Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Paglalang

Paglalang

Nilalang ba ng Diyos ang lupa sa loob lang ng anim na araw na tig-24 na oras, gaya ng sabi ng ilang creationist?

“Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.”Genesis 1:1.

ANG SABI NG BIBLIYA

Nilalang ng Diyos ang uniberso, pati na ang lupa, noong di-matukoy na panahong nakalipas—“nang pasimula,” gaya ng sabi sa Genesis 1:1. Sang-ayon ang modernong siyensiya na may pasimula ang uniberso. Kamakailan, tinaya ng mga siyentipiko na halos 14 na bilyong taon na itong umiiral.

Binanggit din ng Bibliya ang anim na “araw” ng paglalang. Pero hindi nito sinasabi na ang mga ito ay tig-24 na oras. (Genesis 1:31) Sa katunayan, ginagamit ng Bibliya ang salitang “araw” para tumukoy sa iba’t ibang haba ng panahon. Halimbawa, ang buong yugto ng paglalang ay tinawag nitong “araw [nang] gawin ng Diyos na Jehova ang lupa at langit.” (Genesis 2:4) Malamang na ang mga “araw” na ito ng paglalang ay tumagal nang libu-libong taon.Awit 90:4.

KUNG BAKIT ITO MAHALAGANG ISAALANG-ALANG

Dahil sa maling opinyon ng mga creationist, baka hindi ka na maniwala sa Bibliya. Pero kung talagang mapananaligan ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang, makikinabang ka sa nakaimbak ditong “praktikal na karunungan.”Kawikaan 3:21.

 Nilalang ba ng Diyos ang buhay sa lupa sa pamamagitan ng ebolusyon?

“Sinabi ng Diyos: ‘Bukalan ang lupa ng mga kaluluwang buháy ayon sa kani-kanilang uri.’”Genesis 1:24.

ANG SABI NG BIBLIYA

Ang Diyos ay hindi gumawa ng isang simpleng anyo ng buhay at hinayaan itong mag-evolve tungo sa mas masalimuot na mga anyo ng buhay. Sa halip, lumalang siya ng pangunahing “uri” ng masalimuot na mga halaman at hayop, na nagpaparami “ayon sa kani-kanilang uri.” (Genesis 1:11, 21, 24) Dahil sa prosesong ito, na nagpapatuloy hanggang ngayon, ang lupa ay napupuno ng gayunding mga “uri” ng buhay na orihinal na nilalang ng Diyos.Awit 89:11.

Hindi espesipikong binabanggit ng Bibliya kung gaano karaming pagkakasari-sari ang puwedeng mabuo sa isang uri, gaya ng posibleng maging resulta kapag ang magkakauring hayop ay naglahian at nakibagay sa kapaligiran nila. Bagaman iniisip ng ilan na ang gayong pakikibagay ay isang anyo ng ebolusyon, wala namang lumitaw na bagong uri ng buhay. Ayon sa modernong pananaliksik, kaunting-kaunti lang ang naging pagbabago sa mga pangunahing kategorya ng mga halaman at hayop sa paglipas ng napakahabang panahon.

KUNG BAKIT ITO MAHALAGANG ISAALANG-ALANG

Dahil kaayon ng siyensiya ang paglalarawan ng Bibliya sa mga pangunahing “uri” ng buhay, lalong tumitibay ang kredibilidad nito pagdating sa iba pang bagay, gaya ng kasaysayan at mga hula.

Saan nagmula ang likas na materyales ng uniberso?

“Ang aking sariling mga kamay ang nag-unat ng mga langit.”Isaias 45:12.

ANG SABI NG BIBLIYA

Ang Diyos ang Bukal ng walang-hanggang kapangyarihan, o enerhiya. (Job 37:23) Napakahalaga nito dahil alam ng mga siyentipiko na ang enerhiya ay puwedeng gawing materya. Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos mismo ang Bukal ng saganang “dinamikong lakas,” o enerhiya, na lumikha sa uniberso. (Isaias 40:26) Nangako ang Diyos na gagamitin niya ang kaniyang kapangyarihan para sa patuloy na pag-iral ng kaniyang mga nilalang. Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol sa araw, buwan, at mga bituin: “Pinananatili . . . sila [ng Diyos] magpakailanman, hanggang sa panahong walang takda.”Awit 148:3-6.

KUNG BAKIT ITO MAHALAGANG ISAALANG-ALANG

Sinabi ng astronomong si Allan Sandage: “Hindi kayang sagutin ng siyensiya ang pinakamalalalim na tanong. Kapag nagtanong ka kung bakit may uniberso, hindi na iyan saklaw ng siyensiya.” Bukod sa kaayon ng siyensiya ang paliwanag ng Bibliya sa paglalang, nasasagot pa nito ang mga tanong na di-kayang sagutin ng siyensiya, gaya ng, Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa at sa sangkatauhan? *

^ par. 16 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Available din sa www.isa4310.com/tl.