SULYAP SA NAKARAAN
Joseph Priestley
“Dahil sa kaniyang husay, sigasig, gawain, at pagiging makatao; sa sobrang pagkamausisa, sa lahat ng bagay na pisikal, moral, o panlipunan; sa katayuan niya sa siyensiya, sa teolohiya, sa pilosopiya, at sa politika; sa pambihirang kaugnayan niya sa Rebolusyon [sa Pransiya], at sa kahabag-habag na kuwento ng kaniyang di-makatarungang pagdurusa, maituturing siyang bayani ng ika-18 siglo.”
—Frederic Harrison, pilosopo.
ANO nga ba ang mahalagang naisagawa ni Joseph Priestley? Ang kaniyang mga tuklas at akda ay nakaapekto sa pangmalas ng mga tao sa gobyerno, sa Diyos, at maging sa hanging nilalanghap natin.
Nagsusulat man siya tungkol sa siyensiya o sa relihiyon, mas pinaboran ni Priestley ang katotohanan kaysa sa mga teoriya at tradisyon. Tingnan natin.
ANG PAGHAHANAP NIYA NG KATOTOHANAN SA SIYENSIYA
Libangan lang ni Joseph Priestley ang siyensiya. Pero nang makilala niya ang Amerikanong siyentipiko na si Benjamin Franklin noong 1765, nagsimula na siyang mag-eksperimento sa elektrisidad. Nang sumunod na taon, hangang-hanga ang mga kapuwa niya siyentipiko sa mga natuklasan niya anupat inihalal siya sa kilaláng Royal Society of London.
Sumunod, naging interesado naman si Priestley sa kemistri. Sa maikling panahon, nakatuklas siya ng mga bagong gas, kasama na ang ammonia at nitrous oxide (laughing gas). Hinaluan pa nga niya ng carbon dioxide ang tubig, anupat naimbento niya ang carbonated water.
Noong 1774 naman, habang gumagawa ng mga eksperimento sa timugang bahagi ng Inglatera, inihiwalay ni Priestley ang isang pambihirang gas na nagpapatindi sa ningas ng kandila. Pagkaraan, naglagay siya ng dalawang onsa (60 mililitro) ng gas na ito sa baso at ng isang daga. Doble ang itinagal ng buhay ng daga kaysa sa kung karaniwang hangin ang nasa baso! Nilanghap mismo ni Priestley ang gas, at sinabi niyang “naging mas maluwag ang paghinga niya pagkaraan.”
Ang natuklasan pala ni Joseph Priestley ay oxygen. * Pero tinawag niya itong dephlogisticated air, sa pag-aakalang iyon ay ordinaryong hangin lang na walang phlogiston, isang diumano’y substansiya na sinasabing panghadlang sa kombustiyon. Mali ang konklusyon ni Priestley, pero para sa marami, ang tuklas na ito “ang pinakamaganda niyang nagawa.”
ANG PAGHAHANAP NIYA NG KATOTOHANAN SA RELIHIYON
Kung paanong naniwala si Priestley na hadlang sa katotohanan ng siyensiya ang pinanghahawakang opinyon, naniwala rin siya na hadlang sa katotohanan ng relihiyon ang mga tradisyon at doktrina. Ang nakapagtataka, sa kabila ng buong-buhay niyang paghahanap ng kaalaman sa Bibliya, pinaniwalaan niya ang ilang ideya na salungat sa itinuturo ng Bibliya. Halimbawa, may panahong hindi niya kinilala na ang Bibliya ay makahimalang kinasihan ng Diyos. Tinanggihan din niya ang turo ng Bibliya na si Jesus ay umiral sa langit bago naging tao.
“Kung ang siyensiya ay ang paghahanap ng katotohanan, kung gayon, si Priestley ay isang tunay na siyentipiko.”
Pero inilantad naman ni Priestley ang mga maling turo na pinaniniwalaan ng pangunahing mga relihiyon noon, at hanggang ngayon. Isinulat niya na ang katotohanang itinuro ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod ay nabahiran ng kasinungalingan
Ikinagalit ng mga kababayang Ingles ni Priestley ang kaniyang relihiyosong mga ideya at pagsuporta sa mga rebolusyong Amerikano at Pranses. Noong 1791, winasak ng mga mang-uumog ang kaniyang bahay at laboratoryo, at nang maglaon, tumakas si Priestley patungong Estados Unidos. Bagaman nakilala sa kaniyang mga tuklas sa siyensiya, naniwala si Joseph Priestley na ang pag-aaral tungkol sa Diyos at sa Kaniyang layunin ang siyang “pinakamarangal at pinakamahalaga.”
^ par. 10 Una nang naihiwalay ng Swedish chemist na si Carl Scheele ang oxygen pero hindi nailathala ang natuklasan niya. Nang maglaon, ang gas na ito ay tinawag ng French chemist na si Antoine-Laurent Lavoisier na oxygen.