Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Switzerland

Sinasabi ng isang pag-aaral sa Switzerland na ang mga taong mahigit 60 anyos ay 14 na porsiyentong mas malamang na mamatay sa kanilang birthday kaysa sa ibang araw. Sa kanilang birthday, ang mga tao sa pangkalahatan ay 18 porsiyentong mas malamang na mamatay dahil sa atake sa puso, ang mga babae ay 21 porsiyentong mas malamang na maistrok, at ang mga lalaki naman ay 35 porsiyentong mas malamang na magpakamatay. Ipinapalagay ng mga siyentipiko na dahil sa stress at alak, lalong dumarami ang nagpapatiwakal at naaaksidente. Pero tutol sa pag-aaral na ito ang ilang eksperto. Naniniwala silang pagkakamali lang na nagkapareho ang araw ng kapanganakan at kamatayan ng mga taong iyon.

Israel

Kumpara sa magagandang babae, ang mga lalaking guwapo ay mas malamang na interbyuhin kapag naglagay sila ng litrato sa kanilang résumé. Bakit? Sinasabi ng mga mananaliksik sa Israel na ito’y dahil ang mga human resource department—na nagpapasiya kung sino ang iinterbyuhin—ay halos binubuo ng mga babae. Ayon sa The Economist, ang “di-katanggap-tanggap” na paliwanag ay na naiinggit ang mga babae sa magagandang aplikante.

Estados Unidos

Pinasok kamakailan ng tatlong pasipista—isang 82-anyos na madre at dalawang kasama niya na edad 63 at 57—ang isang lugar sa Oak Ridge, Tennessee, na kinalalagyan ng 100 toneladang sangkap na ginagamit sa paggawa ng mga sandatang nuklear. Nagsulat sila ng mga islogan na kontra sa digmaan sa isa sa mga gusali. Ang kapabayaan sa seguridad sa ‘dapat sana’y isa sa pinakaguwardiyadong pasilidad sa mundo’ ay inilarawan ni Energy Secretary Steven Chu bilang “lubhang nakababahala.”

Australia

Inutusan ng pinakamataas na hukuman sa bansa ang mga kompanya ng tabako na alisin ang mga pagkakakilanlang kulay at logo mula sa mga pakete ng sigarilyo. Ang lahat ng ibebentang sigarilyo ngayon ay dapat na nasa mga paketeng kulay dark-brown na may nakapangingilabot na litratong nagpapakita kung gaano kapanganib ang paninigarilyo.