Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | KABATAAN

Kung Paano Kokontrolin ang Iyong Galit

Kung Paano Kokontrolin ang Iyong Galit

ANG HAMON

“Sinigawan ko ang kapatid ko sabay tulak sa pinto, kaya bumaon sa pader y’ong hook sa likod ng pinto namin. Sa tuwing makikita ko y’ong butas na ‘yon, naaalala ko kung gaano ako ka-immature noon.”​—Diane. *

“ ‘Wala kang kuwentang tatay!’ ang sigaw ko sa tatay ko, sabay bagsak sa pinto. Pero bago ‘to magsara, nakita ko sa mukha ng tatay ko na nasaktan siya sa sinabi ko. Kung mababawi ko lang sana ang sinabi ko.”​—Lauren.

Nakaka-relate ka ba kina Lauren at Diane? Kung oo, makatutulong sa iyo ang artikulong ito.

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Kung magagalitin ka, masisira ang reputasyon mo. “Iniisip ko noon na dapat tanggapin na lang ng iba ang pagiging magagalitin ko,” ang sabi ni Briana, 21 anyos na ngayon. “Pero napansin kong nagmumukha palang kawawa y’ong mga di-marunong magkontrol ng galit, at naisip ko​—ganiyan din pala ang tingin ng iba sa ‘kin!”

Sinasabi ng Bibliya: “Siyang madaling magalit ay gagawa ng kamangmangan.”​—Kawikaan 14:17.

Tumatakbo ang mga tao papalayo sa sumasabog na bulkan; umiiwas din sila sa sumasabog sa galit

Kung mainitin ang ulo mo, lalayuan ka ng mga tao. “Kapag hindi mo nakontrol ang galit mo,” ang sabi ng 18-anyos na si Daniel, “mawawala ang dignidad mo at ang paggalang sa ‘yo ng mga tao.” Sang-ayon diyan si Elaine, 18 anyos din. “Hindi ka magugustuhan ng mga tao kung mainitin ang ulo mo,” ang sabi niya. “Matatakot pa nga sila sa ‘yo.”

Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kang makikisama sa sinumang madaling magalit; at sa taong magagalitin ay huwag kang sasama.”​—Kawikaan 22:24.

Puwede kang magbago. “Hindi mo laging makokontrol ang madarama mo sa isang sitwasyon,” ang sabi ng 15-anyos na si Sara, “pero puwede mong kontrolin ang reaksiyon mo. Hindi mo kailangang sumabog sa galit.”

Sinasabi ng Bibliya: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki, at siyang sumusupil sa kaniyang espiritu kaysa sa bumibihag ng lunsod.”​—Kawikaan 16:32.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Magtakda ng tunguhin. Sa halip na sabihin, “Ganito na talaga ako,” sikaping gumawa ng pagbabago sa loob ng espesipikong haba ng panahon​—halimbawa, sa loob ng anim na buwan. Sa panahong iyon, ilista ang nagagawa mong pagsulong. Kapag hindi mo nakokontrol ang galit mo, isulat (1) kung ano ang nangyari, (2) kung ano ang naging reaksiyon mo, at (3) kung ano sana ang naging reaksiyon mo​—at bakit. Pagkatapos, kapag may nakapagpagalit uli sa iyo, sikaping gawin ang mas magandang reaksiyon na inilista mo. Tip: Ilista rin ang mga pagkakataong nakontrol mo ang iyong galit. Isulat kung gaano kasarap sa pakiramdam na nakapagtimpi ka.​—Simulain sa Bibliya: Colosas 3:8.

Mag-isip bago mag-react. Kapag may nakapagpagalit sa iyo, huwag mong sabihin ang unang bagay na naisip mo. Sa halip, huminahon ka. Huminga nang malalim kung kailangan. “Kapag humihinga ako nang malalim,” ang sabi ng 15-anyos na si Erik, “nakakapag-isip ako bago makagawa o makapagsalita ng isang bagay na pagsisisihan ko.”​—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 21:23.

Lawakan ang pang-unawa. Kung minsan, baka nagagalit ka dahil isang anggulo lang ng isyu ang nakikita mo​—ang bahagi na nakaaapekto sa iyo. Sikaping pag-isipan ang maaaring nadarama ng iba. “Kahit napakagaspang ng iba,” ang sabi ng kabataang si Jessica, “kadalasan namang may dahilan kung bakit sila gano’n at nakakatulong ‘yon para mas maintindihan ko sila.”​—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 19:11.

Umalis kung kailangan. Sinasabi ng Bibliya: “Bago sumiklab ang away, umalis ka na.” (Kawikaan 17:14) Gaya ng ipinahihiwatig ng teksto, kung minsan, mas magandang umalis na lang kapag umiinit na ang sitwasyon. Pagkatapos, sa halip na isip-isipin ang nangyari at lalong galitin ang sarili, gumawa ng ibang bagay. “Kapag nag-e-exercise ako, nababawasan ang stress ko at mas nakokontrol ko ang galit ko,” ang sabi ng kabataang babae na si Danielle.

Matutong magpalampas. Sinasabi ng Bibliya: “Maligalig kayo, ngunit huwag magkasala. Magsalita kayo sa inyong puso, . . . at manahimik kayo.” (Awit 4:4) Pansinin na okey lang na makadama ng galit. Pero ang tanong, Ano ang gagawin mo? “Kapag hinahayaan mo ang iba na painitin ka sa galit,” ang sabi ng kabataang si Richard, “hinahayaan mong kontrolin ka nila. Sikapin mong maging mature at palampasin na lang ang nangyari.” Kung gagawin mo iyan, makokontrol mo ang galit mo sa halip na ikaw ang makontrol nito.

^ par. 4 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.