Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Turuan ang mga Anak na Maging Masunurin

Turuan ang mga Anak na Maging Masunurin

ANG HAMON

Madalas kayong magtalo ng iyong apat-na-taóng-gulang na anak, at parang laging siya ang nananalo.

  • Kapag may ipinagagawa ka sa kaniya na ayaw niyang gawin, hindi ka niya pinapansin.

  • Kapag pinagbabawalan mo naman siya sa gusto niya, nag-aalburoto siya.

Baka isipin mo, ‘Lilipas din kaya ito? Aasa na lang ba ako na magbabago siya paglaki niya?’

Puwede mong turuan ang iyong anak na maging masunurin. Pero bago natin pag-usapan iyan, alamin muna ang isang posibleng dahilan kung bakit ganoon ang ugali niya.

ANG DAHILAN

Noong bagong-silang ang iyong anak, ang pangunahing papel mo ay bilang tagapag-aruga. Sunod-sunuran ka sa kaniya. Kaunting iyak lang, natataranta ka nang ibigay ang kailangan niya. Tama lang naman iyon. Dapat na tutok na tutok ang magulang sa pangangailangan ng kaniyang sanggol.

Pagkatapos ng gayong pag-aasikaso sa loob ng ilang buwan, natural lang na kikilos ang bata na parang siya ang boss at ang kaniyang mga magulang ay parang mga alipin na sunod-sunuran sa kaniya. Pero kadalasan, pagtuntong niya ng dalawang taon, nakikita ng bata na hindi na siya puwedeng “maghari-harian.” Hindi na sinusunod ng kaniyang mga magulang ang gusto niya; siya na ang dapat sumunod sa kanila. Napakalaking pagbabago nito para sa mga bata! Kaya naman ang ilan ay nag-aalburoto. Sinusubok naman ng iba ang awtoridad ng kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pagsuway.

Sa pagkakataong iyon, magkakaroon ng bagong papel ang magulang—bilang awtoridad na nagbibigay ng malinaw na tagubilin kung ano ang dapat gawin ng anak. Pero paano kung hindi pinapansin o sinusuway pa nga ng iyong anak ang mga tagubilin mo, gaya ng inilalarawan sa simula ng artikulo?

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Manguna. Hindi kikilalanin ng anak mo ang iyong awtoridad kung hindi ka niya nakikitang nangunguna. Kaya sa timbang na paraan, gamitin ang iyong awtoridad. Nitong nakalipas na mga dekada, pinalitaw ng diumano’y mga eksperto na masama ang salitang “awtoridad.” Sinabi pa nga ng isa na ang awtoridad ng magulang ay “labag sa etika” at “imoral.” Pero kung magiging mapagpalayaw naman ang mga magulang, malilito, magiging spoiled, at lalakí ang ulo ng mga bata. Kapag nangyari iyon, hindi sila lalakíng responsable.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 29:15.

Maglapat ng disiplina. Ayon sa isang diksyunaryo, ang disiplina ay “pagsasanay na nagbubunga ng pagkamasunurin o pagpipigil sa sarili, kadalasan nang sa pamamagitan ng mga alituntunin at parusa kapag hindi ito sinunod.” Siyempre pa, ang disiplina ay hindi dapat na labis-labis at mapang-abuso. Pero hindi rin ito dapat maging malabo o ituring na di-mahalaga, dahil hindi nito mauudyukan ang bata na magbago.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 23:13.

Maging malinaw. May mga magulang na pinakikiusapan ang kanilang mga anak para mapasunod. (“Gusto ko linisin mo ang kuwarto mo, ha?”) Baka iniisip nila na ito ay pagpapakita ng kabaitan. Pero sa paggawa nito, parang nagiging sunod-sunuran ang magulang at ipinauubaya sa anak kung susunod siya o hindi. Kaya gamitin ang iyong awtoridad at magbigay ng malinaw at tuwirang tagubilin.—Simulain sa Bibliya: 1 Corinto 14:9.

Maging matatag. Kapag nagsabi ka ng hindi, totohanin ito at tiyaking nagkakaisa kayo ng asawa mo. Kapag nagtakda ka ng parusa para sa isang kasalanan, ipatupad iyon. Huwag kang makipagnegosasyon o makipagdiskusyon kung bakit ganoon ang desisyon mo. Magiging madali para sa anak mo—at para sa iyo—kung ‘ang iyong Oo ay mangangahulugang Oo, at ang iyong Hindi, Hindi.’—Santiago 5:12.

Magpakita ng pag-ibig. Ang pamilya ay hindi demokrasya, pero hindi rin ito diktadura. Sa halip, ito ay isang bigay-Diyos na kaayusan, kung saan ang mga anak ay maibiging ginagabayan para maging responsableng mga adulto. Para magawa iyan, kailangan ang disiplina na magtuturo sa iyong anak na maging masunurin at magpapadama na mahal mo siya.