INTERBYU | CÉLINE GRANOLLERAS
Ang Paniniwala ng Isang Espesyalista sa Kidney
Si Dr. Céline Granolleras ay isang espesyalista sa sakit sa kidney sa France. Pagkaraan ng mahigit 20 taon ng pagiging doktor, nakumbinsi siya na may isang Maylalang na nagmamalasakit sa atin. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang espesyalisasyon at paniniwala.
Kuwentuhan mo kami ng ilang bagay tungkol sa iyo.
Mula sa Spain, lumipat ang pamilya namin sa France noong siyam na taóng gulang ako. Katoliko ang mga magulang ko, pero noong 16 anyos ako, hindi na ako naniwala sa Diyos. Hindi mahalaga sa akin ang relihiyon. Kapag may nagtatanong kung paano nagsimula ang buhay kung walang Diyos, sinasabi ko, “Hindi pa ito maipaliwanag ng mga siyentipiko sa ngayon, pero balang-araw, maipapaliwanag din nila iyon.”
Bakit mo ipinasiyang pag-aralan ang sakit sa kidney?
Nag-aral ako ng medisina sa Montpellier, France. Kinausap ako ng isang propesor doon tungkol sa pagtatrabaho sa nephrology, isang sangay ng medisina na may kinalaman sa kidney. Kasama sa trabahong iyon ang pagre-research at ang pag-aalaga sa mga pasyente. Iyon talaga ang gusto ko. Noong 1990, nakibahagi ako sa pagre-research kung paano gagamitin ang recombinant erythropoietin (EPO) para makontrol ang produksiyon ng pulang selula ng dugo sa ating buto. Nang panahong iyon, medyo bago pa ang larangang ito ng pagsasaliksik.
Bakit pumasok sa isip mo ang Diyos?
Noong 1979, nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang mister kong si Floréal. Pero hindi ako interesado. Bata pa ako, sawâ na ako sa relihiyon. Sa kabila nito, naging Saksi ang mister ko at ang aming mga anak, at di-nagtagal, halos lahat ng kaibigan namin ay mga Saksi. Ang isa sa kanila, si Patricia, ay nagsabing subukan kong manalangin. “Kung walang Diyos, walang mawawala sa iyo,” ang sabi niya. “Pero kung mayroon, tingnan mo kung ano’ng mangyayari.” Pagkaraan ng ilang taon, nag-isip-isip ako tungkol sa kahulugan ng buhay, at naalaala ko ang sinabi ni Patricia. Dahil dito, nagsimula akong manalangin at humingi ng kaliwanagan.
Bakit mo naman napag-isipan ang kahulugan ng buhay?
Nang salakayin ng mga terorista ang World Trade Center sa New York, tinanong ko ang sarili ko kung bakit laganap ang kasamaan sa lipunan. Naisip ko: ‘Nanganganib ang ating kinabukasan dahil sa mga ekstremista sa relihiyon. Pero ang mga Saksi ni Jehova ay mapayapa. Hindi sila ekstremista. Sumusunod sila sa Bibliya. Siguro, dapat kong suriin kung ano’ng sinasabi nito.’ Kaya nagsimula akong magbasa ng Bibliya.
Bilang doktor, nahirapan ka bang maniwala sa Maylalang?
Hindi. Hangang-hanga ako sa mahusay na pagkakadisenyo ng ating katawan. Halimbawa, talagang nakakamangha kung paano kinokontrol ng kidney ang dami ng pulang selula sa dugo.
Bakit mo naman nasabi iyan?
Napag-isip-isip kong Diyos lamang ang puwedeng magdisenyo ng ganito kahusay na sistema
Gaya ng alam natin, ang mga pulang selula ng dugo ay naghahatid ng oxygen. Kapag nawalan tayo ng maraming dugo o pumunta sa mataas na lugar, nagkukulang ang oxygen sa ating katawan. Ang kidney natin ay may mga sensor para sa oxygen. Kapag na-detect ng mga ito na kulang ang oxygen sa dugo, ina-activate ng mga ito ang produksiyon ng EPO, at puwedeng tumaas nang hanggang sanlibong ulit ang level ng EPO sa ating dugo. Dahil sa EPO, ang bone marrow ay gagawa ng mas maraming pulang selula, na maghahatid naman ng dagdag na oxygen. Talagang kamangha-mangha! Ang nakapagtataka, pagkatapos ng sampung-taóng pag-aaral sa prosesong ito, saka ko lang napag-isip-isip na Diyos lamang ang puwedeng magdisenyo ng ganito kahusay na sistema.
Ano’ng masasabi mo sa Bibliya?
Marami na akong nabasang aklat tungkol sa kasaysayan at mga sikát na nobela, pero nakita ko agad na iba ang Bibliya. Napakapraktikal ng payo nito, kaya tiyak na nakahihigit sa tao ang pinagmulan nito. Humanga ako sa personalidad ni Jesus. Napatunayan kong totoo siya. Mayroon siyang damdamin, at nagkaroon siya ng mga kaibigan. Ayokong gamitin ang publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, kaya nagre-research ako sa mga ensayklopidiya at iba pang reperensiya kapag may tanong ako.
Ano’ng nire-research mo?
Nag-research ako sa mga aklat tungkol sa kasaysayan . . . Nang dakong huli, napatunayan kong natupad sa tamang panahon ang hulang ito ng Bibliya
Ang isang bagay na nakaintriga sa akin ay kung paano inihula ng Bibliya ang taon ng bautismo ni Jesus. Eksaktong ipinakikita nito kung gaano karaming panahon ang lilipas mula sa ika-20 taon ng paghahari ni Artajerjes na tagapamahala ng Persia hanggang sa taóng iharap ni Jesus ang kaniyang sarili bilang Mesiyas. * Sanay akong mag-research—parte ito ng trabaho ko. Kaya nag-research ako sa mga aklat tungkol sa kasaysayan para matiyak ang mga petsa ng pamamahala ni Artajerjes at ang mga petsa ng ministeryo ni Jesus. Nang dakong huli, napatunayan kong natupad sa tamang panahon ang hulang ito ng Bibliya at na kinasihan nga ito ng Diyos.
^ par. 19 Tingnan ang pahina 197-199 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.