
ANG HAMON
Mahilig ka sa sports; mas gusto naman ng asawa mo na magbasa. Maingat ka at organisado; medyo di-organisado naman ang asawa mo. Mahilig kang makisalamuha; mas gusto naman ng asawa mo ng privacy.
‘Magkaibang-magkaiba pala kami!’ ang sabi mo sa iyong sarili. ‘Bakit kaya hindi namin napansin iyon no’ng magkasintahan pa lang kami?’
Siguro, napansin mo rin naman iyon. Pero noon, baka napalalampas mo iyon—isang katangian na makabubuting ibalik, ngayong kasal na kayo. Tutulungan ka ng artikulong ito na magawa iyan. Pero alamin mo muna ang ilang katotohanan tungkol sa inaakalang mga pagkakaiba.
ANG DAPAT MONG MALAMAN
Seryoso ang ilang pagkakaiba. Ang isang mahalagang papel ng pagiging magkasintahan ay para malaman kung magkakasundo sila. Kaya kapag nakitang seryoso ang mga pagkakaiba, marami ang nagpapasiyang maghiwalay na lang sa halip na pumasok sa magulong pag-aasawa. Pero paano naman pagdating sa di-gaanong seryosong mga pagkakaiba na hindi maiiwasan ng mag-asawa?
Walang dalawang tao ang magkaparehong-magkapareho. Kung gayon, normal lang sa mag-asawa na magkaroon ng mga pagkakaiba alinman sa mga sumusunod:
Interes. “Hindi ko talaga magustuhan ang mga outdoor activity,” ang sabi ni Anna, * “pero mula pa pagkabata hilig na ng mister ko ang pag-akyat sa mayelong kabundukan at paglalakad nang ilang araw sa kagubatan.”
Kinasanayan. “Gabi na kung matulog ang misis ko, pero nakakagising siya ng 5:00 n.u. Samantalang ako, dapat ay pito hanggang walong oras ang tulog ko dahil kung hindi, nagiging iritable ako,” ang sabi ni Brian.
Personalidad. Baka tahimik ka, pero prangka naman ang asawa mo. “Lumaki akong hindi ko ipinakikipag-usap ang mga problema ko,” ang sabi ni David, “pero galing naman ang misis ko sa isang pamilya na malayang pinag-uusapan ang lahat.”
Maaaring kapaki-pakinabang ang mga pagkakaiba. “Puwedeng tama ang paraan ko, pero hindi ibig sabihing ito lang ang tamang paraan,” ang sabi ni Helena.
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Handang sumuporta. Sinabi ni Adam: “Walang kainte-interes sa sports ang misis kong si Karen. Pero sinasamahan niya ako sa ilang game, at sumisigaw pa ngang kasabay ko. Samantala, hilig naman ni Karen na pumunta sa mga art museum, kaya sinasamahan ko siya, at nananatili kami roon hangga’t gusto niya. Sinisikap kong maging interesado sa art dahil mahalaga iyon sa kaniya.”—Simulain sa Bibliya: 1 Corinto 10:24.
Palawakin ang iyong pananaw. Ang pananaw ng asawa mo sa mga bagay-bagay ay hindi naman talaga mali dahil lang sa iba iyon sa iyo. Iyan ang natutuhan ni Alex. “Lagi kong iniisip na isa lang ang paraan sa paggawa ng isang bagay, at na ang ibang paraan ay hindi na praktikal,” ang sabi niya. “Pero nang mag-asawa ako, nakita kong marami palang paraan, at ang bawat paraan ay epektibo.”—Simulain sa Bibliya: 1 Pedro 5:5.
Maging makatotohanan. Ang pagiging magkatulad ay hindi nangangahulugan ng pagiging magkaparehong-magkapareho. Kaya huwag isiping isang pagkakamali ang iyong pag-aasawa dahil lang sa may nakita kang ilang pagkakaiba ninyo. “Idinadahilan ng marami, ‘Nabulag ako ng pag-ibig,’” ang sabi ng aklat na The Case Against Divorce. Pero “ipinakikita ng araw-araw ninyong masayang pagsasama,” ang idinagdag pa ng aklat, “na sa kabila ng inyong likas na mga pagkakaiba, puwede ninyong mahalin ang isa’t isa.” Kaya sikapin na “patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa [kahit na] ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.”—Colosas 3:13.
Subukan ito: Isulat ang mga gusto mo, at tingnan kung ano ang pagkakatulad ninyong mag-asawa. Pagkatapos, isulat din ang mga bagay kung saan hindi kayo magkatulad. Makikita mong hindi naman pala ganoon kaseryoso ang inyong mga pagkakaiba gaya ng iniisip mo. Malalaman mo rin sa iyong listahan kung saan ka mas puwedeng magparaya o sumuporta sa asawa mo. “Pinahahalagahan ko ang pakikibagay ng misis ko sa ’kin, at kapag nakikibagay ako sa kaniya, alam kong pinahahalagahan niya rin ito,” ang sabi ni Kenneth. “Kahit na sakripisyo iyon sa bahagi ko, masaya ako kapag nakikita ko siyang masaya.”—Simulain sa Bibliya: Filipos 4:5.
^ par. 10 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.