Malalaking Mata—Maliit na Katawan!
PARA sa marami, cute ito; sa ilan naman, kakatwa ito. Payat ang mga paa nito, may malambot na balahibo, at may malalaking mata. Ang katawan nito ay mga 12.5 sentimetro ang haba, at tumitimbang ng mga 114 na gramo. Ano ito? Ito ang tarsier!
Tingnan natin nang malapitan ang isang uri nito, ang tarsier ng Pilipinas. Ang mga mata, tainga, kamay, paa, binti, at buntot nito ay waring malaki kumpara sa kaniyang katawan. Pero kung susuriing mabuti ang kakatwang nilalang na ito, makikita natin ang isang kahanga-hangang disenyo.
PANDINIG: Ang tainga ng tarsier na parang papel ay naitutupi, at naririnig nito kahit ang pinakamahinang tunog. Ang matalas na pandinig nito ay hindi lang nakatutulong para makaiwas sa mga maninila na gaya ng maiilap na pusa, kundi para makahanap din ng pagkain. Pagsapit ng dilim, dinedetek nito ang ingay ng mga kuliglig, anay, uwang, ibon, at palaka. Pagkatapos, ibinabaling nito ang kaniyang ulo para makita ng nakaluwa niyang mga mata ang mabibiktima.
PAGKAPIT: Ang mga kamay ng tarsier ay dinisenyo para makakapit sa maliliit na sanga. Ang mga daliri nito ay may kakaibang pansapin na may maliliit na umbok na kumakapit na gaya ng tread ng gulong. Kahit natutulog, kailangan pa ring kumapit nang mahigpit ang tarsier. Ang mga umbok sa mahabang buntot nito ay nakatutulong sa kaniya na manatili sa puwesto hanggang sa magising.
PANINGIN: Walang ibang mamal na may ganito kalaking mata kung ikukumpara sa kaniyang katawan. Sa katunayan, ang bawat mata ng tarsier na ito ay mas malaki pa kaysa sa utak nito! Hindi naigagalaw ng tarsier ang kaniyang mata; deretso lang ang tingin nito. Disbentaha ba ang disenyong ito? Hindi naman. Kasi naigagalaw naman nito ang kaniyang leeg nang 180 digri sa bawat panig.
LIKSI: Ang mahahabang binti ng tarsier ay kayang tumalon nang hanggang anim na metro—mahigit 40 beses ng haba ng mismong katawan nito! Kapag naghahanap ng pagkain sa dilim, lulundag ito at dadakmain nang eksakto ang kaniyang biktima.
Kapag nakakulong, ang mga tarsier ay madaling mamatay dahil matakaw ito sa buháy na mga insekto at ayaw nitong magpahawak. Gayunman, kinawiwilihan pa rin ng mga Pilipino ang kakaibang nilalang na ito. Kahanga-hanga ang halos lahat ng bahagi ng katawan ng cute na nilalang na ito na may malalaking mata.