SULYAP SA NAKARAAN
Constantino
Si Constantino ang unang Romanong emperador na nagpakilalang Kristiyano. Dahil dito, malaki ang naging impluwensiya niya sa kasaysayan ng daigdig. Tinanggap niya ang dating inuusig na relihiyong ito at naging pasimuno sa pagkakatatag ng Sangkakristiyanuhan. Kaya naman, ang tinaguriang Kristiyanismo ang naging “pinakamalakas na kinatawan ng lipunan at pulitika” na nakaimpluwensiya sa takbo ng kasaysayan, ayon sa The Encyclopædia Britannica.
BAKIT ka dapat maging interesado sa isang sinaunang Romanong emperador? Kung interesado ka sa Kristiyanismo, dapat mong malaman na ang mga taktika ni Constantino sa pulitika at relihiyon ay nakaaapekto sa paniniwala at gawain ng maraming relihiyon hanggang ngayon. Tingnan natin kung paano.
MGA SIMBAHAN—GINAWANG LEGAL AT SAKA KINASANGKAPAN
Noong 313 C.E., si Constantino ang namamahala sa Kanluraning Imperyong Romano, samantalang sina Licinius at Maximinus ang magkasamang namamahala sa Silangan. Binigyan ni Constantino at ni Licinius ng kalayaan sa pagsamba ang lahat, kasama na ang mga Kristiyano. Ipinagtanggol ni Constantino ang Kristiyanismo, sa paniniwalang mapagkakaisa nito ang kaniyang imperyo. *
Kaya naman nadismaya si Constantino nang malaman niyang nababahagi ang mga simbahan dahil sa pagtatalu-talo. Sa kagustuhang mapagkaisa ang mga ito, sinikap niyang magtatag ng “tamang” doktrina at ipatupad ito. Para makamit ang pagsang-ayon ni Constantino, nakipagkompromiso sa kaniya ang mga obispo, at ang mga ito ay tumanggap ng suporta at eksemsiyon sa buwis. “Ang pagkakaroon ng ‘tamang’ bersiyon ng doktrinang Kristiyano,” ang sabi ng istoryador na si Charles Freeman, “ay naging susi hindi lang sa langit kundi sa malaking kayamanan sa lupa.” Sa gayon, ang klero ay naging makapangyarihan sa sanlibutan. “Nagkaroon nga ng tagapagsanggalang ang Simbahan,” ang sabi ng istoryador na si A.H.M. Jones, “pero nagkaroon din ito ng panginoon.”
“Nagkaroon nga ng tagapagsanggalang ang Simbahan, pero nagkaroon din ito ng panginoon.”—A.H.M. Jones, istoryador
ANONG URI NG KRISTIYANISMO?
Ang pakikipag-alyansa ni Constantino sa mga obispo ay lumikha ng isang relihiyon na pinaghalong Kristiyano at pagano. At ganiyan nga ang mangyayari, dahil ang tunguhin ng emperador ay ang pagkaisahin ang mga relihiyon, hindi ang magtaguyod ng katotohanan sa relihiyon. Kung sa bagay, tagapamahala kasi siya ng paganong imperyo. Para palugdan ang magkabilang panig, ‘sinadya niyang huwag maging espesipiko pagdating sa kaniyang mga pagkilos at pamamahala,’ ang isinulat ng isang istoryador.
Habang diumano’y itinataguyod ang Kristiyanismo, nakikisangkot pa rin si Constantino sa paganismo. Halimbawa, nagsagawa siya ng astrolohiya at panghuhula—mga gawaing may kinalaman sa okultismo na hinahatulan ng Bibliya. (Deuteronomio 18:10-12) Sa Arch of Constantine sa Roma, ipinakikita siyang naghahain sa mga paganong bathala. Patuloy niyang pinarangalan ang diyos-araw sa pamamagitan ng paglalagay ng larawan nito sa mga barya at pagtataguyod sa kulto nito. Nang magkaedad si Constantino, pinayagan pa nga niya ang isang maliit na bayan sa Umbria, Italy, na magtayo ng templo para sa kaniya at sa kaniyang pamilya at mag-atas ng mga saserdoteng maglilingkod doon.
Si Constantino ay nagpabinyag lang bilang “Kristiyano” noong 337 C.E., mga ilang araw bago siya mamatay. Naniniwala ang maraming iskolar na kaya siya nagpaliban ay para mapanatili ang pulitikal na suporta ng mga Kristiyano at mga pagano na nasa kaniyang imperyo. Siyempre pa, pinag-aalinlanganan ang kataimtiman ng pananampalataya niya kay Kristo dahil sa naging buhay niya at sa pagpapaliban niya ng kaniyang binyag. Pero isang bagay ang tiyak: Ang simbahan na ginawang legal ni Constantino ay naging makapangyarihang pulitikal at relihiyosong organisasyon na tumalikod kay Kristo at umibig sa sanlibutan. Sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Mula sa Simbahang ito—na naging makasanlibutan—ay nagsulputan ang di-mabilang na denominasyon.
Ano ang ibig sabihin nito para sa atin? Ibig sabihin, hindi natin dapat basta-basta tatanggapin ang turo ng anumang relihiyon. Kailangan muna nating suriin ang mga ito sa tulong ng Bibliya.—1 Juan 4:1.
^ par. 6 Madalas pagdebatehan kung talagang taimtim ang pananalig ni Constantino bilang Kristiyano, na ang isang dahilan ay ang “kaniyang lantarang pagpaparaya sa mga paganong kulto, kahit noong huling bahagi ng pamamahala niya,” ayon sa isang reperensiya.