TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK
Kung Paano Magsasabi ng “Hindi”
ANG HAMON
Nag-aalburoto ang anak mo kapag sinasabihan mo siya ng hindi. Sa tuwing sasabihin mo ang salitang iyan, nagwawala siya kung kaya nasusubok ang pasensiya mo. Kahit ano’ng gawin mo, hindi mo siya mapakalma, hanggang sa mapilitan ka nang pumayag sa gusto niya. Muli, ang iyong matatag na hindi ay nagiging pilít na oo.
Puwede mo itong solusyonan. Pero isaalang-alang muna natin ang ilang bagay tungkol sa pagsasabi ng hindi.
ANG DAPAT MONG MALAMAN
Hindi kalupitan ang magsabi ng hindi. Tutol diyan ang ilang magulang, anupat sinasabing dapat kang magpaliwanag sa iyong anak, makipagkatuwiranan, o makipagnegosasyon pa nga. Pero iwasan mo raw magsabi ng hindi, dahil baka maghinanakit ang iyong anak.
Oo, baka sa umpisa ay ikalungkot ng iyong anak ang salitang “hindi.” Pero naituturo nito sa kaniya ang isang mahalagang aral—na sa totoong buhay, hindi lahat ng gusto natin ay nasusunod. Kapag pumapayag ka sa gusto niya, pinahihina mo ang iyong awtoridad at tinuturuan mo siyang manipulahin ka sa pamamagitan ng pagmamaktol sa tuwing may magugustuhan siyang isang bagay. Darating ang panahon, maiinis na siya sa iyo. Paano nga ba naman maigagalang ang isang magulang na madaling manipulahin?
Sa pagsasabi ng hindi, inihahanda mo ang isang bata sa pagiging tin-edyer at adulto. Itinuturo nito sa kaniya ang mga pakinabang ng pagkakait sa sarili. Kapag natutuhan ng bata ang mahalagang aral na iyan, malamang na hindi siya magpadala sa panggigipit na magdroga o makipag-sex nang di-kasal kapag tin-edyer na siya.
Sa pagsasabi ng hindi, sinasanay mo rin ang isang bata sa pagiging adulto. “Ang totoo, hindi natin [mga adulto] laging nakukuha ang gusto natin,” ang isinulat ni Dr. David Walsh. “Hindi natin natutulungan ang ating mga anak kung lagi nating ibibigay ang gusto nila.” *
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Magpokus sa tunguhin mo. Gusto mong lumaki ang anak mo bilang may-kakayahan, may-gulang sa emosyon, at matagumpay na adulto. Pero kinokontra mo ang tunguhing iyan kapag ibinibigay mo ang lahat ng gusto niya. Sinasabi ng Bibliya na kung ang isa ay “pinalalayaw . . . mula pa sa pagkabata, siya ay magiging walang utang na loob sa dakong huli.” (Kawikaan 29:21) Kung gayon, ang pagsasabi ng hindi ay kasama sa mahusay na pagdidisiplina. Ang gayong pagsasanay ay makatutulong sa iyong anak sa halip na makasakit sa kaniya.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 19:18.
Kapag nagsabi ka ng hindi, maging matatag. Hindi mo kapantay ang anak mo. Kaya hindi ninyo kailangang pagtalunan ang pagsasabi mo ng hindi, na para bang kailangan mo itong paaprobahan sa kaniya. Siyempre pa, habang lumalaki ang mga bata, kailangang “[masanay] ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Kaya hindi maling makipagkatuwiranan sa isang bata. Pero iwasan ang walang-katapusang paliwanagan kung bakit ka nagsabi ng hindi. Habang humahaba ang pagpapaliwanag mo, iisipin niyang hindi iyon isang desisyon kundi pakiusap.—Simulain sa Bibliya: Efeso 6:1.
Panindigan ang iyong desisyon. Baka subukin ng iyong anak ang paninindigan mo sa pamamagitan ng pagmamaktol o pagmamakaawa. Kapag nangyari iyan sa bahay ninyo, ano ang gagawin mo? “Humiwalay ka sa anak mo,” ang mungkahi ng aklat na Loving Without Spoiling. “Sabihin mo, ‘Kung gusto mong magmaktol, bahala ka. Pero ayokong marinig ’yan. Do’n ka sa kuwarto mo. Magmaktol ka hanggang gusto mo.’” Sa umpisa, baka mahirap sa iyo ang gayong paninindigan—at baka mahirap din sa iyong anak na matanggap iyon. Pero malamang na hindi na siya gaanong tututol kapag nakikita niyang desidido ka.—Simulain sa Bibliya: Santiago 5:12.
Huwag magsabi ng hindi para lang ipakita ang awtoridad mo
Maging makatuwiran. Huwag magsabi ng hindi para lang ipakita ang awtoridad mo. Sa halip, “makilala nawa ng lahat ng tao ang [iyong] pagkamakatuwiran.” (Filipos 4:5) May mga pagkakataong puwede kang magsabi ng oo sa anak mo—basta’t hindi ito dahil sa pagmamaktol niya kundi dahil makatuwiran naman ang hinihiling niya.—Simulain sa Bibliya: Colosas 3:21.
^ par. 10 Mula sa aklat na No: Why Kids—of All Ages—Need to Hear It and Ways Parents Can Say It.