Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Pagtatangi ng Lahi

Pagtatangi ng Lahi

Saan nagmula ang mga lahi ng tao?

“Tinawag ni Adan na Eva ang pangalan ng kaniyang asawa, sapagkat siya ang magiging ina ng lahat ng nabubuhay.”Genesis 3:20.

ANG SINASABI NG MGA EKSPERTO

Ayon sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), “iisang lahi lang ang tao at nanggaling sa iisang ninuno.”—Declaration on Race and Racial Prejudice, 1978.

ANG SABI NG BIBLIYA

Lumalang ang Diyos ng dalawang tao, sina Adan at Eva, at sinabi niya sa kanila: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” (Genesis 1:28) Kaya sina Adan at Eva ang unang mga magulang ng lahat ng tao. Nang maglaon, nagkaroon ng baha at nalipol ang halos lahat ng tao. Walong tao lang ang nakaligtas—si Noe at ang asawa niya, pati ang kaniyang tatlong anak na lalaki at ang kani-kanilang asawa. Itinuturo ng Bibliya na lahat tayo ay nanggaling sa mga anak ni Noe.Genesis 9:18, 19.

 May lahi bang nakahihigit sa iba?

“Ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.”Gawa 17:26.

ANG SABI NG ILAN

Noong ika-20 siglo, may mga grupong nagtaguyod sa ideya ng pagtatangi ng lahi. Halimbawa, ikinatuwiran ng mga Nazi na ang kanilang lahi ay nakahihigit sa iba. Pero kabaligtaran ito ng isinasaad ng dokumento ng UNESCO, na nabanggit sa simula, na nagsasabing “ang lahat ng lahi ng tao ay pantay-pantay dahil iisa lang ang pinagmulan nila.”

ANG SABI NG BIBLIYA

Sinasabi sa Gawa 10:34, 35: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” Kaya hindi makatuwirang isipin ng sinuman na ang isang lahi ay nakahihigit sa iba.

Nagtakda si Jesus ng pamantayan para sa mga Kristiyano nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad: “Lahat kayo ay magkakapatid.” (Mateo 23:8) Idinalangin niya na magkaisa ang kaniyang mga tagasunod at “mapasakdal sila sa isa,” nang hindi nahahati o nababahagi.Juan 17:20-23; 1 Corinto 1:10.

Mawawala pa kaya ang pagtatangi ng lahi?

“Mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag . . . ; at doon ay huhugos ang lahat ng mga bansa.”Isaias 2:2.

ANG INIISIP NG ILAN

Dahil sa patuloy na alitan ng lahi, naitatanong ng mga tao sa maraming bansa kung may nagawa nga ba ang lipunan para ayusin ang problemang ito. Ang ilan ay hindi na umaasang magiging pantay-pantay ang lahat ng lahi.

ANG SABI NG BIBLIYA

Hindi hahayaan ng Diyos na magpatuloy ang pagkakapootan dahil sa lahi. Kapag namahala na ang kaniyang Kaharian, ang mga tao “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” ay maglilingkod sa kaniya nang may pagkakaisa, anupat nagpapakita ng tunay na pag-ibig sa kanilang kapuwa. (Apocalipsis 7:9) Ang Kaharian ng Diyos ay hindi lang basta nasa puso. Isa itong gobyerno na magdudulot ng malaking pagbabago sa lupa—ang dakong pinili ng Diyos na tirhan ng mga taong hindi nagtatangi sa isa’t isa. *

^ par. 15 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Available din sa www.isa4310.com/tl.