Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Relihiyon

Relihiyon

Bakit napakaraming relihiyon?

“Pinababayaan ang utos ng Diyos, nanghahawakan kayong mahigpit sa tradisyon ng mga tao.”Marcos 7:8.

ANG SABI NG BIBLIYA

Likas sa mga tao ang makadama ng pangangailangang sumamba sa Diyos. (Mateo 5:3) Dahil dito, nagtatag sila ng maraming relihiyon ayon sa mga ideya ng tao at hindi ayon sa Diyos.

Halimbawa, ganito ang sabi ng Bibliya tungkol sa mga miyembro ng isang relihiyosong grupo noong unang siglo: “May sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman; sapagkat, dahil sa hindi pagkaalam sa katuwiran ng Diyos kundi pinagsisikapang itatag ang sa kanilang sarili, hindi sila nagpasakop sa katuwiran ng Diyos.” (Roma 10:2, 3) Sa ngayon, marami ring relihiyon ang ‘nagtuturo ng mga utos ng tao bilang doktrina.’Marcos 7:7.

 Kailangan bang maging miyembro ng isang relihiyon?

“Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon.”Hebreo 10:24, 25.

ANG SABI NG BIBLIYA

Ginamit sa Hebreo 10:25 ang pananalitang “hindi pinababayaan ang ating pagtitipon.” Ipinakikita nito na gusto ng Diyos na magtipon ang mga tao bilang organisadong grupo para sumamba sa kaniya. Pero magkakani-kaniya ba ang bawat mananamba sa kanilang interpretasyon kung sino ang Diyos at kung ano ang hinihiling niya? Hindi. Ayon sa Bibliya, ang mga sumasamba sa paraang sinasang-ayunan ng Diyos ay dapat “magsalita nang magkakasuwato” at “lubos [na] magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10) Oorganisahin sila bilang mga kongregasyon at makikita sa kanila ang “pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid” sa buong daigdig. (1 Pedro 2:17; 1 Corinto 11:16) Ang ganitong nagkakaisa at organisadong pagsamba ay kailangan para mapalugdan ang Diyos.

Paano makikilala ang tunay na relihiyon?

“Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”Juan 13:35.

ANG SABI NG BIBLIYA

Para ilarawan kung paano makikilala ang mga kabilang sa tunay na relihiyon, sinasabi ng Bibliya: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila. Ang mga tao ay hindi pumipitas ng ubas mula sa mga tinik o ng igos mula sa mga dawag, hindi ba?” (Mateo 7:16) Hindi mo kailangang maging botaniko para malaman ang pagkakaiba ng puno ng igos at ng dawag; hindi mo rin kailangang maging eksperto sa relihiyon para makilala ang tunay at ang huwad. Ano ang ilang bunga, o pagkakakilanlan, ng tunay na relihiyon?

  • Ang tunay na relihiyon ay nagtuturo ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Juan 4:24; 17:17) Hindi ito batay sa pilosopiya ng tao.

  • Ang tunay na relihiyon ay tumutulong sa mga tao na makilala ang Diyos, pati na ang kaniyang pangalang Jehova.Juan 17:3, 6.

  • Ang tunay na relihiyon ay nakapokus sa Kaharian ng Diyos, hindi sa gobyerno ng tao, bilang ang tanging pag-asa ng mga tao.Mateo 10:7; 24:14.

  • Ang tunay na relihiyon ay nagpapakita ng mapagsakripisyong pag-ibig. (Juan 13:35) Nagtuturo ito sa mga tao na igalang ang lahat ng lahi, gamitin ang panahon at tinataglay para tulungan ang iba, at huwag sumali sa mga digmaan ng mga bansa.Mikas 4:1-4.

  • Ang tunay na relihiyon ay isinasabuhay, hindi basta ritwal o pormalidad. Ang mga miyembro nito ay namumuhay ayon sa kanilang ipinangangaral.Roma 2:21; 1 Juan 3:18.

Ang mga Saksi ni Jehova, tagapaglathala ng magasing ito, ay nagsisikap na parangalan ang Diyos sa salita at sa gawa. Bakit hindi mo subukang dumalo sa isang pulong sa Kingdom Hall para makita mo mismo?

Ang tunay na relihiyon ay isinasabuhay, hindi basta ritwal o pormalidad