Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MGA BANSA AT MGA TAO

Pagbisita sa Italy

Pagbisita sa Italy

ANG Italy ay lupain ng mga pagkakaiba—kung may mahahabang baybayin, mayroon ding mababatong kabundukan; at kung napakainit ng tag-araw sa timog, napakatindi naman ng taglamig sa hilaga. Marami ring bulkan dito, pero iilan lang ang aktibo, gaya ng Stromboli at Mount Etna.

Ang Italy ay isa sa pinakamataong bansa sa Europa. Binagtas ito ng iba’t ibang lahi, gaya ng mga Arabe, Bizantino, Griego, Norman, at mga taga-Fenicia.

Ang mga turista ay namamasyal sa mga kanal ng Venice sakay ng gondola

Ang bansang ito ay mayaman sa kasaysayan at sining. Makikita sa maraming bayan at lunsod ng Italy ang sinaunang mga guhong Griego at Romano, gayundin ang arkitekturang Baroque at Renaissance. Ang mga painting, estatuwang marmol, at mga fountain ay likha ng mga dalubsining na gaya nina Bernini, Michelangelo, at Raphael.

Mahalagang bahagi sa pang-araw-araw na buhay ang pagkain, at maraming kaugaliang sinusunod pagdating sa lokal na mga lutuin. Kadalasan nang unang inihahain ang pasta, na sinusundan ng karne o isda na may gulay. Madalas gamitin ang olive oil dahil napakarami nito roon. Ang pizza at risotto ay kilaláng pagkaing Italyano.

Ang pasta ay pangunahing pagkaing Italyano

 Ang mga Italyano ay magiliw, mapagpatuloy, at mahilig makihalubilo. Mahilig silang makipag-usap, kung kaya karaniwan silang makikitang nagkukuwentuhan sa mga liwasan o masiglang nag-uusap habang naglalakad.

Karamihan sa populasyon ng Italy ay nagsasabing Romano Katoliko sila, pero kaunti lang ang regular na nagsisimba. Diumano, humina ang impluwensiya ng simbahan nitong mga nagdaang dekada dahil hindi na sinusunod ng mga tao ang sinasabi ng simbahan at binabale-wala nila ang mga patakaran nito sa aborsiyon at diborsiyo.

Dumarami ang mga Saksi ni Jehova sa Italy. Kilalá sila sa pagtuturo ng Bibliya, na bahagi ng kanilang ministeryo, at sa pamumuhay kaayon ng mga pamantayan nito. May mahigit 3,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong bansa, at marami sa mga ito ang naghahanap ng mga tao na nagsasalita ng ibang wika maliban sa Italyano. Kailangang-kailangan ang pagtuturo ng Bibliya sa mga banyagang wika dahil sa loob lang ng sampung taon, natriple ang bilang ng mga banyaga sa Italy.

ALAM MO BA?

Bagaman ang Vatican City ay nasa Rome, isa na itong independiyenteng bansa mula pa noong 1929, kaya naman banyagang lupain ang turing dito ng mga mamamayan ng Italy.

Ang Dolomites, isang kabundukan sa hilagang-silangang Italy