TAMPOK NA PAKSA | GAWING MAPAYAPA ANG INYONG TAHANAN
Kung Paano Maiiwasan ang Pagtatalo sa Loob ng Tahanan
PAANO kung lagi na lang nagtatalo ang pamilya mo? Baka mas tumitindi at nagiging madalas ito. Baka hindi mo pa nga alam kung paano nagsimula ang inyong di-pagkakaunawaan. Pero mahal ninyo ang isa’t isa, at ayaw ninyong magkasakitan kayo.
Mahalagang tandaan na ang pagkakaiba ng mga opinyon ay hindi naman nangangahulugang nasisira na ang pamilya ninyo. Hindi rito nakadepende ang pagiging payapa o pagiging magulo ng inyong pamilya, kundi sa kung paano ninyo ito hinaharap. Pansinin ang ilang hakbang na maaaring makatulong para maiwasan ang pagtatalo.
1. HUWAG GUMANTI.
Ang pagtatalo ay nagsisimula sa pagitan ng dalawang tao, pero kung makikinig ang isa sa halip na magsalita nang magsalita, baka unti-unting humupa ang pagtatalo. Kaya iwasan ang tendensiyang gumanti kapag ginagalit. Kung kokontrolin mo ang iyong damdamin, mapananatili mo ang paggalang sa sarili at ang iyong dignidad. Tandaan, ang kapayapaan sa pamilya ay mas mahalaga kaysa sa manalo sa pagtatalo.
“Kung saan walang kahoy ay namamatay ang apoy, at kung saan walang maninirang-puri ay natitigil ang pagtatalo.”—Kawikaan 26:20.
2. UNAWAIN ANG DAMDAMIN NG IYONG KAPAMILYA.
Ang pakikinig na mabuti nang hindi sumasabat o nanghuhusga ay may malaking nagagawa para mapahupa ang galit at maibalik ang kapayapaan. Sa halip na paratangan ang motibo ng isa, unawain ang damdamin niya. Huwag ikagalit ang isang bagay na maaaring nagagawa ng isa dahil sa pagiging di-perpekto. Ang masasakit na salita ay maaaring resulta lang ng pagiging padalos-dalos o nasaktang damdamin, at hindi para makasakit o makapaghiganti sa iba.
“Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis.”—Colosas 3:12.
3. MAGPALAMIG MUNA NG ULO.
Kapag nag-iinit ka na sa galit, makabubuting magalang na magpaalam muna para magpalamig ng ulo. Puwede kang pumunta sa ibang kuwarto o maglakad-lakad hanggang sa kumalma ka. Hindi naman sa umiiwas ka o ayaw mo nang makipag-usap. Sa halip, baka ito ang magandang pagkakataon para hilingin sa Diyos na sana’y maging mapagpasensiya ka at maunawain.
“Bago sumiklab ang away, umalis ka na.”—Kawikaan 17:14.
4. PAG-ISIPANG MABUTI KUNG ANO ANG SASABIHIN AT KUNG PAANO ITO SASABIHIN.
Walang mabuting idudulot kung magpopokus ka sa pagsagot nang pabalang. Sa halip, subukang magsabi ng isang bagay na magpapagaan sa sama ng loob ng iyong minamahal. Imbes na diktahan mo siya kung ano ang dapat na madama niya, mabait na hilingin ang kaniyang opinyon at magpasalamat sa paliwanag na narinig mo.
“May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak, ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.”—Kawikaan 12:18.
5. MAGING MAHINAHON SA PAGSASALITA.
Sa loob ng pamilya, kapag nagalit ang isa, malamang na magalit din ang ibang miyembro nito. Labanan ang tendensiyang mang-insulto o magtaas ng boses, gaanuman kasama ang loob mo. Iwasan ang masasakit na akusasyon, gaya ng “Bale-wala naman ako sa ’yo” o “Hindi ka naman nakikinig.” Sa halip, sabihin sa asawa mo sa mahinahong paraan kung paano ka naaapektuhan ng ginagawa niya (“Nasasaktan ako kapag . . . ”). Ang panunulak, pananampal, paninipa, o anumang uri ng karahasan ay hindi nga makatuwiran. Totoo rin iyan pagdating sa pagbibigay ng bansag, panlalait, o pagbabanta.
“Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo pati na ang lahat ng kasamaan.”—Efeso 4:31.
6. HUMINGI AGAD NG TAWAD, AT SABIHIN ANG GAGAWIN MO PARA ITUWID ANG SITWASYON.
Huwag mong hayaang masira ng mga negatibong damdamin ang pangunahin mong tunguhin—ang pakikipagpayapaan. Tandaan, kapag nakipag-away ka, pareho kayong talo. Pero kapag nakipagpayapaan ka, pareho kayong panalo. Kaya gawin ang bahagi mo para ayusin ang problema. Kahit alam mong wala ka namang nagawang mali, puwede ka pa ring humingi ng tawad dahil nainis ka, nagpakita ng di-magandang reaksiyon, o nakaragdag sa pagtatalo nang di-sinasadya. Mas mahalaga ang kapayapaan kaysa sa pride at pagiging panalo. At kapag may humingi ng tawad sa iyo, patawarin mo agad.
“Yumaon ka at magpakumbaba at paulanan mo ng mga pagsusumamo ang iyong kapuwa.”—Kawikaan 6:3.
Kapag naayos na ang pagtatalo, ano naman ang puwede mong gawin para maitaguyod ang kapayapaan sa pamilya? Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.