Pagmamasid sa Daigdig
Timog-Silangang Asia
Ayon sa World Wildlife Fund, mula 1997 hanggang 2011, maraming bagong uri ng halaman at hayop, kasama na ang ruby-eyed pit viper (Trimeresurus rubeus), ang natukoy sa Greater Mekong, isang rehiyong sumasaklaw sa Cambodia, Laos, Myanmar, Thailand, Vietnam, at sa probinsiya ng Yunnan, China. Sa mga uring natuklasan noong 2011 lang, may 82 halaman, 21 reptilya, 13 isda, 5 ampibyan, at 5 mamalya.
Europa
Malubhang problema na ang human trafficking sa “buong European Union,” ang sabi ng isang report ng The Moscow Times. Ibinebenta ang mga tao para sa seksuwal na layunin, puwersahang pagtatrabaho, at kahit sa “ilegal na bentahan ng mga organ ng tao.” Sinasamantala ng mga trafficker ang kahirapan, kawalan ng trabaho, at di-pagkakapantay-pantay dahil sa kasarian.
New Zealand
Natuklasan ng mga mananaliksik na ang sobrang panonood ng TV ng mga bata at tin-edyer ay “isa sa mga dahilan ng pagiging marahas sa murang edad.” Sinabi ng mga mananaliksik na sinusuportahan nito ang rekomendasyon na ang mga bata ay dapat manood nang “di-hihigit sa 1 hanggang 2 oras ng mga de-kalidad na programa araw-araw.”
Alaska
Halos lahat ng nayon ng mga katutubo sa Alaska ay nasa mga baybayin o malapit sa mga ilog, at 86 na porsiyento sa mga ito ay apektado ng pagbaha at pagguho ng lupa. Sinasabi ng mga report na dahil sa pagtaas ng temperatura, naaantala ang pamumuo ng yelo na nagsisilbing proteksiyon sa baybayin kung kaya mas nahahantad ang mga nayon sa mga bagyo tuwing taglagas.
Daigdig
Sa kabila ng malaking gastos sa mga teknolohiyang makapagpo-produce ng malinis na enerhiya, gaya ng enerhiyang galing sa hangin at araw, “ang average unit ng enerhiya na naipo-produce ngayon ay halos kasindumi pa rin ng enerhiya 20 taon na ang nakalilipas,” ang sabi ni Maria van der Hoeven, executive director ng International Energy Agency.