Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Kung Paano Didisiplinahin ang Iyong Anak na Tin-edyer

Kung Paano Didisiplinahin ang Iyong Anak na Tin-edyer

ANG HAMON

Patakaran sa bahay ninyo na i-off ang cellphone pagdating ng alas nuwebe ng gabi, pero nitong linggong ito, dalawang beses mong nakita ang anak mong babae na nagtetext nang pasado alas dose. Alas diyes ng gabi ang curfew ng anak mong lalaki, pero kagabi, umuwi na naman siya nang pasado alas onse.

Puwedeng magbago ang iyong anak na tin-edyer. Pero kailangan mo munang malaman kung bakit parang binabale-wala niya ang iyong mga patakaran. At ang maganda nito, baka ang inaakala mong pagrerebelde ay hindi naman talaga pagrerebelde.

ANG DAHILAN

Di-malinaw na mga limitasyon. Binabale-wala ng ilang tin-edyer ang mga patakaran para makita kung hanggang saan sila makakalusot. Halimbawa, kapag sinabi ng isang magulang na didisiplinahin niya ang lalabag sa isang patakaran, baka subukan ng isang tin-edyer na lumabag para makita kung gagawin nga ng magulang ang sinabi nito. Nagiging rebelde na ba ang ganitong mga tin-edyer? Hindi naman. Ang totoo, mas malamang na hindi sumunod ang mga tin-edyer sa mga patakaran kapag pabagu-bago ang mga magulang sa paglalapat ng disiplina o kapag hindi malinaw ang mga limitasyon.

Masyadong mahigpit. May mga magulang na nagbibigay ng napakaraming patakaran sa kanilang anak para kontrolin ang mga ito. Kapag sumuway ang anak, nagagalit ang magulang at nagbibigay ng mas marami pang patakaran. Pero madalas, lumalala lamang ang sitwasyon. “Habang lalo mong kinokontrol ang mga bagay-bagay, lalo namang nagmamatigas ang iyong anak na tin-edyer,” ang sabi ng aklat na Parent/Teen Breakthrough. Idinagdag pa nito: “Ang pagkontrol sa anak ay gaya ng pagpapahid ng matigas na mantikilya sa malambot na tinapay: nagkakagutay-gutay lang ang tinapay, at hindi solusyon kung lalo mong didiinan ang pagpapahid.”

Makakatulong ang tamang disiplina. Naiiba ito sa “pagpaparusa,” dahil ang pangunahing kahulugan ng “disiplina” ay pagtuturo. Kung gayon, paano mo matuturuan ang anak mong tin-edyer na sumunod sa iyong mga patakaran?

 ANG PUWEDE MONG GAWIN

Sabihin nang malinaw ang patakaran. Kailangang maging malinaw sa mga tin-edyer kung ano ang inaasahan sa kanila at kung ano ang magiging resulta kapag sumuway sila.—Simulain sa Bibliya: Galacia 6:7.

Mungkahi: Ilista ang inyong mga patakaran sa bahay. Tapos, tanungin ang sarili: ‘Masyado bang marami ang mga ito? O kakaunti? Mayroon bang hindi na kailangan? Dapat ko bang i-adjust ang mga patakaran depende sa kung gaano karesponsable ang anak ko?’

Huwag pabagu-bago. Baka malito ang mga anak kapag hindi sila dinisiplina noong nakaraang linggo sa paglabag sa isang patakaran pero dinisiplina naman sila nitong linggong ito sa paglabag sa ganoon ding patakaran.—Simulain sa Bibliya: Mateo 5:37.

Mungkahi: Sikaping ibagay ang disiplina sa nalabag na patakaran. Halimbawa, kung hindi sinunod ng anak mong tin-edyer ang kaniyang curfew, ang pagbibigay ng mas maagang curfew ay isang nababagay na disiplina.

Maging makatuwiran. Ipakita ang pagkamakatuwiran sa pamamagitan ng pagbibigay ng higit na kalayaan sa iyong anak kung nararapat naman ito.—Simulain sa Bibliya: Filipos 4:5.

Mungkahi: Pag-usapan ninyo ng anak mo ang mga patakaran ng pamilya. Puwede mo pa nga siyang tanungin kung anong disiplina ang sa tingin niya’y nararapat kapag nilabag niya ang isang patakaran. Mas malamang na sumunod ang mga tin-edyer kapag kasama sila sa paggawa ng patakaran.

Tulungan ang iyong anak na magkaroon ng mabuting pagkatao. Ang layunin mo ay hindi ang basta mapasunod ang iyong anak kundi ang matulungan siyang magkaroon ng malinis na budhi—ang kakayahang makilala ang tama at mali. (Tingnan ang kahong “Tulungan ang Iyong Anak na Magkaroon ng Magagandang Katangian.”)—Simulain sa Bibliya: 1 Pedro 3:16.

Mungkahi: Sumangguni sa Bibliya. Ito ang pinakamahusay na pinagmumulan ng “disiplinang nagbibigay ng kaunawaan,” at ang karunungan nito ay maaaring “magbigay ng katalinuhan sa mga walang-karanasan, ng kaalaman at kakayahang mag-isip sa kabataan.”—Kawikaan 1:1-4.