Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

MAY NAGDISENYO BA NITO?

Ang Balat ng Thorny Devil Lizard

Ang Balat ng Thorny Devil Lizard

ANG Australian thorny devil lizard (Moloch horridus) ay nakakakuha ng halumigmig mula sa fog, hangin, at basang buhangin. Pagkatapos, pinadadaloy nito ang tubig patungo sa bibig nito para mainom. Paano? Ang sekreto ay maaaring nasa kahanga-hangang balat nito.

Ang mga uka sa ibabaw ng balat ay konektado sa mga daluyan sa ilalim ng balat para ang tubig ay mapunta sa gilid ng bibig ng thorny devil

Pag-isipan ito: Ang balat ng thorny devil ay nababalutan ng kaliskis. Ipinapalagay ng ilang siyentipiko na ang halumigmig o hamog na naiipon sa ibabaw ng mga kaliskis nito ay umaagos patungo sa magaspang na balat nito at pumapasok sa bahagyang-nakabukas na mga daluyan, o uka, na nasa pagitan ng mga kaliskis. Ang mga daluyang ito ay konektado sa isa’t isa at papunta sa gilid ng bibig ng thorny devil.

Pero paano napaaakyat ng thorny devil ang tubig sa mga binti nito papunta sa katawan at sa bibig nito, na labag sa batas ng grabidad? At paano ito nakakakuha ng halumigmig kapag kumikiskis ang kaniyang tiyan sa basang mga bagay?

Mukhang natuklasan na ng mga mananaliksik ang sekreto ng thorny devil. Ang mga daluyan sa ibabaw ng balat nito ay konektado sa iba pang magkakaugnay na daluyang nasa ilalim naman ng balat nito. Dahil sa kayarian ng mga daluyang ito, nagkakaroon ng capillary action, kung saan ang tubig ay nakaaakyat sa makikipot na espasyo nang salungat sa puwersa ng grabidad. Kaya naman ang balat ng thorny devil ay nagsisilbing parang sponge.

Sinabi ni Janine Benyus, presidente ng Biomimicry Institute, na ang pagkopya sa mga teknolohiyang nakakakuha ng halumigmig ay tutulong sa mga inhinyero na magdisenyo ng pamamaraang makapag-aalis ng halumigmig sa hangin para mas mapalamig ang mga gusali at makakuha ng tubig na maiinom.

Ano sa palagay mo? Ang balat ba ng thorny devil na nakakakuha ng halumigmig ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?