MGA BANSA AT MGA TAO
Pagbisita sa Uzbekistan
TRANSOXIANA. Ang Lupain sa Pagitan ng mga Ilog. Tartary. Turkistan. Maraming itinawag sa rehiyong ito na kinaroroonan ngayon ng Uzbekistan, ang “Lupain ng mga Uzbek.” Mula pa noong ika-15 siglo, ang mga lunsod ng Uzbekistan ay pinakinabangan ng mga naglalakbay na mangangalakal na dumaraan sa Daang Seda, ang magkakarugtong na mga lansangan mula Tsina patungong Mediteraneo. Cotton ang pangunahing telang ibinebenta ngayon sa pamilihang Uzbek. Mabibili rin dito ang magagandang carpet na gawa sa cotton, lana, o seda.
Sa buong kasaysayan, maraming bansang nakaimpluwensiya sa kulturang Uzbek. Dumaan sa kabundukan at disyerto ng Uzbekistan ang bantog na mga manlulupig at ang kanilang makapangyarihang mga hukbo. Kabilang sa kanila si Alejandrong Dakila, na dito nakilala ang minamahal niyang si Roxane; si Genghis Khan, mula sa Mongolia; at si Timur (kilalá rin bilang Tamerlane), isang tagarito na namahala sa isa sa pinakamalalawak na imperyo sa kasaysayan.
Makikita sa Uzbekistan ang magaganda at makukulay na bantayog na may mga dome na nababalutan ng tiles
na kulay asul. Marami sa mga gusaling ito ay nagsisilbing mga paaralan.Ang Daang Seda. Ginagamit na ito bago pa ang ating karaniwang panahon at hanggang sa mabuksan ang ruta sa dagat patungong India noong pagtatapos ng ika-15 siglo C.E. Ang daang ito para sa kalakalan, na may ilang bahaging nasa teritoryo ngayon ng Uzbekistan, ay nagkaroon ng mahalagang papel sa pandaigdig na komersiyo.
Ang Dagat Aral. Dahil sa paglilihis ng tubig para sa irigasyon, unti-unting natuyo ang Dagat Aral, na dati ay ikaapat na pinakamalaking lawa sa buong mundo. Sinisikap itong solusyunan ng Uzbekistan sa tulong ng iba pang mga bansa sa Gitnang Asia.
Ang pabago-bagong alpabeto ng Uzbekistan. Iba’t ibang wika ang ginamit dito, at nang masakop ito ng mga Muslim noong ikawalong siglo, ginamit ang wikang Arabe. Nang mapabilang ito sa Unyong Sobyet, ginamit muna ang alpabetong Latin at pagkatapos ay pinalitan ng Cyrillic noong pagtatapos ng dekada ng 1930. Dahil sa isang bagong batas noong 1993, sinimulang gamitin ang alpabetong Uzbek, na batay sa alpabetong Latin.