Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Kung Paano Pupurihin ang mga Anak

Kung Paano Pupurihin ang mga Anak

ANG HAMON

Sinasabi ng ilan na wala namang masama kung lagi mong pupurihin ang iyong anak. Pero para naman sa iba, kapag lagi mong siyang pinupuri, mai-spoiled siya at lálakí ang ulo niya, at iisiping puwede niyang gawin ang lahat ng gusto niya.

Bukod sa dalas ng pagpuri mo sa iyong anak, pag-isipan din kung anong uri ng papuri ang ibinibigay mo. Anong papuri ang magpapasigla sa iyong anak? Ano naman ang makasasamâ sa kaniya? Paano ka magbibigay ng papuri na magdudulot ng pinakamagandang resulta?

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Hindi lahat ng papuri ay pare-pareho. Pag-isipan ang mga sumusunod.

Puwedeng makasamâ ang sobrang papuri. Masyadong pinupuri ng ilang magulang ang kanilang mga anak para magkaroon ang mga ito ng tiwala sa sarili. Pero ang mga bata ay “matatalino anupat alam nila kung binobola lang sila, kaya iisipin nilang hindi totoo ang sinasabi mo,” ang babala ni Dr. David Walsh. “Alam nilang hindi sila nararapat [sa papuri] at baka isipin nilang hindi ka mapagkakatiwalaan.” *

Mas mabuting purihin ang kakayahan. Ipagpalagay nang may anak kang mahusay magdrowing. Natural lang na purihin mo siya dahil tutulong ito sa kaniya na paghusayin pa ang kakayahan niya. Pero puwede itong makasamâ. Kung pupurihin mo siya dahil lang sa kaniyang angking kakayahan, baka magpokus na lang siya sa mga bagay na madaling gawin. Baka nga iwasan pa niya ang bagong mga hamon sa takot na mabigo. ‘Kung kailangan ko itong paghirapan,’ ang katuwiran niya, ‘baka hindi ito para sa akin, kaya bakit pa ako magpapakahirap?’

Pinakamabuting purihin ang pagsisikap. Ang mga batang pinupuri dahil sa kanilang sipag at tiyaga, sa halip na dahil lang sa kanilang mga talento, ay nakapag-iisip-isip ng isang mahalagang katotohanan—na para magkaroon ng kakayahan, kailangan ang pagtitiyaga at pagsisikap. Dahil dito, “gagawin nila ang lahat para makuha ang hinahangad nilang resulta,” ang sabi ng aklat na Letting Go With Love and Confidence. “Kahit mabigo sila, hindi nila ituturing ang kanilang sarili na talunan, kundi mga baguhan pa lang.”

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Purihin ang pagsisikap, hindi lang ang talento. Baka mas makabubuti sa anak mo ang pagsasabi ng “Nakita kong pinaghirapan mo ang drowing mo,” kaysa sa “Ang galing-galing mong magdrowing.” Pareho itong papuri, pero baka ipahiwatig ng ikalawa na magiging magaling lang ang anak mo sa mga bagay na mayroon siyang likas na kakayahan.

Kapag pinupuri mo ang pagsisikap ng iyong anak, tinuturuan mo siya na ang kakayahan ay puwedeng sumulong sa pamamagitan ng pagpapraktis. At maaaring magkaroon siya ng kumpiyansa na harapin ang bagong mga hamon.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 14:23.

Tulungan ang iyong anak na harapin ang pagkabigo. Ang mabubuting tao ay nagkakamali rin, baka paulit-ulit pa nga. (Kawikaan 24:16) Pero sa bawat pagkakamali, bumabangon sila, natututo sa kanilang karanasan, at nagpapatuloy sa buhay. Paano mo matutulungan ang iyong anak na magkaroon ng gayong positibong saloobin?

Magpokus muli sa pagsisikap. Halimbawa: Ipagpalagay nang madalas mong sabihan ang iyong anak, “Ang galing-galing mo sa math,” pero bumagsak siya sa test. Baka isipin niyang hindi na siya mahusay sa math, kaya hindi na siya magsisikap na sumulong pa.

Pero kapag nagpopokus ka sa pagsisikap ng anak mo, tinutulungan mo siyang maging matatag. Ipinauunawa mo sa kaniya na ang pagkakamali ay pagkakamali lang, at hindi malaking kabiguan. Kaya sa halip na sumuko, baka humanap siya ng ibang paraan o lalo pang magsikap.—Simulain sa Bibliya: Santiago 3:2.

Magbigay ng payo. Kapag sinabi sa tamang paraan, ang mga negatibong obserbasyon mo ay makatutulong sa iyong anak, sa halip na panghinaan ito ng loob. At kung lagi kang nagbibigay ng angkop na papuri, malamang na tanggapin niya ang payo mo para sumulong siya. Bilang resulta, ang mga naisagawa niya ay makapagbibigay ng kasiyahan sa kaniya at sa iyo.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 13:4.

^ par. 8 Mula sa aklat na No: Why Kids—of All Ages—Need to Hear It and Ways Parents Can Say It.