MAIILAP NA HAYOP
Ang Moose—Pambihirang Higante ng Kagubatan
“PANGIT ang hitsura at kakatwang tingnan ang moose. Bakit ang taas ng balikat nito? Bakit ang haba ng ulo nito?” Iyan ang sinabi ng manunulat ng ika-19 na siglo na si Henry David Thoreau, at hindi lang siya ang nagsabi ng ganiyan tungkol sa moose. Iniisip ng ilan na ang moose ay kakatwang kumilos at hindi matalino dahil nakakatawa ang hitsura nito, malimit itong nag-iisa sa kagubatan, at bihira itong makita ng mga tao. Totoo ba ito? Marami nang natuklasan ang mga mananaliksik sa Hilagang Amerika at Eurasia tungkol sa kakaibang hayop na ito.
Hindi maipagkakailang isang higante ang moose. Bagaman nagmumukha itong mabuway dahil sa kaniyang mahahabang binti, kayang itaboy ng mga binting ito ang isang grupo ng mga lobo. Mga ilang araw pagkasilang ng moose, natututo na itong lumangoy, at nakalalangoy ito ng maraming kilometro at nakasisisid sa lalim na halos anim na metro para manginain ng mga halaman!
Kahit hindi lumingon ang moose, naigagalaw niya ang kaniyang mga mata at napapansin ang paggalaw ng mga bagay na halos nasa likuran niya. Malaking tulong din ang kaniyang ilong. Sinasabi ng mga mananaliksik na dahil magkalayo ang mga butas ng ilong nito, may pambihirang kakayahan ito na matukoy ang eksaktong lokasyon ng isang bagay. Mahusay rin ang pandinig niya. Naigagalaw niya ang kaniyang mga tainga sa lahat ng direksiyon, at kaya nitong marinig ang ibang moose kahit sa layong tatlong kilometro!
Ayon sa isang manunulat, ang mga batang moose, na tinatawag na mga guya, ay “napaka-cute,” anupat mausyoso at malikot. Inaalagaan silang mabuti ng kanilang nanay, na tinatawag namang baka. Talagang nilalabanan ng mga nanay na moose ang sinumang gustong manila sa kanilang mga guya, gaya ng mga lobo, oso, at pati tao. Pagkatapos, kapag ang batang moose ay mga isang taon na, at buntis na uli ang nanay nito, ipagtatabuyan na siya ng kaniyang ina para mabuhay nang mag-isa.
NABUBUHAY SA HILAGA
Kung puro halaman lang ang pagkain ng mga moose, paano sila nakatatagal sa matinding taglamig? Nakatutulong sa kanila ang pagkain nang marami kapag tag-init. Umaabot sa 23 kilo ang nakakain ng moose araw-araw, ito man ay mga halamang tatlong metro ang taas sa lupa o nabubuhay sa ilalim ng tubig. Tinutunaw niya ito sa kaniyang tiyan na may apat na seksiyon para kunin ang kailangang sustansiya at ipunin ang taba. Pero napapaharap din ang moose sa iba pang panganib.
Nasusubok ang tibay ng moose kapag napakatindi ng lamig at makapal ang yelo. Hindi siya masyadong naggagagalaw para mapanatili ang init sa kaniyang katawang balót ng balahibo. Isa pa, napakahirap para sa mga moose na takasan ang mga lobo kapag nagyeyelo. Pero kadalasan, mas nanganganib sila mula sa mga tao, lalo na sa mga mangangaso at drayber ng sasakyan.
Gustung-gustong kainin ng moose ang asin na isinasaboy sa mga kalsada para tunawin ang yelo. Pero dahil maitim ang balahibo ng moose at kadalasa’y tumatawid sila ng kalsada pagkalubog ng araw, nabubundol sila ng mga drayber dahil hindi sila agad nakikita. Nagiging sanhi tuloy ito ng kamatayan ng mga tao at moose.
MAHILIG MAGLARO
Naobserbahan na ang moose ay mahilig maglaro ng alon sa dagat at siyang-siya ito sa paliligo sa maiinit na bukal. Sa panahon ng pagpaparami, magiliw sa isa’t isa ang mga babae at lalaking moose, at talagang kahanga-hanga ang pagiging mapag-aruga ng nanay na moose sa kaniyang guya. Ang mga guyang inalagaan ng tao ay nagiging maamo sa mga nag-aalaga sa kanila. Ganito ang obserbasyon ni Dr. Valerius Geist: “Ang pambihirang hayop na ito na kakatwa ang hitsura ay matalino, maamo, at napaka-loyal.”
Pero isang paalala: Ang moose ay isang mailap na hayop na napakalakas. Kapag nakakita ka nito sa kagubatan, irespeto ito at huwag lapitan, lalo na kung may maliliit siyang anak sa tabi niya. Pero kahit mula sa malayo mo ito pagmasdan, mapapahanga ka sa pambihirang higanteng ito ng kagubatan.