TAMPOK NA PAKSA
Ano Na ang Nangyari sa Disiplina?
Nitong nakaraang mga dekada, malaki ang ipinagbago ng mga pamilya sa mga bansa sa Kanluran. Dati, mga magulang ang nasusunod at pinakikinggan sila ng mga bata. Pero ngayon, sa ilang tahanan, baligtad na ang sitwasyon. Pansinin ang tatlong senaryo na batay sa karaniwang pangyayari.
-
Habang nasa tindahan kasama ng kaniyang nanay, isang apat-na-taóng gulang na batang lalaki ang kumuha ng isang laruan. Inawat siya ng nanay niya. “Marami ka nang laruan, ’di ba?” Pero huli na nang maisip ng nanay na hindi siya dapat nagtanong. “Pero gusto ko ’to!” iyak ng bata. Sa takot na mag-alburoto na naman ang kaniyang anak, pinagbigyan na lang niya ito.
-
Isang limang-taóng-gulang na batang babae ang sumabad habang may kausap ang kaniyang tatay. “Ang tagal-tagal naman,” ang sabi niya. “Gusto ko nang umuwi!” Napahinto ang ama, yumuko, at malumanay na sinabi: “Baby, sandaling-sandali na lang, ha?”
-
Inirereklamo na naman ang 12-taóng-gulang na si James dahil sinigawan nito ang kaniyang guro. Galít ang tatay ni James—hindi sa kaniyang anak kundi sa titser nito. “Lagi ka na lang niyang pinag-iinitan,” ang sabi niya kay James. “Irereport ko na siya sa school board!”
Ang mga iyan ay halimbawa lang, pero hindi malayong mangyari. Ipinakikita ng mga ito ang totoong problema ng mga pamilya kapag kinukunsinti ng mga magulang ang masamang ugali ng kanilang mga anak, laging pinagbibigyan ang gusto ng mga ito, at “isinasalba” sila mula sa masasamang resulta ng kanilang maling paggawi. “Pangkaraniwan na lang ngayon na makitang ipinauubaya ng mga magulang ang kanilang awtoridad sa kanilang maliliit na anak,” ang sabi ng aklat na The Narcissism Epidemic. “Dati, alam ng mga bata kung sino ang boss—at alam nilang hindi sila iyon.”
Marami namang magulang ang nagsisikap na turuan ang kanilang mga anak ng kagandahang asal, hindi lang sa pamamagitan ng mabuting halimbawa kundi sa pamamagitan din ng pagbibigay ng pagtutuwid sa matatag ngunit maibiging paraan. Pero ayon sa aklat na nabanggit, ang mga magulang na iyon ay “lumalangoy nang salungat sa agos” ng lipunan.
Bakit nagkaganito? Ano na ang nangyari sa disiplina?
Humihina ang Awtoridad ng mga Magulang
Sinasabi ng ilan na nagsimulang humina ang awtoridad ng mga magulang noong dekada ’60, nang himukin ng diumano’y mga eksperto ang mga magulang na huwag silang maging masyadong istrikto sa kanilang mga anak. Sinabi ng mga eksperto: ‘Hindi ka dapat katakutan, dapat kang maging kaibigan.’ ‘Mas mabuti ang papuri kaysa sa disiplina.’ ‘Sa halip na abangan ang maling ginagawa ng anak mo para ituwid ito, tiyempuhan siya habang ginagawa niya ang tama.’ Sa halip na payuhan ang mga magulang na maging timbang sa pagbibigay ng komendasyon at disiplina, pinalitaw ng mga eksperto na makasasamâ sa marupok na emosyon ng mga bata ang pagsaway, at baka maghinanakit sila sa kanilang mga magulang paglaki nila.
Isinulong din noon ng mga eksperto ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tiwala sa sarili. Para bang natuklasan nila na ang lihim sa mahusay na pagpapalaki sa mga anak ay ito: Tulungan ang inyong mga anak na maging maganda ang tingin sa kanilang sarili. Mahalaga naman na tulungan ang mga anak na magkaroon ng kumpiyansa sa sarili. Pero sumobra ang pagtataguyod dito. Sinabi ng mga eksperto sa mga magulang: ‘Iwasang gumamit ng negatibong mga salita gaya ng hindi at masama.’ ‘Lagi mong sabihan ang iyong mga anak na sila ay espesyal at na puwede nilang abutin anuman ang pangarap nila.’ Para bang mas importante na maramdaman ng mga bata na mabuti sila kaysa sa talagang maging mabuti.
Kaya naman sinasabi ng iba na dahil sa pagtataguyod ng tiwala sa sarili, lumaki ang ulo ng mga bata, na para bang may karapatan sila sa lahat ng bagay. Marami ring kabataan
ang “hindi handa sa mga kritisismo at pagkabigo na nangyayari sa totoong buhay,” ang sabi ng aklat na Generation Me. Sabi nga ng isang tatay na binanggit sa aklat: “Sa trabaho, walang pakialam ang mga tao sa kung ano ang tingin mo sa iyong sarili. . . . Kapag pangit ang report mo sa opisina, hindi naman sasabihin ng boss mo, ‘Hmm, maganda ang kulay ng papel na ginamit mo.’ Nakasasamâ sa mga bata ang ganitong pagpapalaki.”Pabago-bagong Opinyon
Sa paglipas ng mga dekada, makikita sa mga paraan ng pagpapalaki sa mga anak ang pabago-bagong opinyon ng tao. “Patuloy na nagbabago ang pagdidisiplina,” ang isinulat ng edukador na si Ronald G. Morrish. “Nasasalamin dito ang mga pagbabago sa lipunan natin.” * Gaya nga ng sabi ng Bibliya, napakadali para sa mga magulang na ‘siklot-siklutin ng mga alon at dalhing paroo’t parito ng bawat hangin ng turo.’—Efeso 4:14.
Maliwanag na hindi naging maganda ang epekto ng pagiging maluwag sa mga anak. Hindi lang nito pinahina ang awtoridad ng mga magulang kundi ipinagkait din nito sa mga anak ang gabay na kailangan nila sa paggawa ng mga desisyon at sa pagharap sa buhay nang may tunay na tiwala sa sarili.
Mayroon bang mas epektibong paraan?
^ par. 15 Amin ang italiko; mula sa aklat na Secrets of Discipline: 12 Keys for Raising Responsible Children.