Pagmamasid sa Daigdig
Italy
Noong 2011 sa Italy, mas mabenta ang bisikleta kaysa sa kotse. Ang ilang posibleng dahilan ay ang krisis sa ekonomiya, presyo ng gasolina, at gastusin sa pagmamantini. Samantala, ang bisikleta ay mas madaling mantinihin, mas madaling gamitin, at mas kumbinyente.
Armenia
Ayon sa European Court of Human Rights, nilabag ng gobyerno ng Armenia ang karapatan ng 17 kabataang lalaking Saksi ni Jehova na ikinulong matapos tumangging magsagawa ng serbisyong pansibilyan sa ilalim ng pangangasiwa ng militar. Ang gobyernong ito ay inutusan na bayaran ang pinsala at nagastos ng 17 Saksi sa kaso.
Japan
Sa mga batang naging biktima ng krimen dahil sa mga social networking site, 63 porsiyento ang hindi nabigyan ng babala ng kanilang mga magulang tungkol dito. Sa 599 na kasong siniyasat, 74 na porsiyento ng diumano’y nambibiktima ang umaming ginagamit nila ang mga site na ito sa layuning makipag-sex sa mga menor-de-edad.
China
Sa pagsisikap na mapaluwag ang daloy ng trapiko, nililimitahan na ng malalaking lunsod ang bilang ng mairerehistrong bagong sasakyan. Halimbawa, sa Beijing, mahigit 240,000 lang ang mairerehistro taun-taon. Noong Agosto 2012, mga 1,050,000 ang sumali sa raffle na nagbigay ng 19,926 na sertipiko ng pagrerehistro. Ibig sabihin, 1 lang sa bawat 53 aplikante ang nanalo.