MGA BANSA AT MGA TAO
Pagbisita sa Azerbaijan
ANG Azerbaijan ang pinakamalaki sa tatlong bansa sa Southern Caucasus. Mga sanlibong taon na ang nakalilipas, malalaking bilang ng mga tribong Turkic ang nagsimulang manirahan sa lugar na ito. Ginaya ng mga dayong ito ang ilang tradisyon ng mga tagaroon, at ginaya naman ng mga tagaroon ang ilang kultura ng mga dayo. Kaya hindi kataka-takang nahahawig ang wikang Azerbaijani sa mga wikang Turkish at Turkmen.
Ang mga Azeri ay kilaláng masayahin at magiliw. Malapít sa isa’t isa ang magkakapamilya, at nagtutulungan sila kapag may mga problema.
Mahilig sa musika at tula ang mga Azeri. Sa mugam, isang uri ng musika, kinakanta ng mang-aawit ang klasikal na mga tulang Azeri sa saliw ng mga katutubong instrumento. Dapat ay alam na alam ng mang-aawit ang tradisyonal na koleksiyon ng musikang mugam, at dapat ay magaling siyang mag-adlib.
Ang tsaa ay isang mahalagang bahagi ng kulturang Azerbaijani. Isinisilbi ito sa maliliit at korteng-peras na mga baso na may kasamang sugar cube. Puwede rin itong sabayan ng pistasyo, almond, at pasas. May mga tea house kahit sa pinakamaliliit na bayan.
Ang Caspian Sea, na nasa gawing silangan ng bansang ito, ay tirahan ng mga isdang sturgeon. Ang mga beluga sturgeon ay nabubuhay nang mahigit 100 taon. Ang isa sa pinakamalaking nahuli ay may habang 8.5 metro at tumitimbang nang 1,297 kilo! Gustung-gusto ng mga tao ang sturgeon dahil sa mga itlog nito na ginagawang black caviar, na popular at napakamahal.
Ang mga Azeri ay relihiyoso at gustung-gusto nilang pag-usapan ang tungkol sa Diyos. Karamihan sa kanila ay Muslim. May iba pang mga relihiyon doon, kasama na ang mga Saksi ni Jehova na mahigit isang libo ang bilang
ALAM MO BA?
Ang mga Saksi ni Jehova ay nakikipag-aral ng Bibliya sa milyun-milyong tao sa buong daigdig, gamit ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Makukuha ito sa mahigit 250 wika, kasama na ang Azerbaijani.