INTERBYU | DR. GENE HWANG
Ang Paniniwala ng Isang Mathematician
Si Dr. Gene Hwang, na ipinanganak noong 1950 sa Tainan, Taiwan, ay isang retiradong propesor ng mathematics sa National Chung Cheng University sa Taiwan. Dati rin siyang propesor sa Cornell University, E.U.A., kung saan siya nagturo at gumawa ng pananaliksik sa statistics at probability. Sa loob ng maraming taon, isa siya sa may pinakamaraming inilathala tungkol sa statistics, isang larangan kung saan aktibo pa rin siya. Noong bata pa siya, naniniwala siya na nagsimula ang buhay sa pamamagitan ng ebolusyon. Pero nagbago iyon. Tinanong siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang trabaho at paniniwala.
Noong bata ka pa, ano ang mga itinuro sa iyo?
Sa paaralan namin, tinuruan ako ng teoriya ng ebolusyon, pero walang makapagpaliwanag kung paano nagsimula ang buhay. Nang maging Taoista ang mga magulang ko, lagi akong nakikinig sa kanilang mga relihiyosong lider at marami akong itinatanong. Pero iilang sagot lang ang nakakumbinsi sa akin.
Bakit ginusto mong maging mathematician?
Noong nasa elementarya ako, nagkainteres ako sa mathematics. Nagpatuloy ito hanggang sa makapag-aral ako sa unibersidad, kung saan nagustuhan ko ang mga kurso sa mathematics at probability. Para sa akin, ang isang tuwirang mathematical proof ay maganda at kahanga-hanga.
Bakit ka naging interesado sa Bibliya?
Noong 1978, ang asawa kong si Jinghuei ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at paminsan-minsan, sumasama ako sa kanilang pag-aaral. Nakatira na kami noon sa Estados Unidos. Katatanggap lang ni Jinghuei ng kaniyang doctorate degree sa physics, at nag-aaral naman ako ng statistics sa Purdue University sa Indiana.
Ano ang masasabi mo sa Bibliya?
Humanga ako sa ulat nito kung paano inihanda ang lupa para sa mga tao. Kahit simpleng pananalita lang ang pagkakalarawan ng Genesis tungkol sa anim na yugto ng paglalang, mukhang tumpak ito—hindi gaya ng sinaunang mga alamat. * Pero sa loob ng maraming taon, hindi pa rin ako naniwalang mayroong Maylikha.
Bakit ka nahirapang gawin iyon?
Kung maniniwala ako sa isang Maylikha, parang tinalikuran ko na ang relihiyong kinagisnan ko
Mabigat kasi sa loob ko. Kung maniniwala ako sa isang Maylikha, parang tinalikuran ko na ang relihiyong kinagisnan ko. Hindi kasi itinuturo sa tradisyonal na Taoismo na mayroon ngang Diyos, o Maylikha.
Pero bakit nagbago ang pananaw mo?
Habang pinag-iisipan ko ang pinagmulan ng buhay, lalo akong nakukumbinsi na napakasalimuot ng unang nabubuhay na bagay. Halimbawa, kailangang may kakayahan itong makapagparami, na nangangailangan ng henetikong impormasyon at pamamaraan para tumpak nitong makopya ang impormasyong iyon. At kahit ang pinakasimpleng buháy na selula ay nangangailangan ng mga makina para makagawa ng mga bahagi ng bagong selula, at para makagamit ng enerhiya at makontrol ito. Paano aksidenteng mabubuo ang gayong masalimuot na mga mekanismo mula sa walang-buhay na materya? Bilang isang mathematician, hindi ko iyon matanggap. Napakaimposibleng nagkataon lang ang lahat ng iyon.
Ano ang nagpakilos sa iyo na suriing mabuti ang turo ng mga Saksi ni Jehova?
Hindi regular ang pakikipag-aral ko sa mga Saksi. Pero noong 1995, habang nasa Taiwan, nagkasakit ako at nangailangan ng tulong. Mula sa Estados Unidos, kinontak ng asawa ko ang mga Saksi ni Jehova sa Taiwan. Nakita nila akong nanlalambot sa labas ng isang ospital dahil wala na ritong available na kama. Isang Saksi ang nagdala sa akin sa isang hotel para makapagpahinga. Lagi niya akong kinukumusta at sinasamahan sa klinika para magpagamot.
Talagang naantig ako sa pagmamalasakit na iyon, at naalaala ko kung gaano kadalas nagpakita ng kabaitan ang mga Saksi ni Jehova sa pamilya ko. Nakita kong ibang-iba ang mga Saksi dahil sa pananampalataya nila. Kaya nakipag-aral ulit ako ng Bibliya. Nang sumunod na taon, nabautismuhan ako.
Nagkakasalungatan ba ang paniniwala mo at ang pinag-aralan mo?
Hindi! Nitong nakaraang mga taon, tumulong ako sa mga siyentipiko na nag-aaral tungkol sa mga gene. Ang pag-aaral ng genetics ay nagbibigay ng kaunawaan tungkol sa mekanismo ng buhay—isang kaunawaang nagpahanga sa akin sa karunungan ng Maylikha.
Puwede ka bang magbigay ng halimbawa ng karunungang iyan?
Pansinin ang reproduction, o pagpaparami. May mga organismo, gaya ng amoeba, na walang lalaki o babae. Ang mga mikrobyong ito na iisang selula ay gumagawa ng kopya ng kanilang henetikong impormasyon at saka naghahati—isang prosesong tinatawag na asexual reproduction. Pero karamihan ng mga hayop at halaman ay nagpaparami sa pamamagitan ng seksuwal na paraan, na pinagsasama ang henetikong impormasyon mula sa magulang na lalaki at babae. Bakit kahanga-hanga ang sexual reproduction?
Paanong ang isang sistema ng pagpaparami kung saan ang isang organismo ay nahahati sa dalawa—at matagumpay namang nagagawa sa loob ng napakahabang panahon—ay magiging isang sistema kung saan ang dalawang bagay ay nagsasama para maging isa? Napakasalimuot ng mga mekanismong kailangan para kunin ang kalahati ng henetikong impormasyon mula sa lalaki at ang kalahati naman mula sa babae, at pagsamahin ang mga ito. Napakalaking problema nito para sa mga evolutionary biologist. Para sa akin, ang pagpaparami sa pamamagitan ng kasarian ay walang-dudang resulta ng talino ng Diyos.
^ par. 11 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga yugto ng paglalang, tingnan ang brosyur na Saan Nagmula ang Buhay? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available online sa www.isa4310.com/tl.