TAMPOK NA PAKSA | PAANO NAGSIMULA ANG BUHAY?
Dalawang Mahahalagang Tanong
1 Saan Nagmula ang Buhay?
ANG SINASABI NG IBA. Ang buhay ay nanggaling sa walang buhay na bagay.
KUNG BAKIT HINDI KUMBINSIDO RITO ANG ILAN. Mas marami nang alam ngayon ang mga siyentipiko tungkol sa kemistri at molekular na kayarian ng buhay, pero hindi pa rin nila matiyak kung ano nga talaga ang buhay. Napakalayo ng agwat ng mga bagay na walang buhay sa kahit pinakasimpleng nabubuhay na selula.
Puro espekulasyon lang ang sinasabi ng mga siyentipiko tungkol sa kalagayan ng lupa noong nakalipas na bilyon-bilyong taon. Iba-iba ang pananaw nila kung saan nagmula ang buhay—halimbawa, kung sa bulkan o sa ilalim ng sahig ng dagat. Naniniwala naman ang iba na ang mga elemento ng buhay ay unang nabuo sa ibang lugar ng uniberso at nakarating dito sa pamamagitan ng mga bulalakaw. Pero hindi pa rin nito nasasagot kung paano talaga nagsimula ang buhay; lalo pa nga itong nagpapalabo sa isyu.
Ayon sa teoriya ng mga siyentipiko, mayroon nang mga molekula na naging genetic material nang maglaon. Ang mga molekulang iyon diumano ay malamang na kusang lumitaw mula sa mga walang-buhay na bagay at na may kakayahang magparami. Pero hindi mapatunayan ng siyensiya na mayroon ngang ganitong mga molekula, at ni hindi makagawa ang mga siyentipiko ng mga tulad nito sa laboratoryo.
Kakaiba ang mga bagay na may buhay pagdating sa pag-iimbak at pagpoproseso ng impormasyon. Inihahatid, ini-interpret, at isinasagawa ng mga selula ang mga detalyeng nasa genetic code nila. Para sa ilang siyentipiko, ang genetic code ay gaya ng computer software, at ang kemikal na kayarian ng selula ay gaya naman ng computer hardware. Pero hindi maipaliwanag ng ebolusyon kung saan nagmumula ang impormasyon.
Ang mga molekula ng protina ay kailangan para gumana ang isang selula. Ang isang karaniwang molekula ng protina ay may daan-daang amino acid na kawing-kawing sa isang espesipikong pagkakasunod-sunod. Dapat din itong nakatupi sa isang partikular na three-dimensional na hugis para maging kapaki-pakinabang. Sinasabi ng ilang siyentipiko na ang posibilidad na kusang mabuo ang kahit isang molekula ng protina ay napakalayong mangyari. Isinulat ng pisikong si Paul Davies: “Dahil libo-libong magkakaibang protina ang kailangan para gumana ang isang selula, di-tamang isipin na basta na lang umiral ang mga iyon.”
KONKLUSYON. Matapos ang maraming dekadang pananaliksik sa halos lahat ng larangan ng siyensiya, hindi pa rin nagbabago ang katotohanan na ang buhay ay nagmula tangi lamang sa dati nang umiiral na buhay.
2 Paano Na-develop ang mga Bagay na May Buhay?
ANG SINASABI NG IBA. Ang unang nabubuhay na organismo ay unti-unting na-develop sa iba’t ibang uri ng bagay na may buhay, kasama na ang tao, sa pamamagitan ng random mutation at ng natural selection.
KUNG BAKIT HINDI KUMBINSIDO RITO ANG ILAN. May mga selula na mas masalimuot kaysa sa iba. Ayon sa isang reperensiya, kung paano nade-develop ang simpleng mga selula tungo sa mas masasalimuot na selula ay “madalas na itinuturing na pangalawa sa mga pangunahing misteryo, kasunod ng pinagmulan ng buhay.”
Nadiskubre ng mga siyentipiko na sa loob ng bawat selula, may masasalimuot na makina ng molekula na binubuo ng mga molekula ng protinang nagtutulungan para maisagawa ang mga komplikadong trabaho. Halimbawa, naghahatid ito ng mga nutriyente at kino-convert iyon sa enerhiya, nagre-repair ng mga bahagi ng selula, at nagtatawid ng mga mensahe sa buong selula. Resulta lang ba ng random mutation at ng natural selection ang lahat ng masalimuot na prosesong iyan? Hindi matanggap ng marami ang konseptong iyan.
Ang mga hayop at tao ay nabubuo mula sa isang pertilisadong itlog. Sa loob ng embryo, ang mga selula ay dumarami at nagkakaroon ng iba’t ibang hugis at trabaho para mabuo ang partikular na mga bahagi ng katawan. Hindi maipaliwanag ng ebolusyon kung paano “nalalaman” ng bawat selula kung anong bahagi ng katawan ang bubuuin nito at kung saan ito pupuwesto.
Nakita ng mga siyentipiko na para ma-develop ang isang uri ng hayop tungo sa ibang uri ng hayop, kailangang may mangyaring pagbabago sa mga molekula na bumubuo ng selula. Hindi maipaliwanag ng mga siyentipiko kung paano makabubuo ng kahit “pinakasimpleng” selula sa pamamagitan ng ebolusyon. Kung gayon, makatuwiran bang sabihin na ang pag-iral ng iba’t ibang uri ng hayop ay resulta ng random mutation at ng natural selection? Sinabi ng propesor ng biyolohiya na si Michael Behe na bagaman “isiniwalat [ng pananaliksik] ang di-inaasahan, kamangha-mangha, at napakasalimuot na kayarian ng hayop, hindi pa rin maipaliwanag kung paano ito umiral sa pamamagitan ng ebolusyon.”
Ang mga tao ay may kakayahang mag-isip at mangatuwiran, may mga katangiang gaya ng pagiging bukas-palad at mapagsakripisyo, at may kabatiran sa kung ano ang tama at mali. Hindi maipaliwanag kung paano umiral sa pamamagitan ng random mutation at ng natural selection ang ganitong pambihirang kakayahan ng isip ng tao.
KONKLUSYON. Kahit iginigiit ng marami na talagang ebolusyon ang pinagmulan ng buhay, hindi pa rin kumbinsido ang iba sa paliwanag ng teoriyang ito tungkol sa kung paano nagsimula at na-develop ang buhay.